top of page

Women’s Words for Women’s Month

Writer: The CommunicatorThe Communicator

Sa paggunita ng Buwan ng Kababaihan, kaakibat nito ang pagkilala sa makabuluhang kontribusyon at sa kahalagahan ng mga babae sa ating lipunan. 


Narito ang iba't ibang Maria ng bawat sektor ng lipunan na may kanya-kanyang aral at  kwentong handang ibahagi sa mundo. Samot-saring mensaheng nais iparating para sa lahat ng kababaihan.



BALITA NG ISANG BABAE


Sandra Aguinaldo, 49

Granada, barilan, giyera, at sigalot—lahat ng ito ay hinarap ni Sandra Aguinaldo, 49, beteranang broadcast journalist mula sa GMA Integrated News.


Lumaki sa probinsya ng Rizal, kinamulatan niya ang pagmamahal sa pagsulat mula sa kanyang nanay. Bata pa lamang, nasaksihan na niya sa lugar nila kung paano nililimitahan ng lipunan ang mga oportunidad para sa mga kababaihan. Kaya buong puso siyang naniniwala sa pagkakapantay-pantay at pagbibigay ng tunay na suporta sa mga kapwa niya babae.


Batid din niya ang mga pag-aalinlangan ng iba sa kakayahan ng kanyang kasarian. Bilang isang reporter na madalas malagay sa mga alanganing sitwasyon, ilang beses na niyang narinig ang bulong na, 'Hindi puwede ang babae." Ngunit hindi siya nagpatinag, dahil para sa kaniya, walang sinuman o anuman ang dapat humadlang sa tagumpay na nais abutin ng mga kababaihan. “She can be many things,” dagdag pa niya.


Patunay lamang na sa ilang dekada niya sa serbisyo, ang bawat kwentong kanyang hindi inaatrasan ay parte ng mas malawak na misyon sa bayan. Hangga't may balitang kailangang ihayag, may isang Sandra na magbabantay at mag-uulat ng katotohanan dala ang integridad, tapang, at boses ng isang babaeng naninindigang,  "They can have the whole universe."



BABAE, ANGAT SA LAHAT


Melinda D. Talingting, 45

All-in-one—iyan ang naging papel ni Melinda D. Talingting, 45, guro, school paper adviser, at solo parent sa kanyang nag-iisang anak.


Nang iwanan siya ng kanyang asawa, dumoble ang bigat na kanyang pasanin. Mag-isa niyang hinarap ang mga problemang pinansyal, kalusugan, emosyonal, at lalo na ang pagtayo bilang ina at ama sa iisang katawan. Aniya, sa kabila ng lahat, nananatili siyang matatag at matagumpay na nakararaos sa tulong ng kanyang mga kaibigan, pamilya, at higit sa lahat, sa kanyang pananalig sa Diyos.


Naging madilim man ang ilang yugto ng kanyang buhay, naging makulay naman ang iba’t ibang bersyon ng unipormeng pangguro na kanyang sinusuot sa loob ng dalawang dekada. Marami nang mga estudyante ang nagdaan sa kanyang pagtuturo, at patuloy pa niyang pinapanday ang kaalaman ng mga mag-aaral bilang isang school paper adviser sa pahayagan ng Paaralang Elementarya ng Gov. P.F. Espiritu. Kaya't para sa kaniya, hindi lamang usapin ng kasarian ang pagiging isang babae—bagkus ito ay sumisimbolo sa kanilang kahusayan at katatagan sa buhay.


Wala man siyang kapa, lubos ang taglay niyang lakas ng isang tunay na all-in-one superhero. Aniya, "Sa bawat sulok ng mundo, organisasyon, o sa anumang larangan, may isang babaeng angat sa lahat at nagbibigay [ng] inspirasyon."



MAIN-TES-NANCE NG ESKWELAHAN


Marites Sorsano, 58

Walis, spray bottle, at dustpan—ilan lamang iyan sa mga kaibigan ni Marites “Tes” Sorsano, 58, isang maintenance personnel.


Malaki ang kanyang pasasalamat sa labingwalong-taong paninilbihan sa Saint Paul College Pasig, lalo na sa ahensiyang tumulong sa kanya upang makapasok dito. Gamit ang mga inipong sahod, naipatayo niya ang pinapangarap na tahanan. Tumutulong din siya sa pagpapaaral ng apat na pamangkin at umaagapay sa pangangailangan ng iba pang mga kamag-anak.


Bilang babae, nahaharap siya sa problemang pinansyal dahil sa dami ng kanyang sinusuportahan. Sapat lamang ang kaniyang kinikita at nagkakaroon ng kahirapan sa  pag-iipon. Kung kaya't hindi siya maluho at laging inuuna ang pamilya.


Sa kanyang pagreretiro, hindi matatawaran ang kontribusyon niya sa lipunan at sa pamantasan bilang si Tes, isang babaeng maintenance personnel. 


