top of page

BALITA | COCians, nakiisa sa anibersaryo ng Ampatuan Massacre; Candle Lighting sa COC, isinagawa

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Nagkakaisa ang panawagan sa patuloy na laban para sa malayang pamamahayag matapos magsama-sama ang iba’t ibang organisasyon at publikasyon upang gunitain ang ika-13 taon ng Ampatuan Massacre sa pangunguna ng PUP College of Communication Student Council nitong Nobyembre 24 sa Zoom at Facebook Live na sinundan naman ng Candle Lighting Protest sa harap ng PUP College of Communication, Nobyembre 25.




Binigyang-diin ni Lourdes Escaros ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), pangunahing tagapagsalita sa programa, ang patuloy na pagdagdag ng mga kaso sa pang-aabuso at hindi makatarungang pagpaslang sa mga mamamahayag na nananatiling hindi pa rin nariresolba at nabibigyan ng maayos na hustisya.


Hinalintulad niya ang dalawa sa kaniyang mga kasamahang sina Fernando "Dong" Batul at Gerry Ortega na parehong brodkaster sa Palawan at nasawi sa pamamaril. Ang mga suspek sa pagpatay sa mga nabanggit ay hindi pa rin nananagot, at ang isa rito ay nakatakbo pa umano noong nakaraang eleksyon.


Dagdag pa ni Escaros, ang ilan sa mga bilang ng hindi makatarungang gawi ng pamahalaan at pulisya na kinahaharap ng mga mamamahayag sa pag-upo pa lamang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. kung saan nagtala kaagad ng dalawang pagpatay, apat na cyber libel, dalawa rito ang naaresto, dalawang red-tagging, isang harassment, isang denial of access sa Malacañang, isang physical assault, death threat, online harassment at maging ang pagbisita ng mga hindi unipormadong pulisya sa bahay at opisina ng apat na mamamahayag.


Patuloy pa rin sa pag-apila ang grupo ni Escaros sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa mga nakabiting kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag na hindi pa rin nabibigyan ng katarungan.


Kinuwestiyon din si Marcos kung tunay nga ba talaga na may respeto at pagmamahal ang gobyerno para sa malayang pamamahayag.


"Ipakita mo ito sa Maguindanao massacre, patuloy mo kaming protektahan sa aming propesyon," mariing pahayag ni Escaros.


Umapela rin siya sa mga mag-aaral ng PUP lalo na sa mga estudyanteng alagad ng midya na ituloy ang laban, manatiling maingay, at huwag magpapadala sa takot na dulot ng red-tagging at pang-aabuso.


“[Kapag] patuloy na nananahimik, walang mangyayari sa atin. Ramdam ko ang takot ng mga magulang at ng ating sarili. Ipaliwanag sa kanila kung walang susunod, sino ang magsasalita at magbibigay ng katotohanan para sa publiko. Masarap kung alam mong tama ang nilalaban mo, kayo ang susunod, ipakita ang init ng paghahanap ng katarungan."


Pinabatid naman ni PUP COC SC Councilor for Community Rights and Welfare Joe Abella sa isang unity statement na kaisa ng mga organisasyon at publikasyon ang Konseho ng Komunikasyon sa laban ng pag-giit sa malayang pamamahayag.


Samantala, nagbigay rin ng kani-kanilang talumpati ang bawat kinatawan ng bawat organisasyon at publikasyon na dumalo sa nasabing forum upang makiisa sa paggunita sa anibersaryo ng Ampatuan massacre at ipagpatuloy ang paglaban sa paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamahayag at para sa pagkamit ng hustisya na matagal nang inaasam ng pamilya at kaanak ng mga biktima.



𝗖𝗢𝗖 𝗖𝗮𝗻𝗱𝗹𝗲 𝗟𝗶𝗴𝗵𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗿𝗼𝘁𝗲𝘀𝘁


Pinangunahan din ni Abella ang candle lighting protest na ginanap sa tapat ng COC building nitong Biyernes, Nobyembre 25, na nilahukan din ng iba't ibang mga organisasyon at pahayagan sa PUP bilang pag-alala sa madugong masaker at kultura ng impyunidad sa bansa.

“Abante babae, palaban militante,” ang naging sigaw ni Kimberly Torralba ng Defend PUP sa pagbibigay-boses sa mga kababaihang nasawi sa Ampatuan massacre kasabay ng kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataang Pilipino.


Nanawagan din si Gabriel Larcena, mula sa Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM), na ibigay na ang mailap na hustisya sa mga bilanggong pulitikal at nasawing brodkaster na sina Percival Mabasa at Renato Blanco, kabilang ang kartunistang si Bernhal Kahil, sa pagpasok ng administrasyong Marcos, Jr.

Samantala, hindi pinalampas ni PUP COC SC Councilor for Mass Media and Culture John Carlo Caoile ang mga kaso ng pag-atake sa mga mamamahayag ng midya sa Pilipinas at hinimok ang kaniyang kapwa-iskolar ng bayan na mas paigtingin ang pakikibaka.

“Ang mga pag-atakeng ito sa midya ay patunay na takot ang estado sa katotohanan. Nakapanlulumo at nakakatakot man, ngunit responsibilidad natin bilang mga kabataang alagad ng midya na sumulong at ipaglaban ang katotohanan.”


Ikinundena naman ni Deniel Canaway ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP SKM) ang isyu ng red-tagging at kaliwa’t kanang alegasyon ng terorismo sa pamantasan.

“Hindi terorismo ang paghawak ng lapis at papel. Hindi terorismo ang pagbitbit ng mga plakard at pagsigaw sa lansangan—dahil ang tunay na terorismo ay ang ginagawa ng reaksyunaryong gobyerno. Ang tunay na terorismo ay silang nasa pamahalaaan,” pahayag ni Canaway.


Bitbit ang kanilang mga panawagan, nagsindi ng mga kandila ang mga kinatawan ng iba't ibang grupo at pahayagan na sinundan ng ilang minutong katahimikan bilang pag-alaala hindi lamang para sa mga nasawing indibidwal ng Ampatuan massacre ngunit pati rin sa ilan pang mga mamamahayag na biktima ng karahasan laban sa Pilipinong midya.


Panulat nina: Rhoze Ann Abog, Lourence Mercellana, at Chris Ramos

Grapiks: Cathlyn De Raya


Comments


bottom of page