Kasabay ng pagdiriwang sa National Youth Day, ipinanawagan ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan, Polytechnic University of Philippines, College of Communication (SAMASA-PUP COC) ang mga hangarin para sa mga kabataan, sa ginanap na roundtable discussion sa Twitter Spaces nitong Biyernes, Agosto 12.
Nagsilbing mga host at speaker sina Kimberly Torralba, Ryan Chester Dob, Ronjay Mendiola, at Juan Gamalo sa inorganisang pagtitipon ng organisasyon na tumatalakay sa usapin na nakatuon sa temang “YouthTASTIC: A Roundtable Discussion on the Genuine Youth Empowerment for a Democratic Society.”
Ani Gamalo, “Isa sa mga layunin natin, yung maglunsad ng different programs, activities na makakapagtibay sa sektor ng mga kabataan at panghawakan pa ‘yung adhikain natin na empowerment.”
Bitbit ng organisasyon ang panawagan sa pagkakaroon ng dekalidad, ligtas, at abot-kamay na edukasyon para sa lahat ng antas, mula pre-school hanggang kolehiyo, kasama ang Alternative Learning System (ALS), at out of school youth.
Nabanggit din ang isyu na dinaranas ng mga estudyante sa College of Accountancy and Finance (CAF) na ayon kay Gamalo, “Hindi nalalayo sa COC dahil nararanasan din natin somehow yung mga arbitrary at anti-student policies na iniimplementa sa accountancy and finance department.”
Inimbitahan din ng organisasyon na makilahok ang mga kabataan sa mga national democratic mass organization, tulad ng ANAKBAYAN PUP-COC, Kabataan Partylist PUP-COC, League of Filipino Students (LFS), at Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).
Isinusulong ng mga student at youth movement na ipaglaban ang karapatan ng mga kabataan para sa kalusugan, edukasyon, at demokrasya.
Hamon ng SAMASA sa mga COCian na maging maalam sa mga suliraning pinagdaraanan ng lipunan.
“Marami ka talagang matututunan tungkol sa lipunan. Kasi ‘yun naman talaga ‘yung mahalaga. Lalo na tayong mga COCians, alagad tayo ng midya, dapat ay pinalalago pa natin ‘yung kaisipan natin. Dapat maalam tayo sa kung anong dinadanas ng masa.” saad ni Torralba.
Ayon kay Dob, bilang mga kabataan, malaking tungkulin kung paano isusulong hindi lamang ang pansariling interes, kung hindi maging ang mga inhustiya at interes ng mga taong naaapi.
Itinatag ang SAMASA bilang isang nationalist party na may hangaring ipaglaban ang kabataan, at mga Pilipino.
Alinsunod sa Republic Act o R.A. 11913, opisyal na idineklara ang ika-12 ng Agosto bilang tanda ng taunang pagdiriwang ng National Youth Day sa Pilipinas. Sa tulong ito ni dating Kabataan Partylist Representative Sarah Elago na pangunahing nagsulat at nagsulong ng batas na ito.
Artist: Hannah May Manalo
Comments