“Magtiwala sa sarili,” mensahe niya sa mga kapwa babae upang paigtingin pa ang lakas ng loob.



LABAN NG ISANG INA


Juliet Geraldine Villanueva, 51

Hindi madali ang buhay para kay Juliet Geraldine Villanueva, 51, branch and client relations manager sa Cebuana Pawnshop.


Tubong Bohol, nagtungo siya ng Maynila bitbit ang pangarap na magandang kinabukasan, at dito nakapagtapos ng kursong Business Administration sa University of the East. Ilang taon ang nakalipas, nakapag-asawa siya at nangarap na makabuo ng isang pamilya. Subalit sa hirap na kanyang dinanas bilang isang babae, ito ay naging mailap. Kinalaunan, matapos ang pursigidong pag-inom ng gamot at pagdarasal ay nabiyayaan sila ng isang anak: si Bea.


Kung tutuusin, parang isang episodyo ng 24 Oras ang kanyang buhay—dahil hindi natutulog ang pagiging isang ina. Anim na araw niyang sinusuot ang kanyang uniporme, dala ang determinasyong harapin ang trabaho. Abutin man ng dilim sa kanyang pag-uwi, patuloy siyang nagbibigay ng liwanag bilang ilaw ng tahanan.


Sinasalamin ng kanyang kwento ang bawat isang Juliet: na sa kabila ng mga pagsubok, may babaeng patuloy na kumakapit sa Diyos, lumalaban, at nagmamahal nang walang humpay sa pamilya. Para sa kanya, “Ang babae ay ‘di basta-basta sumusuko sa hamon ng buhay. Laban lang, kapit lang.”



SI ATE C-ASH-IER


Ash Francisco, 19

Mula sa bawat pagtindig sa counter ni Ash Francisco, 19, working student, bitbit na niya bilang ate ang katatagan ng isang ina.


Kumakayod bilang isang kahera sa Jollibee, hindi lamang lugar ng trabaho ang counter para sa mga tulad niya. Bagkus, isa itong entablado kung saan araw-araw niyang ipinapamalas ang kanyang katatagan at pagmamahal sa pamilya.Pagsubok man ito ngayon, hindi niya iindain ang pagod ng pakikisalamuha sa mga kustomer basta’t maitaguyod niya lamang ang sarili at ang kanyang mga musmos na kapatid.


Bagaman may nanay pa siya, si Ash na ang umako ng maraming responsibilidad sa bahay. Hindi niya ito tinitingnan bilang pasanin, kundi isang perspektibo ng isang babaeng “number one talaga” sa pagiging “tunay na palaban.” Bukod sa pagtatrabaho, pinagsasabay niya rin ang pag-aaral sa isang unibersidad sa Metro Manila. 


Kaya’t kalakip ng bawat resibong kanyang iniaabot, may mensahe siya ng inspirasyon sa mga babae: na ang pagiging isang ate, isang nanay, o isang babae ay hindi sukatan ng kahinaan kundi ng walang kapantay na lakas.



BABAENG HINUBOG NG NAKALIPAS


Clarita Calvi, 72

Masining na mga pinta at obrang likhang-kamay ang minsang naging kaharap ni Clarita Calvi, 72, dating saleslady sa Pista ng Pilipino handicrafts.


Ngunit hindi gaya ng mga nasilayan niyang makukulay na sining, ay naging mailap ang oportunidad niyang makapagtrabaho. Ayon kay Clarita, mahirap kumita ng pera ngunit mas mahirap humanap ng trabaho noong panahong iyon.


Pati pagbabalat ng bawang sa Tondo ay kanyang pinasok upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya bilang isang ina. Ngunit higit sa lahat, isa sa mga hindi malilimutang bahagi ng kanyang buhay ay ang pagiging saleslady sa noo’y kilalang Pista ng Pilipino Handicrafts sa Ermita. Naging mapait man ang mga pagsubok, tiniis niya ang lahat para sa kapakanan ng kanyang mga mahal sa buhay. Kaya’t para sa kaniya, ang babae ay dapat ginagalang at nirerespeto.


Ngayon, sa kabila ng kanyang edad, nananatiling masigla ang kanyang puso sa piling ng mga minamahal niyang apo. Bukod pa rito, aktibong deboto siya ng Mahal na Ina ng Guadalupe. Para kay Lola Clarita, ang kanyang debosyon ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang pagdiriwang ngayong Buwan ng Kababaihan.



TAPANG NG MAKABAGONG KABABAIHAN


Erica Romero, 19

Babasahing mga kaso, lohiko, at pakikipagdebate ang hilig ni Erica, 19, estudyante sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. 


Bilang isang panganay na babae, hindi naging madali na makamtan ang inaasam na kalayaang tinatamasa ng kanyang mga lalaking kapatid. Ikinasakit ng kaniyang ulo ang paglaki sa mga tradisyonal na paniniwalang nagkukulong sa identidad ng kababaihan tulad na lamang ng paglilinis ng bahay at modestong pananamit upang hindi mabastos ng mga kalalakihan sa lansangan.


