top of page

Ang Matinding Init na Pinapasan ng mga Manggagawang Kababaihan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Problema sa kalusugan, kapaligiran, at kakulangan sa makamasang plano ang ilan sa mga karaniwang ikinakabit sa panahon ng tag-init. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang matinding init ay nagbibigay-daan at naglalantad din sa malawakang diskriminasyon at hindi pantay na pagtrato sa mga kababaihan.

Sunod-sunod na naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtaas ng temperatura nitong Marso hanggang Abril, at inaasahang magpapatuloy pa ito sa mga susunod na linggo. Bagaman lahat ay apektado ng labis na init ng panahon, hindi maipagkakaila na may mga sektor na tila sugatang biktima sa krisis na ito. 


BUHAY TRABAHO, MGA KABABAIHAN AY LIMITADO


Ang isyu ng hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian ay may mahalagang bahagi sa pagtalakay, pagsusuri, at paglikha ng mga paraan upang malutas at maibsan ang mga epekto ng lumalalang krisis ng init ng panahon.


Sa inilabas na ulat ng Adrienne Arsht-Rockefeller Foundation Resilience Center (Arsht-Rock), isang non-profit  noong nakaraang taon, higit na napalulubha ng init ng panahon ang hindi patas at makatwirang pagtrato sa mga kababaihan sa loob ng dominanteng patriyarkal na lipunan.


Ayon sa ulat, mas malaking pasanin ang nararanasan ng mga kababaihan sa India, Nigeria, at Amerika kumpara sa mga kalalakihan dahil sa matinding init ng panahon, partikular na pagdating sa kanilang pisikal na kalusugan, trabaho, at kakayahang lumago sa lipunan.


Ang mga kababaihan sa mga developing countries, tulad ng Pilipinas, ang mas nagdurusa sa kanilang paghahanapbuhay dahil sa masamang epekto ng lumalalang init. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang hindi patas na kinikita ng mga kababaihan sa kanilang trabaho. Ayon sa World Economic Forum, 71.6% lang ng kabuuang kita ng mga kalalakihan ang kinikita ng mga kababaihan sa Pilipinas.


Dagdag pa rito, maraming mga kababaihan sa mahihirap na bansa ang napipilitan magtrabaho sa mga impormal na ekonomiya kung saan kabilang ang mga manual labor o mga trabahong isinasagawa nang mano-mano o pisikal. Sa Pilipinas, halos pitong milyong kababaihan ang naitalang nagtatrabaho sa sektor na ito. 


Sa ilalim ng mainit na kondisyon ng panahon, 20% ng oras sa pagtatrabaho sa labas ang nawawala kada taon. Kadalasan ding walang proteksyon at benepisyong natatanggap ang mga manggagawa tulad ng patas na kita, health insurance, kaligtasan sa pagtatrabaho, at iba pang mga kabayaran na nararapat na ipagkaloob sa mga ordinaryong manggagawa bilang kanilang pangunahing karapatan. 


Dagdag pa, limitado ang oportunidad para sa mga kababaihan sa mga ganitong uri ng trabaho dahil mabigat na nakakabit pa rin sa mga kalalakihan ang mga gawaing ito. Ito ang nagtutulak at nag-oobliga sa mga babae na mamasukan sa mga trabahong may kinalaman sa paglilinis, pagtitinda, at pagseserbisyo sa komunidad.


Buhat ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa bansa na inaasahang magpababa ng produktibidad sa trabaho, ang pagkawala ng kita dahil sa init ng panahon ay mas malubha rin para sa mga kababaihan.


Ayon kay Welma, 55 taong gulang na nagtitinda ng mga kagamitang pangbahay sa Navotas Agora Market, malaki umano ang epekto ng matinding init ng panahon sa kanyang hanapbuhay. Madalas ay sinasara niya muna panandalian ang kanilang tindahan kapag tanghaling tapat at umuuwi muna sa kanilang tahanan.


