Bilang pagpapatuloy sa nasuspindeng ikalawang araw ng 23rd ANAK Federation General Assembly na nakatakda sanang ganapin noong Nobyembre 27, naghain ng iba’t ibang mosyon para sa General Plan of Actions (GPOA) ang mga kinatawan ng mga PUP student councils mula sa main campus, branches, at satellite campuses sa kanilang pagdinig sa Zoom, Disyembre 12.
Pinangunahan ni ANAK PUP President at Student Regent Wilhelm Provido Jr. ang pagsisimula ng ikalawang araw ng kongreso sa pagtalakay sa 23rd ANAK Federation One-year program at GPOA ng kanilang termino.
Naging mainit na talakayan ang pagbubukas ng diskusyon ni PUP College of Communication (COC) SC President Ronjay Mendiola tungkol sa mandatory ROTC at budget cut na banta sa PUP nang tanungin niya kay Provido kung may aksyon ng ginagawa ang ANAK PUP hinggil sa mga isyung ito.
Ayon kay Provido, mayroon ng posisyong papel na naibalangkas ang ANAK PUP ukol sa mandatory ROTC at budget cut na susundan na ng kanilang “lobbying efforts” para rito.
“For everyone’s insight, the Office of the Student Regent (OSR) and ANAK Federation already crafted the initial draft, a position paper and soon to be published,” paglilinaw ni Provido.
Sinundan ang diskusyon ng paglalatag ng mosyon sa GPOA ni ANAK PUP Laguna-Batangas Cluster Representative at PUP Calauan SC President Reyven Mortel tungkol sa pokus ng organisasyon sa SCs ng PUP system at pagpapalakas ng leadership skills o “empowerment” ng SC officers sa pamamagitan ng workshops, seminars at simulation. Hindi inaprubahan ang mosyon ni Mortel sa botong 26 na hindi sang-ayon at isang abstain.
Samantala, naaprubahan naman ang mosyon ni ANAK PUP VP for Campuses at PUP Biñan SC President John Warren Ching na face-to-face reports at consultation sa botong 14-12 at apat na abstain.
𝗣𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝘀𝘂𝗿𝗶 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗜𝘀𝗸𝗼𝗹𝗮𝗿 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻
Binigyang-diin ni PUP College of Political Science and Public Administration (CPSPA) SC President Joshua Aquiler na dapat ay mayroong suri ng tunay na kalagayan ng Iskolar ng Bayan upang makabuo ng GPOA.
“Dapat mayroon tayong suri sa kung ano ang tunay na kalagayan ng Iskolar ng Bayan. Hindi pwedeng mahiwalay ito or mauna muna talaga ang pagbubuo ng isang plano na bulag tayo sa sitwasyon,” saad ni Aquiler.
Sinuhayan naman ito ni Mendiola at sinabing magiging malabnaw ang kalalabasan ng magiging plano kung walang social investigation sa buong PUP System.
Samantala, sinubukang maghain ng mosyon ni Aquiler tungkol sa pagsusuri ng kalagayan ng mahigit 80,000 iskolar ng bayan.
“I would like to file a formal motion if you could have the Office of the Student Regent (OSR) or the President of the ANAKFED to present to us actually what is the objective situation that we have right now in the PUP community system-wide,” ani Aquiler.
Ipinangako ni Provido na pormal nilang uunahin ang reporting ng mga konseho, OSR at executive committee upang ipaalam sa lahat ang sitwasyon ng buong komunidad ng PUP bilang tugon sa mosyon ni Aquiler.
Sa kabila nito, muling naghain ng mosyon si PUP College of Social Science and Development (CSSD) SC President Abbygail Alforque tungkol sa pag presenta ng objective situation ng buong PUP System. Sinegundahan ito ni Mendiola samantala tinutulan ito ni Mortel dahil umano naniniwala siyang “competent enough” ang kongreso na malaman ang tunay na sitwasyon sa PUP.
“We have our own councils, like for example sa mga cluster rep, specifically sa mga campus. We are prolonging the discussion. I believe the body is competent enough to know the situation of the PUP System,” saad ni Mortel.
Hindi naaprubahan ng ANAK PUP Federation ang mosyong inihain ni Alforque sa botong 15-16 sa kabila ng dalawang beses na panawagan sa pagbuo ng “objective situation” ng PUP bago ang pagbuo ng GPOA.
Sa pagpapatuloy ng paghahain ng mosyon, itinaas ni ANAK PUP Vice President at College of Law (COL) SC President Rodelle Lavarias ang pagkakaroon ng Academic at Wellness Break ng mga iskolar ng bayan at tinawag itong “Include and/or Institutionalize Academic and/or Wellness Break by lobbying it to the PUP Administration and to the Board of Regents and will be implemented through the Rules and Regulations to be approved by the body.” Sinegundahan ito ni PUP Alfonso SC President Karen Babasa at matagumpay na naaprubahan ng pederasyon.
Nagbukas naman ng mosyon si PUP College of Science (CS) SC President Kevin Belarmino ukol sa pagbabalik ng academic ease sa PUP na sinegundahan ni PUP College of Education (COED) SC President Senon Angelo Valmeo at agad na naaprubahan ang mosyon sa konseho.
Sinundan din ito ng pag-apruba ng mosyon ni ANAK PUP Quezon-Ragay Cluster Representative Arjay Zara ukol sa academic competency na layong maglunsad ng information drive sa PUP System upang ipaalam at palawakin ang kaalaman ng mga PUPians sa kanilang mga karapatan bilang estudyante.
