Sapatos ni Kuya, Daster ni Ate: Ako, bilang Ako
- The Communicator
- 5 minutes ago
- 3 min read
Salamin, Salamin
Akin bang aaminin,
Ang totoong saloobin?
Ako kaya’y tatanggapin?

Hindi maikakaila na hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang hindi bukas ukol sa usapin ng kasariang labas sa nakasanayan. Ang ugat ng paniniwala na ang pagiging iba sa karaniwang nakikita ay matagal nang nakaugat sa henerasyon at nakasiksik na sa sistema. Mula sa kilos hanggang sa pananamit ay nakaangkla at nakakahon sa ideolohiya ng pagiging babae at lalaki.
Ngunit, ang pagsusuot nga ba ng sapatos ni Kuya ay kasalanan, at ang pagladlad ng daster ni Ate ay kamalian? O baka naman nasa baluktot na pagtingin lamang ito ng lipunan?
Patuloy na itinataas ang telang may iba’t ibang kulay na representasyon ng komunidad ng LGBTQIA+ ngunit hindi sa simpleng pagwawagayway ng bandera natatapos ang lahat.
Ang pagwagayway nito ay simbolo ng paglaban sa karapatan para sa komunidad na patuloy isinasantabi dulot ng samu’t saring pananaw. Sa bawat pag-indayog nito sa hangin ay kasabay ng paghiyaw para sa pantay na pagtingin ng lipunan sa iba’t ibang kasarian at sekswal na oryentasyon.
Ang bawat wagayway pakaliwa’t kanan ng bandera ng komunidad ay sigaw para tuldukan ang nararanasang diskriminasyon.
Saksi ang apat na sulok ng tahanan sa pagsusumamo ng pagtanggap mula sa pamilya. Makikita sa lente ng kadalasang sitwasyon ang takot. Tulad sa mga sandaling pagbura ng kolorete sa mukha ni Noah sa tuwing dumarating ang kaniyang ama, o ang pagtatago ni Ara ng baril-barilan na laruan sa tuwing papasok sa kuwarto ang kaniyang ina.
Ang tahanan na dapat ay sandalan at espasyo ng kapanatagan, ay naging lugar ng takot at pagtatago ng tunay na nararamdaman.
Ngunit may puwang nga ba ang paghatol ng lipunan sa pagpapahayag ng tunay na pagkakakilanlan? Sa bawat pagbitaw ng mga katagang hindi katanggap-tanggap ay dapat ba itong pagtuunan?
Nawa’y sa bawat katagang “Sayang ka, pogi/maganda ka pa naman sana kaso bakla /tomboy ka” ay marinig natin ang bawat hinagpis nina Justin at Sarah na maihayag ang kanilang sarili nang walang halong panghuhusga.
Hindi akma ang salitang ‘panghihinayang’ sa pinto ng tunay na katauhan. Ang tanging susi nito ay ang malawak na pag-unawa sa iba’t ibang anyo ng pagkatao at pagpresinta ng sarili sa kanilang paraan.
Nawa’y sa bawat katagang “Kasalanan ‘yan sa Diyos” ay marinig natin ang taimtim na dalangin nina Ivan at Bea na magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa komunidad ang lipunan. Malaki ang papel ng relihiyon sa mundo, ngunit hindi nito saklaw ang konserbatibong paniniwala na ginagamit sa pagpuna at paghusga.
Nawa’y sa bawat katagang “Kahihiyan ka ng pamilya mo” ay marinig natin ang bawat daing nina Carl at Shane na matanggap nang buo sa sarili nilang tahanan. Ang pagkirot ng kanilang sugat sa ilalim ng kanlungan ay sumisimbolo sa damdaming nangungulila sa pagkalinga ng pamilya.
Nawa’y sa bawat katagang “Nagbibihis lalaki/babae lang ‘yan para magpapansin” ay masaksihan sina Marcus at Jane sa kanilang pagpupumiglas at pagkalag sa kadena ng dalawang kasarian. Ang pagpapahayag ng sarili gamit ang panlabas na maskara, sa labas ng kahon, ay matapang na pagtindig sa tunay nilang pagkatao. Ang malayang pagbibihis ay simbolo ng paghamon sa ekspektasyon ng lipunan upang makamit ang tunay na awtentisidad.
Wala sa pagsusuot ni Ana ng sapatos ng kanyang kuya ang kamalian o sa pagbibihis ni Justin ng daster ang kasalanan dahil ang kasarian at pagpapahayag ay higit pa sa nakasanayang binaryong lalaki at babae, at hindi ito nakabatay sa pananamit.
Ang pagtanggap sa katauhan nang buo ay hindi nararapat na nakabatay lamang sa itinakdang pamantayan sapagkat ang bawat indibidwal ay may kalayaang mailahad ang kani-kanilang damdamin at kakayahan.
Mananatiling panawagan ng komunidad ang malawakang kamalayan sa iba’t ibang kasarian na nag-uugat sa paniniwala ng tradisyon, kultura, at relihiyon. Hindi natatapos sa mga rainbow flag ang pagtataguyod ng inklusiyon at paglaban sa diskriminasyon dahil hindi pa tapos ang laban para sa karapatan.
Hindi natatapos sa paggunita at pagdadaos ng selebrasyon dahil hindi pa lubos na nawawasak ang pader ng pagkiling at mantsa ng sistema.
Patuloy ang pagtawid sa putik ng kalakaran hanggang sa marating ang konkretong daang hindi na itinuturing na kakaiba,kudi ay parte na ng normal na estruktura.
Artikulo: Ayessa Clamor
Grapiks: Katherine Cielo
Σχόλια