Nagtipon-tipon ang mga iskolar ng bayan sa Charlie Del Rosario Building para sa isang educational discussion na sumentro sa Philippine Society and Revolution at sa mga ugat ng kahirapan ng mga Pilipino sa pangunguna ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) alinsunod sa ikalawa at huling araw ng Tanglaw Fest nitong Marso 21.
Pinamagatang 'Paaralang Charlie Del Rosario's Unfiltered History: The Continuing Pursuit to Nationalistic, Scientific, and Mass Oriented Education,' ang naturang educational discussion na nahati sa apat na bahagi.
Sa unang bahagi, tinalakay ni Anna Mutuc, dating PUP-SKM Treasurer at Kabataan Partylist National representative na mayaman ang Pilipinas pero naghihirap ang sambayanang Pilipino, na siyang binigyang-diin ni Mutuc. Ayon sa kanya, ang Pilipinas ay sagana sa iba't ibang likas na yaman, ngunit patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Pilipino dahil sa imperyalistang U.S, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.
"Sa totoo lang, kung tayo ang makikinabang dito [sa mga likas na yaman] sapat ito para sa populasyon natin ilang ulit man ang ilaki nito… Sasapat pa ito para i-sustain ang mga susunod pa na henerasyon kung ito ay magagamit ng mga Pilipino sa kanilang interes," pahayag ni Mutuc.
Inilahad pa ni Mutuc na ang isang porsyento sa kabuuan ng isang-daan ay ang mga naghaharing-uri o ang mga lubos na nakikinabang sa likas na yaman ng bansa sa pwersang paggawa at ang mga cheap labor ng mamamayang Pilipino.
"Kaya tayo may konsepto ng minimum wage, part-timers, gig economy, at iba't iba pang konsepto ng abnormal na structure sa lipunan kasi kailangan magkasya ng entire population sa against the one percent doon sa mga natitira na lang na likas na yaman," giit nito.
Samantala, sumunod naman si Mhing Gomez, chairperson ng Anakbayan PUP, kung saan kaniyang ipinaliwanag ang kasaysayan ng Pilipinas at tunggalian sa pagitan ng iilang naghaharing uri at ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan.
Inihalintulad din niya ito sa kasalukuyang panahon kung saan patuloy pa ring lumalaganap ang panggigipit ng ibang bansa sa ilang mamamayang Pilipino.
Dagdag pa niya, ang mga magsasaka na hanggang ngayon ay wala pa ring sariling lupain na sakahan, kung kaya ay pinapatawan pa rin sila ng buwis ng kanilang mga panginoong maylupa kahit na maliit lamang ang kinikita nila sa pagsasaka.
Sa ikatlong bahagi ng diskusyon, inilahad ni Kirchoff Thomas Angala, presidente ng PUP-SKM, na ang imperyalistang U.S., pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mga ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino. Ipinaliwanag niya ang mga depinisyon ng mga salitang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at kung paano nakakaapekto ang mga ito sa paghihirap ng mga Pilipino.
Isinaad pa ni Angala na ang bansa ay nagbibigay ng mga cheap products at cheap labor kung saan mas nakikinabang ang mga dayuhan sa mga third world country kagaya ng Pilipinas. Aniya, kontrolado ng mga dayuhan ang mga raw materials galing sa likas yaman ng bansa na kanilang ginagamit sa mass production para sa kanilang bayan.
“Lubos na naaapektuhan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mga mamamayan lalo na ang mga nasa laylayan katulad ng mga magsasaka na na-aabuso ng kanilang mga panginoong maylupa sa patuloy na ginigipit,” saad ni Angala.
Idinagdag pa niya na ang iilan sa mga nakaupo sa puwesto ay ginagawa bilang isang malaking negosyo lamang ang pagpapatakbo sa gobyerno upang pagsilbihan ang kanilang sariling interes o pagpapayaman.
Ang huling parte ng pang-edukasyong diskusyon ay tumalakay sa demokratikong rebolusyong bayan, na siyang tanging solusyon sa mga pundamental na problema ng sambayanang Pilipino.
Sa kabilang banda, pagkatapos ng educational discussion ay nagkaroon din ng film showing at nagtapos sa "Pinta: A Mental Health Campaign," para sa huling araw ng Tanglaw Fest sa loob pa rin ng Charlie Del Rosario Building.
"Alam naman natin na medyo mahirap siya [ang mental health] tanggalin sa lipunan natin pero sa atin magsisimula matigil ang problema sa mental health," saad ni Jacen Barias, Program head ng Pinta: A Mental Health Campaign at Presidente ng College of Tourism, Hospitality and Transportation Management Student Council (CTHTM-SC).
Layunin ng mental health campaign na ito na makita kung gaano karami ang sumusuporta para sa programang may layong itaas ang kamalayan ng mga kabataan sa mental health.
Artikulo ni: Rhoze Ann Abog
Grapiks: Rhea Dianne Macasieb
Kuha ni: Randolf Maala-Resueño
Comentários