Pagtitinda ang pangunahing pinagkukunan niya ng pangtustos sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya. Kaya naman, tinitiis niya ang init ng panahon para kahit papaano ay makaraos sila sa buhay at makapag-aral ang kanyang anak.


Nakapwesto ang tindahan ni Nanay Welma sa tapat ng kalsada; ang matinding init na kanyang nararamdaman ay hindi lamang mula sa tirik na araw kundi pati na rin sa init at polusyon hatid ng mga sasakyang dumadaan dito. 


Gaya ni Nanay Welma, umuuwi rin panandalian ang 60 taong gulang na si Nanay Emma sa kanilang tahanan tuwing tanghaling tapat dahil din sa hindi kinakayang init. 


Nakapwesto naman ang kanyang mga panindang gulay sa isang kulob na sulok ng palengke ng Navotas, kung saan walang maayos na bentilasyon. Ito ang pangunahing ikinabubuhay ni Nanay Emma. Kaya naman, iniinda niya ang labis na init upang may pangtustos sa kanyang pang-medikal na gastusin at sa pang-araw-araw na pangangailangan nilang mag-asawa. 


Mula sa mga karanasang ito, masasalamin na ang init ng panahon ay isang malaking salik na  nagdidikta sa daloy ng buhay at paghahanapbuhay ng mga manggagawang kababaihan. 


MANGGAGAWANG HINDI NAITATALA, KONTRIBUSYONG 'DI MAIPAGKAKAILA


Ang mga gawain sa tahanan ay nagsisilbing tulay sa pagtugon sa maraming pangunahing pangangailangan ng tao—mula sa pagkain at kalinisan hanggang sa pangangalaga ng kabuuang kalusugan ng pamilya.


Sa Pilipinas, sa kababaihan pa rin ikinakabit ang mga obligasyon na ito. Malalim itong nakaugat sa seksismong kaisipan na nagsasaad na nararapat na kusang ginagawa ng kababaihan ang iba't ibang uri ng gawaing bahay tulad ng pamimili, pagluluto, at paglilinis—mga hindi bayad na trabaho na nagtutulak din sa kanila na magbilad sa mainit na temperatura.


Patunay rito si Nanay Dolor, 67 taong gulang. Dahil mag-isa na lang sa buhay, siya na ang gumagawa ng lahat ng mga gawaing bahay. Ang kanyang mga anak ay may sari-sariling mga pamilya, habang ang kanyang asawa ay pumanaw na.


Ang pagtitinda ng palamig at mga meryenda tulad ng banana cue, turon, at mga kakanin sa Tondo, Manila ang tanging pinagkukunan ni Nanay Dolor ng pang-araw-araw na pangangailangan at pangtustos sa kanyang maintenance medicines.


Dahil aligaga sa maghapong paghahanapbuhay at pag-aasikaso sa mga gawaing bahay, wala na umano siyang oras para makapag ehersisyo at makapagpacheck up.


Ang kalagayan ni Nanay Dolor ay masasalamin din sa pag-aaral ng Arsht-Rock na nagsasabing mas maraming oras ang ginugugol ng mga kababaihan sa mga hindi bayad na trabaho, partikular na sa mga gawaing bahay, na direktang katumbas ng 40-70% ng kabuuang oras ng kanilang pagtatrabaho.


Ang dagdag na pasaning dulot ng hindi pantay na distribusyon sa mga gawaing bahay at ang iba pang mga responsibilidad kaakibat nito ang isa sa mga dahilan kaya sila ay nahihirapang umunlad sa paghahanapbuhay at hindi tahasang maensayo ang kanilang mga karapatan at benepisyong sosyo-ekonomiko. 


Dahil sa mga hindi makatarungang kondisyong, nakukulong ang mga kababaihan sa pagpili sa pagitan ng pananatili sa bahay kung saan maraming nakaatas na gawain sa kanila at ang magtrabaho at makipagsapalaran sa labas sa ilalim ng tirik na araw na mas maglalagay sa kanilang kalusugan sa panganib.


