top of page
Writer's pictureRupert Liam Ladaga

Anak, fed up ka na rin ba?

Marahil lunod ka na rin sa mga gawain lalo na’t midterms na. Malamang inihahanda mo na rin ang iyong Christmas spirit para sa holiday season. Hindi rin naman mali kung wala kang oras sa mga bagay at isyu na labas sa iyong pansariling interes, kumbaga. Ngunit maniwala ka sa akin kapag sinabi ko sa’yo na join na join ka sa usaping ito dahil kasama ka sa hindi sasaya ang pasko—kung hindi mo matatamasa ang tunay na representasyon sa unibersidad mo.


Kasi naman, malayong mas maayos at organisado pa ang class officer election sa high school level kumpara sa naging madugo at magulong 24th ANAK PUP Federation General Assembly kahapon, Disyembre 7 via Zoom meeting platform.


Dapat siguro ay Brigada Eskwela muna ang inuna ng ANAK FED para malinis nila ang makalat nilang sistema bago nagpatawag ng General Assembly (GA). Sa pagpapadaloy kasi ng incumbent Student Regent na si Wilhelm Provido Jr. sa pagtitipon, patong-patong at katakot-takot na mga anomalya at hindi pagpapakita ng propesyonalismo ang naging tema nito.


Delayed na nga ang panimula, pinatayan pa ng mikropono ang mga lider-estudyanteng naghahain ng mga kuwestiyon at hinaing sa ANAK FED. Ipinarating ni Miss Kim Modelo ang kaniyang pagkadismaya sa aksyong ito ng Zoom “host” matapos niyang sabihin na hanggang 9:30 lamang ng umaga ang ingress at nangangailangan ng presensiya ng mga student publications ang pagpupulong.


Pati ang CBA SC President na si Mikaella Bolor ay pinatayan din ng mikropono nang magtaas ito ng kaniyang mga alalahanin. Sa kabilang banda, habang nangyayari ang mga ito ay hinayaan munang mabulok ng “host” sa lobby ang ibang mga SC presidents na mula sa PUP Taguig, Sto. Tomas, at Maragondon branch.


Bukod diyan, ito pa ang mas nakakukulo ng dugo, bilang parte ng mahigit 80,000 na mga Iskolar ng Bayan na pinamumunuan at pinagsisilbihan dapat ng mga “lider” na ito. Nakatanggap ng ulat ang The Catalyst mula sa isang anonymous source na inutusan umano ni PUP Binan SC President John Warren Ching at Bea Tarlac, Chief of Staff ng Office of the Student Regent (OSR), na magsialisan ang mga kapwa representatives sa pulong upang hindi makamit ang quorum na dahilan para ito ay maging “invalid.”


Walang nakaaalam sa kung ano ang plano o kung paano tumatakbo ang isip ng ANAK FED lalo na si Provido. Bigla ba namang tinapos ang meeting nang walang pasabi, mensahe, o paghingi ng pahintulot sa mga miyembro ng konseho. Siguro ito na lang ang kanilang naging tugon sa pagtutol ng ibang mga miyembro ng konseho na ikansela ang pang-hapong sesyon dahil naabot naman ang quorum. Kahit isang pabirong “Ay, sorry napindot,” ay wala ring ipinarating ang ANAK FED.


Hindi ba’t nakakainit naman talaga ng ulo kapag hindi nirerespeto ng mga namumuno ang mga karapatan mo? Isinasantabi kasi nila ang interes ng mga estudyanteng dapat ay kanilang inuuna. Parang ang labas tuloy ay tayo ang nagsisilbi sa kanila. Kahit kaunting hiya at pagpapakatao man lang sana ay ipakita ng ANAK FED. Buong PUP System na kasi ang nakakakita at apektado ng lantarang pangbabalahura sa masang mag-aaral.


Ipinagpatuloy ang GA kinagabihan sa pangunguna ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) na tumayong “host.” Kasama rito ang SKM at 21 na incumbent SC presidents sa buong PUP System na nakabuo ng quorum. Kasunod nito ang pagtanggal kay Provido bilang presiding officer ng GA sa motion ni PUP CAL SC Faye Monge. Ipinalit naman bilang presider ng programa si COED SC Chair Janssen Dela Pena. Plinanong talakayin sa parteng ito ang pagrereview ng agenda, implementing rules and regulations, at ang nominasyon para sa susunod na Student Regent at Executive Committee ng 24th ANAK PUP.


