“Sahod, itaas. Presyo ng bilihin, ibaba.”
Ito ang naging sentrong diwa sa ginanap na virtual educational discussion ng Anakbayan, Polytechnic University of the Philippines-College of Communication (AB PUP-COC), isang araw bago ang paggunita sa Araw ng Masang Anakpawis, Nobyembre 29, Martes.
Umikot ang talakayan sa mga argumentong may kinalaman sa kapakanan ng mga manggagawa hinggil sa usapin ng pangkalahatang ugnayan ng wage, price, and profit.
Ayon kay Nathalie Jumadiao, Pambansa Demokratikong Paaralan (PADEPA) committee member, “Nakakalungkot na dumoble ‘yung presyo ng bilihin pero ‘yung sahod ay mababa pa rin.”
Dagdag pa niya, hindi sumasapat ang Php570 na daily minimum wage ng mga manggagawa para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng Ibon Foundation nitong Agosto, nasa P1,117 na estimated family living wage (FLW) ang kailangan ng isang tahanan na binubuo ng limang miyembro.
“Kaya ang ipinapanawagan natin na bilang mga kabataan ay ialay natin kung anong mayroon tayo, ialay natin ‘yung mga lakas natin at talino kasama ‘yung mga manggagawa. Kasi sa gano’ng paraan ay maa-amplify natin ‘yung mga panawagan at plano,” saad ni Joshtin Sarmiento, Chairperson ng AB PUP-COC.
Hindi rin makatarungan, ayon kay Jumadiao ang sistema ng regional minimum wage kung saan hindi patas at mas maliit ang sahod ng mga manggagawa sa mga probinsya.
Panawagan ng AB PUP-COC, magtakda ang gobyerno ng pambansang minimum na kita na sasapat sa serbisyong ibinibigay ng lakas-paggawa.
“Ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ay magpapataas sa [kakayahan] nilang gumastos at mamili ng kanilang mga pangangailangan. Bagay na magpapataas ng produksyon ng mga naturang klase ng kalakal,” dagdag pa ni Jumadiao.
Kabaliktaran ito sa iginigiit ng ilang mga negosyante na maraming kumpanya umano at negosyo ang maaaring magsara at malulugi kung hihirit ng dagdag pasahod.
Hinikayat ni Daniela Riego, PADEPA Head ng AB PUP-COC, ang mga kabataan na makilahok sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Aniya, “Tayo bilang mga nabuksan na ang isipan ukol sa mga ganitong isyu, nararapat na magmulat pa tayo ng iba upang makiisa dahil hindi ito laban ng iisang sekta lang kundi laban rin ng masang Pilipino.”
Tinalakay din ang ilan sa mga posibleng dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang ang pagdagdag sa buwis, monopoly pricing, at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Naging katuwang ng Anakbayan COC ang PUP COC Student Council (PUP COC SC), Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA COC), at Kabataan Partylist COC sa inorganisang pagtitipon.
Inihayag din ni Sarmiento ang pagsasagawa ng programa sa PUP Sta. Mesa, assembly sa Plaza Miranda patungong Mendiola kasama ng mga manggagawa at iba’t ibang sektor upang ipanawagan ang pagtataas ng sahod sa pag-obserba sa Araw ng Masang Anakpawis, Nobyembre 30.
Grapiks: Cathlyn De Raya
Comments