top of page

Ang Mukha ng Kalayaan sa Kasalukuyan 

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Dugo, pawis, at luha ang dumanak bago ganap na makamit ng Pilipinas ang kalayaan. 



Mahigit 300 taon naging kolonya ng Espanya, sumailalim sa pamumuno ng mga Amerikano sa loob ng halos limang dekada, at nasaksihan ang kalupitan ng mga Hapones at ang malagim na Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Noong ikaapat ng Hulyo 1946, pormal na kinilala ng Estados Unidos ang independesya ng Pilipinas; Hunyo 12, 1898, naganap ang pagpapahayag ng kalayaan at soberanya ng bansa sa tahanan ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite; at sa bisa ng Batas Republika Blg. 4166, ganap na kinilala ang petsang ito bilang Araw ng Kalayaan na ngayon ay ginugunita taon-taon. 


Ngayong ika-126 na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansa, tunay na nga ba tayong malaya?


Ang Kalayaan sa Kamay ng mga nasa Kapangyarihan


Malaya ngunit kontrolado. 


May pagkakatulad ang sitwasyon ng mga Pilipino ngayon sa mga biktima ng malupit na paghahari ng mga dayuhang mananakop noon. Ikinukulong sa maling pag-iisip, binibiktima ng kahirapan, at inaalipin ng hindi patas at mapang-aping sistema. 


Tuwing eleksyon, iba’t ibang mga pulitiko ang nasasaksihan natin: may matapang, maaasahan, at nakakaunawa sa mga ordinaryong mamamayan. 


Tuwing kampanya, walang patid ang kanilang pakikisalamuha sa mundong hindi nila nakasanayan, makamtan lang ang hinahangad na tiwala at suporta ng mga mamamayan. Ngunit nang maupo na sa kanya-kanyang trono ay hirap na silang abutin ng masa—ang nagluklok at nagbigay sa kanila ng korona’t kapangyarihan. 


Paulit-ulit na binibihag sa isang pagkakamali; marahil sa simula’t sapul ay ang layunin ng mapagsamantala at naghaharing uri ay panatilihing bulag sa katotohanan ang mga naghihintay ng tunay na pagbabago.


Dagdag pa, nalulugmok din ang uring manggagawa sa bansa. Hanggang ngayon kasi, masalimuot pa rin ang kalagayan ng repormang agraryo; ang mga pesanteng lumalaban para sa karapatan sa lupa ay patuloy na binibihag sa mga akusasyon at intimidasyon.


Kung babalikan ang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng kolonyalistang Kastila, tiyak na masasabi na walang pagkakaiba ang sitwasyon ng mga magsasaka sa noon at ngayon. Nananatiling bihag sila ng hindi pantay at makataong hustisya dahilan kung bakit hindi makamtan ang tunay na kalayaan mula sa pang-aalipin ng mga Diyos-diyosan ng lupa.


Ang Kalayaan sa “Malayang” Pamamahayag


Malaya ngunit binubusalan ang bibig. 


Lantaran ang pang-aabuso at pagmamalupit sa mga mamamahayag sa Pilipinas. Sa halip na ituring bilang taga-siwalat ng katiwalian at tagapangasiwa ng katotohanan, kaliwa’t-kanang intimidasyon, pananakot, at iba pang mga panggigipit ang ibinabato sa kanila dahil ang tingin sa kanila ay kalaban ng gobyerno. 


Sa katunayan, nananatiling isa ang Pilipinas sa mga pinaka mapanganib na lugar para sa mga mamamahayag. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), tinatayang 199 na mamamahayag ang pinaslang sa bansa mula noong 1986


Patunay dito ang hindi makataong pagpaslang sa brodkaster na si Juan Jumalon habang umeere ang kanyang programa noong Nobyembre 2023 sa kanyang tahanan sa Calamba, Misamis Oriental. Gayundin ang patuloy na panggigipit sa mga tulad ni Frenchie Mae Cumpio, sa Bulatlat, Altermidya, at iba pang mga alternatibo at kritikal na mga ahensya ng midya. 


Malaya man ang paghahayag ng katotohanang pilit na ipinagkakait sa masa, patuloy rin na sinisindak ang mga peryodista. Ang mga karahasan at pagpaslang sa mga Pilipinong mamamahayag ay pangamba sa malayang pamamahayag.


Ang Kalayaan sa Makulay na Komunidad 


Malaya ngunit limitado. 


Bagaman unti-unti nang nakakakita ng pagyakap at pagtanggap ang komunidad ng LGBTQIA+ sa bansa, hindi maikakaila na ang espasyo para sa kanila sa mapanghusgang lipunan ay nananatiling masikip. 


Sa likod ng makulay nilang bandera, marami pa rin ang hirap sa pagpapahayag ng kanilang mga sarili at nananatili pa rin sa kanilang kloseta. Takot at pangamba dulot ng diskriminasyon tungkol sa kanilang oryentasyon, ekspresyon, at pagkakakilanlan ang pumipigil upang palayain ang kanilang mga sarili. 


Sa kabila nito, patuloy na inilalaban ng komunidad ang pantay at makataong pagtrato sa kanila. Iba’t-ibang protesta at mobilisasyon ang isinasagawa upang bigyang boses ang kanilang mga panawagan laban sa sistemang patuloy silang kinakawawa. 


Malaya man subalit hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang mga karahasan na patuloy na kinakaharap ng mga miyembro ng LGBTQIA+, hangga’t patuloy silang pinagmamalupitan at pinagkakaitan ng karapatan, mananatiling nakakubli ang kanilang tunay na pagkatao sa likod ng patay na kulay nilang anyo. 


Ang Kalayaan sa Kahabaan ng Kalsada


Malaya ngunit pilit na ginagapos.


Hindi na bago ang mga eksena sa mga kalsada ng Maynila. Malaking espasyo ang mga bangketa sa pagtindig bitbit ang mga plakard na naglalaman ng mga panawagan; saksi ang Monumento sa mga pagkilos at pagmartsa; at nagsilbing entablado ang Liwasang Bonifacio para sa tinig ng masa. Taas-kamaong binabaybay ang malawak na daan na unti-unting kumikitid dahil sa mga barikadang ang tanging alam gawin ay manindak at mang-aresto.


Hanggang ngayon, ang mga progresibong grupo, aktibista, at lider-estudyante ay patuloy na nakukulong sa imaheng binuo ng estado—pinaratangang komunista at terorista dahil lamang sa pagiging kritikal at radikal. 


Sa kabila ng panggigipit, pagmamalupit, at iba pang mga taktikang ginagamit upang patayin ang malayang kaisipan, patuloy na magiging maingay ang bawat kalsada. Dalhin man ng masidhing damdamin ang mga sarili sa likod ng kinakalawang na rehas, hindi ito kailanman magiging dahilan upang matakot at lumayo sa kalsadang unang nagbukas ng diwang mapagpalaya. 


Malaya nga ba tayo?


Malaya ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan, subalit patuloy na nakagapos ang bansa sa sarili nitong mga suliranin. Matagal na panahon nang nagdurusa dahil sa kahirapan, katiwalian, at mga isyung panlipunan na hanggang ngayon ay pikit-matang tinitingnan—partikular ng mga nasa kapangyarihan.


Malayo pa ang lalakbayin bago ganap na makamtan ang tunay na kalayaan. Hangga’t ang lipunang ginagalawan ay nananatiling bulag at bingi sa mga hinaing, mungkahi, at panawagan ng kanyang mamamayan, mananatiling huwad ang kalayaan.


Artikulo: Yzabelle Liwag

Grapiks: Aldreich Pascual


Comentarios


bottom of page