top of page
Writer's pictureThe Communicator

Bagong Konseho ng COC, Kilalanin

Naiproklama na ang mga bagong kinatawan ng PUP College of Communication Student Council (COC SC) noong Setyembre 30 sa PUP Bulwagang Balagtas, matapos ang nagdaang Student Council Elections (SCE) 2024.



Matatandaang inilaan ang Setyembre 10 hanggang 18 upang maipakilala ng mga kandidatong lider-estudyante ang kanilang mga sarili, mailatag ang kanilang plataporma, at ilahad ang kanilang mga saloobin tungkol sa mga isyu sa pamantasan at lipunan.


Itinalaga si dating COC SC Councilor for Mass Media and Culture Tracy Althea Ramos, mula sa partidong Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan College of Communication (SAMASA PUP COC), bilang bagong pangulo ng lokal na konseho matapos makakuha ng 690 votes at 188 abstains. 


Ipinunto ni Ramos kung paanong ang kakarampot na badyet ng pamantasan ang aniya’y dahilan upang magkaroon ng kakulangan sa mga kagamitan tulad ng mikropono at kamera na kinakailangan ng mga mag-aaral sa COC sa naganap na Miting De Avance noong Setyembre 17. 


Binigyang-pansin naman ni Deniel Tolentino, bise-presidente sa parehong partido na nailuklok sa 654 na boto laban sa 224 na abstains, ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga kabataang alagad ng midya sa darating na 2025 Midterm Elections bilang koneksyon sa Voter's Education Project na parte ng kanilang General Plan of Action (GPOA).


Sinundan ito ng SAMASA PUP COC councilorial candidates na sina Alvinson Aligam, Martha Bernadette Briol, Elyzza Pauline Carigma, at Mark Hubert Ralota na naglatag ng mga plano para sa papangunahan nilang mga standing committee na siyang tutupad sa mga nakapaloob sa isinumiteng GPOA.


Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang tatlong taon, nagtala ang COC ng dalawang inihalal na independent candidates na sina Rinoa Kate Dela Cruz at John Elsisura para sa pagkakonsehal. Matatandaang mula sa termino ng dating pangulong Ronjay Mendiola ay lahat ng kandidatong tumakbo sa kolehiyo ay kabilang sa partidong SAMASA.


Binuksan ang online precincts mula Setyembre 19 hanggang 23. Ayon sa PUP Commission on Elections (COMELEC), may 878 valid ballots lamang ang COC mula sa mahigit 1,008 ballots na natanggap ng komisyon. 


Bagong Kinatawan ng mga Kabataang Alagad ng Midya


President Tracy Althea Ramos

Nasa ikatlong taon na si Ramos sa programang Bachelor of Arts in Journalism (BAJ). Bukod sa pagiging konsehal noong nakaraang termino, siya rin ay miyembro ng iba’t ibang organisasyon tulad ng PUP Journalism Guild, Rise for Education PUP - College of Communication (R4E PUP-COC), at SAMASA PUP COC. Nagkamit siya ng karangalan mula sa SIKAT Awards bilang Top President's Lister noong 2023 at sa mga press conference na kaniyang sinalihan.


“Hangga’t may mga alagad po ng midya na pinapatay, hinaharass at binubuklod ng estado, lagi’t lagi pong may mga komunikador ng bayan na lalabas sa lansangan para po manawagan at makibaka,” ani Ramos sa naganap na Oath Taking at Proclamation Ceremony. 


Vice President Deniel Tolentino

Kasalukuyang nasa ikatlong taon na si Tolentino ng programang Bachelor in Advertising and Public Relations (BAPR). Siya ay kasalukuyang miyembro ng PUP Advertising and Public Relations Organization of Students (PUP ADPROS). Nagsisilbi rin siya sa iba’t ibang mga organisasyon sa labas ng kolehiyo bilang social and inclusion equity chairperson ng Angat Iskolar PUP, miyembro ng SAMASA PUP, at main convener ng R4E PUP-COC. Nagsilbi rin siyang executive secretary ng PUP Office of the Student Regent at Junior Council Officer ng sentral at lokal na konseho ng nakaraang termino. Nagkamit din siya ng Leadership Award sa nagdaang SIKAT Awards nito lamang Agosto.


Councilor Alvinson Aligam

Si Aligam ay nasa ikalawang taon sa programang Bachelor of Arts in Communication Research (BACR). Naging Gender, Inclusivity and Safe Space (GISS) junior councilor ng PUP COC SC, Office of the President junior councilor ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP SKM), at junior secretariat officer ng PUP Circle of Research Enthusiasts (PUP CORE) noong nakaraang taon. 


