Opisyal nang nanumpa at na-i-proklama ang mga bagong halal na opisyal mula sa lokal na mga kolehiyo at Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) sa amphitheater ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) - Manila, noong Oktubre 17.
Ang opisyal na proklamasyon at panunumpang ito ang nagtuldok sa isinagawang halalan sa loob ng pamantasan.
Binigyang-buhay nina Commission on Elections (COMELEC) Vice Chairperson Gad Thomas Deuel S. Mendiola, at dating Pangulo ng SKM, Albie Revalde, ang panimula ng proklamasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mensaheng tumatalakay sa pagiging lider, na siyang makatutulong sa mga bagong halal na lider.
Inihayag naman ni COMELEC College of Communication (COC) Commissioner Lorielyn Belmonte ang bagong halal na mga Konseho ng Mag-aaral sa COC: Ronjay-C Mendiola at Loise Labrador bilang Pangulo at Ikalawang Pangulo; sina Kimberly Torralba, Eikee Cappal, Angelica De Guzman, Joemar Abella, John Carlo Caoile, at Ryan Chester Dob naman bilang mga konsehal.
Pinangunahan din ni Belmonte ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong mamumuno at kakatawan sa mga mag-aaral ng COC.
“Ginagawang normal ng mismong estado ang atake sa midya at anumang porma ng atake sa midya ay syempre direktang pag-atake na rin ito sa mga mamamayan,” saad ni Mendiola, habang ginigiit ang mga atake laban sa mga alagad ng midya.
Ipinaliwanag ni Mendiola na kung patuloy ang pag-atake sa karapatan ng mamamayan sa pamamahayag, dapat araw-araw ding lumaban ang kabataan sa pamamagitan ng pagpuna sa mga maling gawain ng estado.
Pinangunahan ni Mendiola ang pagbibigay ng maikling talumpati patungkol sa mga kasalukuyang atake sa alagad ng midya katulad na lamang sa pagpatay kay Percival Mabasa, kilala rin bilang Pery Lapid, at pagpapasara sa mga website at networks katulad ng ABS-CBN. Ipinaalala niya rin ang tungkulin ng mga kabataan bilang “anak ng bayan na siyang babawi sa kanilang kinabukasan.”
Binigyang-diin ni Mendiola ang kanyang mensahe para sa kasalukuyang administrasyon: “Humanda ho kayo. Dahil magsasama-sama ang mga iskolar ng bayan sa pagpapatalsik sa inyo sa Malacañang. Tama na ho ang ilusyon niyo, tama na ho ang pagkaganid niyo sa kapangyarihan dahil sa amin ang tunay na kapangyarihan.”
Samantala, pinangunahan naman ng COMELEC Commissioner RJ Salamera ng College of Political Science and Public Administration (CPSPA) ang pagpapakilala sa mga bagong halal ng SKM na sina Kirchhoff Angala bilang Pangulo, Benhur Queqquegan bilang Ikalawang Pangulo; at mga konsehal: Angelo Cruz, Gwynette Marbella, Dannah Francia, Matthew Santos, Kim Modelo, Denial Canaway, Angelo Mamis, John Chrizel Corre, Jayson Nobleza, Gurdheep Hampal, at Robert Oclida.
Nagbigay ng mensahe ang bagong halal na Pangulong Kirchhoff Angala ng SKM na nagbibigay-diin na walang makakatalo sa isang komunidad na nagkakaisa sa pagsusulong ng ligtas, aksisable, at kalidad na edukasyon.
“Sa kabila ng mga atake sa ating batayang mga karapatan, hindi tayo masisindak dahil siguradong mag-aanak ng laksa-laksang pagkilos at rebolusyonaryong kabataan ang kawastuhan ng ating militanteng pagkilos upang isulong ang nasyunalistiko, siyentipiko, at maka-masang edukasyon para sa lahat,” aniya.
Inisa-isa ni Angala ang mga krisis na kasalukuyang kinakaharap at ipinaglalaban ng mamamayan, katulad na lamang ng Ligtas na Balik-Eskwela (LBE), pasadlak na ekonomiya, at patuloy na pagtapak sa mga batayang karapatan ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon din kay Angala, ang ginanap na Student Council Elections ay isang manipestasyon sa patuloy na paglaban at hindi natitinag na kapasyahan na salubungin ang hamon ng panahon. Isinaad niya rin ito bilang isang buhay na patunay ng kawastuhan ng pakikibaka.
Hinikayat ni Angala ang lahat na ipagpatuloy ang laban ng mga martir na hindi napangalanan noong Martial Law, lalo na at hinahamon ang madilim na bahagi ng kasaysayan sa kasalukuyan.
Sa unang araw ng kanilang pag-upo ay agad na ipinasa ng mga bagong halal ng University-wide student Council ang isang pagsusuring papel sa kasalukuyang hybrid modality ng pamantasan.
Nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga naihalal na mga lider-estudyante sa amphitheater pagkatapos ng proklamasyon habang dala-dala ang mga panawagang maipatalsik sa Malacañang ang tambalang Marcos-Duterte, ligtas na balik-eskwela, pagtutol sa budget cut at iba pang sigaw laban sa katiwalian.
Ang proklamasyong isinigawa ay matagumpay na naibalik matapos ang dalawang taon ng pandemya.
Graphics: Cathlyn Keshel de Raya
Коментарі