Makikitang desperado na ang mga lider-estudyante na maibalik sa kamay ng mga Iskolar ng Bayan ang OSR dahil matagal na itong pinepeste ng admin intervention gamit ang mga rehenteng nagtatrabaho bilang kanilang mga papet sa opisina. Kaya gayon na lang din kung mangialam ang administrasyon sa nagaganap na seleksiyon. Ipaalala lang din natin na ang trabaho nila ay pamahalaan ang unibersidad ayon sa interes ng mga estudyante at hindi sa paraang awtoritaryan.


Ayon sa natanggap na ulat ng PUP COC SC noong Disyembre 6, may ilang direktor daw ang kumausap sa mga ulo ng konseho at isinulong si PUP Binan SC Warren Ching bilang susunod na rehente. Dito pa lang, makikita na natin na mauulit lang ang siklo ng nakadidismaya at huwad na liderato kung si Ching man ang manalo dahil siya lang din ang susunod na magiging tuta ng admins ng PUP. Marahil ay handang magpahawak sa leeg kapalit ang inaasahang sahod sa pagiging rehente. Nakasusura kung ganon na lamang kababaw nila tingnan ang kahalagahan ng tunay na representasyon sa pamantasan.


Kaugnay ng mga isyu na nakapaloob sa 24th ANAK FED Congress GA, naglabas ang PUP SC COMELEC ng official statement na hinahamon ang kongreso na itigil ang anumang eksklusibong pamamaraan ng hindi pagpapahalaga sa mga indibidwal na sa tingin nila ay hadlang sa kanilang mga mithiin. Tama naman. Sa esensya, ang hindi pagpapahalaga sa mga karapatan ng mga SC katumbas sa pagpapawalang-bahala rin sa karapatan ng mga pinamumunuan nitong mga estudyante.


Lapat sa lupang lider ang hinihingi natin ngunit lugmok sa putik na pamumuno ang patuloy na ibinibigay ng mga kinauukulan. Pagod na pagod na tayo sa marahas at nakasisirang pangingialam ng mga admins sa mga kalayaan ng mga mag-aaral. Ang balak pa nga ng ANAK PUP noong inilabas nila ang Implementing Rules and Regulations (IRR) isang araw bago ang GA ay isagawa ang pagboto gamit ang secret balloting.


Hindi naman tayo nagbubulag-bulagan para hindi mapansin ang ganitong banayad na pandaraya. Nakabigkis dapat tayo sa accountability para madali nating masingil kung sino dapat ang singilin. Nakasentro talaga ang problemang ito hindi lang sa kung sino dapat ang magiging sunod na student regent kun’di pati na rin sa sistemang pinanghahawakan ng ANAK PUP at mga admins ng PUP mismo na sila dapat ang may hawak ng lahat ng kapangyarihan sa pamantasan. Ang pagiging control freak nila ay nakasasagasa sa kalayaan at mga karapatan ng sangka-estudyantehan.


Kaya naman sa pagboses at maigting na pagsisiyasat, tayong mga Iskolar ng Bayan ay malaki ang maitutulong sa matikas na pagharap para sa ating akademikong karapatan at seguridad sa unibersidad. Hindi si Wilhelm Provido, Warren Ching, Bea Tarlac, o kung sino mang PUP admin ang magpapasya upang maihalal ang susunod na student regent na tunay na magtataguyod sa ating mga interes.


Sumama ka na at magbantay habang binabaka mo rin ang ibang mga aspeto ng iyong buhay mag-aaral. Hindi naman natatapos sa midterm, final requirements, at mga quizzes ang ating problema. Nariyan pa ang mga mas malalaking isyu na nangangailangan ng pagkakapit-bisig at kolektibong pag-aksyon ng masang mag-aaral. Sa mga ginagawang ito ng kasalukuyang mga lider at admins, makatwiran ang ma-fed up ngunit panatilihin natin ang pagiging alerto dahil kalakip nito ang inaasam nating maayos na liderato.


Artikulo: Rupert Liam G. Ladaga

Dibuho ni: Alyzza Marie Sales


Comments


bottom of page