Councilor Martha Bernadette Briol

Nasa ikalawang taon naman ng programang Bachelor of Arts in Broadcasting (BABR) si Briol. Siya ay nagsilbing vice president for internal linkage sa Tulong Kabataan - PUP Sta. Mesa. Naging miyembro rin siya ng Communication Committee ng PUP BroadCircle, at ng Education and Research Committee ng SAMASA PUP COC. 


Councilor Elyzza Pauline Carigma

Si Carigma ay kasalukuyang nasa ikalawang taon sa programang BAPR. Sa kaniyang unang taon sa COC, nagsilbi na siya bilang junior councilor ng PUP SKM Mass Media and Arts Committee at miyembro ng Copywriting Committee ng PUP ADPROS. 


Councilor Rinoa Kate Dela Cruz

Kasalukuyan namang nasa ikatlong taon ng programang BABR si Dela Cruz.  Siya ay miyembro ng mga organisasyon sa loob ng kolehiyo tulad ng DZMC - Young Communicators’ Guild, PUP BroadCircle, at nagsilbi  bilang junior council officer sa lokal na konseho noong AY 2022-2023. Siya ay kasalukuyan ding nagsisilbing kagawad ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Tanza 1 sa Navotas, at Features and Lifestyle editor ng Explained PH. 


Noong Oktubre 23 hanggang 26, siya ang opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa Girls Go Green Summit in the Asia Pacific sa Bangkok, Thailand. Nagtipon sa naturang summit ang mga kababaihang kumakatawan sa mga bansang lubos na apektado ng climate crisis.


Councilor John Elsisura

Ngayon ay nasa ikalawang taon na sa programang BAPR si Elsisura. Mula freshman year ay naging aktibo na sa pagiging lider bilang class president at representative, at miyembro ng organisasyong PUP ADPROS. Nagkamit din siya ng parangal sa nagdaang SIKAT Awards bilang Service Awardee - Tanglaw ng ADPR noong Agosto. Siya rin ay nagsilbing overall chairperson ng Bawat Bata Bumabasa Literacy Program, pati na rin bilang interim project head at core team leader ng The Sanctuary Project PUP noong nagdaang taon.


Councilor Mark Hubert Ralota

Si Ralota ay nasa ikalawang taon din sa programang BAPR. Siya ay naupong chairperson ng SAMASA PUP COC mula Abril hanggang Setyembre 2024 matapos magsilbing Propaganda Head nito sa nagdaang taon. Siya rin ay kabilang sa PUP Communication Society at Membership Committee ng PUP ADPROS.


Noong Oktubre 4, isinagawa na ang Turnover Ceremony ng bagong konseho kasama ang outgoing COC SC president Aem Kimberly Ignacio. Naganap sa seremonya ang pagpasa ng digital at physical assets ng konseho, diskusyon sa student council funds (SCF), mga panawagan ng kolehiyo, at ang COCian Five-Point Agenda. Nagkaroon din ng open forum upang sagutin ang mga tanong tungkol sa nagdaang termino. Tinapos ni Ignacio ang seremonya sa pagbibigay ng gabay at suporta sa bagong konseho.


Sa bisa naman ng Resolution Order No. PUPCOCSC-001-2425 na inilabas noong Oktubre 23, itinalaga si Tolentino bilang committee head ng People’s Advocacy and Campaign Committee (PAC), Briol bilang secretary-general at head ng Secretariat and Records Committee (SRC), at Elsisura bilang ingat-yaman at head ng External Affairs and Linkages Committee (EAL).


Pangungunahan naman nina Aligam ang Students' Rights and Welfare Committee (STRAW), Carigma ang Media and Public Information Committee (MPIC), Dela Cruz ang GISS, at Ralota ang Education and Council Development Committee (ECD).


Nitong Oktubre 31 lamang ay naglabas ang konseho ng “Online Gabay,” ang magsisilbing Grievance Form ng mga COCian ngayong taon. Ito ay bahagi ng inisyatibong Gabay COC Council, kasama ang Gabay Desk at Gabay Sheets, naglalayong matugunan ang non-academic concerns ng mga mag-aaral at maprotektahan ang kanilang karapatan.


Hamon sa bagong konseho ng COC ang pagtataguyod ng academic at press freedom, kampanya laban sa budget cuts, National Polytechnic University (NPU) Bill at Mandatory ROTC, at pagsulong sa pagkakaroon ng safe spaces sa loob ng kolehiyo.


Artikulo: Arabella Grace Palisoc & Kristine Jhoy Castulo

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page