MATINDING INIT, KALUSUGAN NG KABABAIHAN NAGIGIPIT


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang matinding init ay maaaring magdulot ng maraming kondisyon—labis na pagkahilo, pananakit ng katawan, sakit sa balat, dehydration, at heat stroke. Ngunit, ang mga pasakit na ito ay doble para sa mga kababaihan hindi lang dahil mas madali silang makaranas ng mga ito kundi dahil rin sa kanilang limitadong akses sa mga tulong medikal at benepisyong pangkalusugan. 


Dagdag pasanin din ito sa mga buntis. Kaakibat ng matinding init ay ang iba't ibang komplikasyon sa pagbubuntis na maaaring makasama sa ina at sa batang nasa sinapupunan niya tulad na lamang ng endocrine disorder, placental abruption, at diabetes na maaaring humantong sa miscarriage. 


Sa parehong pag-aaral ng Arsht-Rock sa bansang India, Nigeria, at Amerika, halos 204,000  mga babae ang namamatay kada taon dahil sa matinding init ng panahon. Sa kabila nito, mababa pa rin ang nakukuhang bepepisyong medikal ng mga kababaihan. Ayon sa pag-aaral ni Alcovindas at ng iba pa niyang kasamahan noong 2022, ang mga babaeng nasa mahihirap na sektor sa Pilipinas ay mas hikahos at salat na makatanggap ng mga serbisyong medikal at mga impormasyon ukol dito.


Ang lahat ng ito ay isang makamulat-matang panawagan kung paano mas kinakailangan ng mga babae ang mga suportang pang-medikal sa panahon ng tag-init.


ANG PAGTUGON SA INIT NG PANAHON AY PAGTUGON DIN SA LANTAD NA DISKRIMINASYON


Masisilayan na sa bawat aspeto ng krisis na nararanasan natin ngayon dulot ng mainit na panahon—mula sa trabaho, kalusugan, agwat sa lipunan, at maging sa loob ng tahanan—ay bakas ang mabigat na isyu ng diskriminasyon at hindi patas na pagtrato sa mga kababaihan.


Ang lumalalang krisis ng isa ay nagsasanga ng mga problema dahil kahit saanman tingnan, lahat ng ito ay konektado sa marahas na sistema ng dominasyon at pagkimkim ng kapangyarihan sa lipunan—isang sistematikong istruktura na talamak hindi lang sa pagitan ng mga mahirap at mayaman kundi sa pagitan ng mga kasarian.


Kapag ang mga impormasyong tinalakay ay lumabas sa apat na sulok ng eskwelahan at tuluyang mailapat sa pang-araw-araw na diskusyon sa lipunan, doon lang magsisimula ang pag-usbong ng mas malalim na kamalayan tungkol sa nasabing krisis.


Sa pamamagitan nito, mas maliliwanagan ang publiko sa kung paano nga ba naapektuhan ng nararanasang init ng panahon, na maaaring maging mas makapinsala pa sa mga susunod na taon, ang iba't ibang sektor ng lipunan. 


Bunsod nito, ang bawat komunidad, sa pangunguna ng mga namamahala, ay nararapat na makapagpanukala ng mas angkop, inklusibo, at makamasang hakbangin na tutugon sa mga agarang pangangailangan ng mga partikular na sektor ng lipunan tulad ng mga kababaihan. 


Ang pakikibaka sa lumalalang init ng panahon ay pakikibaka rin sa lantarang diskriminasyon. Dahil makakamit lamang ang tunay na pag-abante kung hindi natin hahayaang patuloy na mamatay sa initan ang mga manggagawang kababaihan—sa literal o talinghaga mang pagpapakahulugan.




Artikulo: Noreil Jay I. Serrano

Grapiks: Ramier Vincent Quiatchon Pediangco

Comments


bottom of page