𝗟𝗶𝗴𝘁𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗕𝗮𝗹𝗶𝗸 𝗘𝘀𝗸𝘄𝗲𝗹𝗮 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝘆 𝗮𝘁 𝗱𝗲𝗸𝗹𝗮𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗡𝗧𝗙-𝗘𝗟𝗖𝗔𝗖 𝗮𝘁 𝗛𝗢𝗢𝗖𝗠 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗲𝗿𝘀𝗼𝗻𝗮 𝗡𝗼𝗻-𝗚𝗿𝗮𝘁𝗮
Sa pangunguna ni ANAK PUP NCR Cluster Representative at PUP SKM President Kirchhoff Angala, itinaas ang mosyon ng pagbuo ng Ligtas na Balik Eskwela Policy Proposal batay sa framework ng LBE Policy Proposal sa PUP Main, at sa tulong ng Rise for Education Alliance (R4E) - PUP at PUP System Wide.
Inamyendahan naman ito ni Lavarias at nagtaas ng mosyon sa GPOA sa paggawa ng “General Ligtas na Balik Eskwela Policy” na magsisilbing backbone sa lahat ng rules and regulations sa pagbabalik face-to-face ng buong PUP system. Inaprubahan ng kongreso ang mosyon ni Lavarias matapos tanggapin ito ni Angala.
Samantala, nagbigay ng rationale si PUP College of Arts and Letters (CAL) SC President Billy Villanueva sa ahensya ng gobyerno na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Hands Off Our Children Movement Inc. (HOOCM) sa patuloy na panrered-tag nito sa komunidad ng PUP.
Nauna nang nagpahayag ng deklarasyon ang student councils mula PUP COC, CSSD, SKM, at CS sa NTF-ELCAC at HOOCM bilang persona non grata.
“I would like to formally raise a motion to institutionalize the declaration of Persona Non Grata against NTF-ELCAC at HOOCM to further protect and uphold the academic freedom and the students’ rights and welfare of the whole PUP community,” ani Villanueva.
Naaprubahan ang nasabing mosyon ni Villanueva matapos segunduhan ni PUP College of Engineering SC President Zephaniah Gabriel.
𝗣𝗼𝗻𝗱𝗼 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝘂𝗯𝗹𝗶𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘁 𝘀𝘆𝘀𝘁𝗲𝗺-𝘄𝗶𝗱𝗲 “𝗞𝘂𝗺𝘂𝘀𝘁𝗮𝗵𝗮𝗻”, 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝘁𝗮𝗴 𝗱𝗶𝗻 𝘀𝗮 𝗚𝗣𝗢𝗔
Mabilis na naaprubahan ng mga kasapi ng federasyon ang mosyon ni ANAK PUP Quezon-Ragay Cluster Representative Arjay Zara na paglalaan ng sapat na pondo at alokasyon na nararapat sa buong publikasyon sa PUP. Sinegundahan ito ni Lavarias at wala ring naitalang tumuligsa laban dito.
Naipasa rin sa GPOA ng ANAK Federation ang mosyong inihain ni Mendiola na pagkakaroon ng system-wide “kumustahan” upang malaman ng pederasyon ang lagay ng mga estudyante lalo na’t nalalapit na ang implementasyon ng full face-to-face classes sa pangalawang semestre.
“Dapat magkaroon tayo ng kumustahan para hindi tayo bulag sa mga sitwasyon,” dagdag pa ni Mendiola.
Inamyendahan naman ni Lavarias ang mosyong inihain ni Mendiola. Inihayag niya sa kanyang mosyon ang system-wide at localized Kumustahan kasama ang PUP Main Student Councils and Branches and Campuses upang masiguro ang objective situation ay maipapaalam sa lahat kasabay ang agarang aksyon ng ANAK FED batay dito.
Dagdag pa rito, naaprubahan din ang mosyon ni ANAK PUP VP for Campuses John Warren Ching ukol sa sustainable livelihood and academic programs sa GPOA bilang tugon sa pagtulong sa mga working students na nahihirapan sa kanilang sitwasyon na madalas na nagreresulta sa pagdrop-out.
𝗦𝘁𝘂𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗖𝗼𝘂𝗻𝗰𝗶𝗹 𝗖𝗕𝗟𝘀 𝗮𝗻𝗱 𝗥𝗲𝗽𝗼𝗿𝘁𝘀 𝗿𝗲𝗮𝗱𝗶𝗻𝗴, 𝘀𝘂𝘀𝗽𝗲𝗻𝗱𝗶𝗱𝗼
Samantala, nasuspinde ang pagtalakay ng accomplishment report ng OSR dahil hindi pa ito naipapasa ng nakaraang SR na si Rommel Gonzaga, ayon kay Provido.
Hindi rin napag-usapan ang pag-amyenda at pag-review sa 22nd ANAK Federation Constitution and By-laws dahil nakasaad sa kanilang konstitusyon na dapat dalawang linggo bago ang pagpupulong ay naipasa na ang mga papel sa kanila. Ipinagpaliban muna ang pagtalakay sa mga nasabing agenda at nakalaan na pagtuunan ito ng pansin sa susunod na assembly.
Si PUP College of Education (COED) SC President Senon Angelo Valmeo ang nagtaas ng mosyon sa pagsuspinde ng review at amendments ng ANAK PUP Federation Constitutional and By-laws na sinegundahan ni PUP Alfonso SC President Karen Babasa habang si ANAK PUP Finance Officer at PUP College of Business Administration (CBA) SC President Clark Ivan Picar naman ang nagpaliban ng Student Council Reporting na sinang-ayunan ni PUP Unisan SC President Leodigario Gimutao at napagbotohang 15-11, dahilan ng pagtatapos ng ng pagpupulong sa pamamagitan ng pagtugtog ng imno ng PUP. Naitalang natapos ang pagpupulong 5:15 ng hapon.
Artikulo nina: Joanna Martinez at Janelle Liong
Grapiks ni: Cathlyn De Raya
Comments