top of page
Writer's pictureThe Communicator

PUPians, ginunita ang Mendiola Massacre sa Cultural Night

Bilang paggunita sa ika-37 na anibersaryo ng Mendiola Massacre, pinangunahan ng PUP Biblioflix ang paglulunsad ng Cultural Night sa PUP Main Building nitong Sabado, Enero 20.

Dinaluhan ito ng mga progresibong organisasyong pang-kampus na Anakbayan PUP, SAMASA, Gabriela, at mga organisasyong pang-sining at kultura katulad ng Panday Sining PUP, at Literature, Arts, and Culture Society (LACS).


"Ang Mendiola ay simbolo ng pakikibaka ng mga Pilipino," panimula ni Mhing Gomez, pangulo ng Anakbayan PUP sa programa.


Tinalakay ni Gomez ang kahalagahan ng paggunita sa naganap na marahas na pamamaslang sa mga magsasakang nagsagawa ng pagkilos sa kahabaan ng Mendiola noong panunungkulan ng dating Pangulong Corazon Aquino.


“Ang Mendiola ay isang lansangan na dapat tahakin ng mga kabataan para makamit ang pagpapalaya sa bukid. Kaya hinihikayat ang mga kabataan na makiisa sa laban ng sambayanan para sa pagpapalaya ng lipunan. At nasaan ba ang tunay na laban? Nasa kanayunan,” ani ni Gomez.


Sumang-ayon sa pahayag ni Gomez ang tagapangulo ng PUP Biblioflix na si Renzo Dumaliang na sinabing, “Makatuwiran ang maghimagsik. Kahit anong insulto, o pagda-downgrade ‘yung ginagawa sa atin… patuloy sana tayong lumaban at hindi tayo mawalan ng pag-asa na one day, sa mga pundasyon na iniwan natin bilang mga estudyante… makamit ang mga pinaglalaban [natin].”


Nagbigay rin ng pahayag ang ilang mga kinatawan mula sa iba’t ibang konseho.


Samantala, nag-alay rin ng tula at awitin ang ilan sa mga dumalo mula sa College of Architecture, Design, and the Built Environment (CADBE), Alyansa ng mga Panulat na Sumusuong (ALPAS), Panday Sining PUP, The Catalyst, Engineering Spectrum at si Dumaliang.


Isa sa mga madamdaming tula ay ang piyesang isinulat ni Anne San Juan ng Panday Sining PUP na mula sa perspektibo ng isang magsasakang nananawagan na ipagpatuloy ang pagkilos tungo ng tunay na reporma sa lupa.


Pinasalamatan naman ni Kylie Lagumen, Secretary General ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) Youth PUP, ang mga nagtanghal ng kanilang husay at walang kapagurang pagsusulat at paggamit ng mga likhang piyesa upang ibahagi ang kwento ng mga magsasakang patuloy na pinagsasamantalahan.


“Hinihikayat ko rin kayo na ‘wag magpatali sa gobyerno natin. Gaya ng sabi ng mga nauna sakin, tumungo tayo sa kalsada at sa kanayunan. Samahan natin ang mga magsasaka, manggagawa, ang anak ng masang anak-pawis sa tunay na laban,” dagdag ni Lagumen.


“Higit natin kailangan gamitin ang panitikan at sining sa pagtatanggol ng mga isyung panlipunan… Madali lang sabihing gamitin ang panitikan at sining sa mas progresibong konteksto, ngunit mahirap [panindigan],” dagdag pa ni LACS Acting President Ana Mikaela Rejano.


Bilang pagtatapos, nag-alay ng 13 kandila sa tapat ng Dambana ng Kabayanihan ang mga dumalo para sa 13 magsasakang nasawi sa Mendiola Massacre.


Artikulo ni: Kenneth Teston

Grapiks: Alyssa San Diego

Kuha nina: Marvin D. Cabalhin at Paul Bryan Bio


Komentáře


bottom of page