Mula sa kanyang murang edad hanggang sa pagdadalaga, hamon na kay Erica ang mga hindi kaaya-ayang paningin at salita ng mga taong hindi niya kilala. Ayon sa kanya, mahirap malagpasan ang pagsubok na ito, ngunit para malampasan ang dagok ay naniniwala na lamang siya na hindi pansinin ang sinasabi ng iba, kundi harapin ito bitbit ang makabagong gawi ng mga babae sa bagong henerasyon.


Binigyang kahulugan naman niya ang pagiging babae bilang simbolo ng lakas—lakas ng loob, ng utak, at ng katawan—at may kakayahang harapin ang mundong pilit nangmamaliit sa kababaihan.


Nag-iwan siya ng mensaheng, “Hindi pagiging mahina ang pagiging babae. Sa dalas nating nagpapakita ng kalakasan, hindi na natin napapansin na iba na ang ating pamantayan kung ano nga ba ang malakas. Ngunit, hindi rin masama ang pagiging mahina. Tayo ay tao lamang na nangangailangan din ng oras bago bumalik sa pagiging malakas.” 



KAKAIBANG KA-STAFF-ANGAN


Glory Rose Bande, 30

Apron, hairnet, at mask—yan ang makikitang laging suot ni Glory Rose Bande, 30, staff ng stall 21 ng Sintang Paaralan.


Kwento ni Glory Rose, lumaki siya sa piling ng kaniyang butihin at relihiyosang lola na tinuruan siyang rumespeto sa sarili at sa kapwa. Subalit, naging malaking hamon sa kanya ang pag-lisan ng kanilang ama, isang naiwang gampanin na inako ng kanyang ina upang maitaguyod sila.


Nang dahil sa paghubog sa kaniya ng mga kababaihan simula pagkabata, natutunan niya ang dalawang bagay na aniya'y kumakatawan sa isang babae: pagiging marespeto at pagkakaroon ng pagpapahalaga sa kapwa. Ngunit bukod rito, dagdag pa niya, "hindi ibig sabihin na babae ka ay mahina ka."


Mababasa sa kanyang pangalan ang “Glory”, o Karangalan, at “Rose”, o Rosas—dalawang bagay na bitbit niya hindi lang sa papel kundi sa kanyang pagkatao. Ang mensahe isinulat niya: “Ipakita natin na hindi tayo BABAE LANG, kundi BABAE TAYO!”



LIWANAG SA LIKOD NG DILIM


Dra. Linton SJ. Barangan, 63

"Punta na kayo dito!" Iyan ang maka-nanay na panghihikayat ni Dra. Linton SJ. Barangan, 63, dentista sa PUP College of Communication.


Kwento niya, habang lumalaki, namuhay siya bilang isang masunuring anak na nagsikap sa pag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Lumipas ang panahon, nagkaroon siya ng sariling pamilya, at naging mapagmahal na asawa at ina sa kanyang limang anak.


Marami na siyang napagdaanan sa kanyang edad. Pero may isang matinding yugto sa buhay ang labis na dumurog sa kanyang puso bilang isang ina—ang ilibing ang kanyang mga anak. Dagdad pa ang pagpanaw ng kanyang kabiyak at mga magulang, mga karanasang naghatid nang walang katumbas na sakit. Subalit nagpatuloy siyang mabuhay bilang isang babaeng may kakaibang taglay na tatag ng loob.


Matapos ang mga madilim na nakaraan, nagsisilbi siya ngayong liwanag bilang dentista ng pamantasan, inilalaan ang libreng serbisyong dental sa mga mag-aaral. Para kay Dra. Barangan, ang pagiging babae ay isang banal na regalo, sisidlan ng buhay at tagapaghubog ng kabutihan, dala ang diwa ng lakas at pagmamahal na nararapat ipagdiwang hindi lamang sa buwan ng Marso, kundi sa bawat araw.



INA PARA SA MGA INA


Polyxcena Salvacion, 46

Lungga ni Polyxcena Salvacion, 46, midwife sa isang lokal na medical center, ang delivery room kung saan maraming ina ang kaniyang pinagseserbisyuhan.


Bilang isang single parent, handa niyang gawin ang lahat para sa pamilya—mapangalagaan, mapagtapos, at maibigay ang bawat pangangailangan, lalo na sa kalusugan, edukasyon, at maging sa pinansyal na aspeto.


Isang malaking pagsubok para sa kanya ang naging malubhang sakit ng anak, ngunit sa tulong ng pamilya, napagtagumpayan niya ito. Sinasalamin ng tagpong ito ang mga babaeng gaya niya na aniya’y hindi lamang basta babae dahil bitbit nila ang kakayahang maging matatag, maunawain, at umangkop sa anumang hamon sa buhay. 


Mula sa bawat nagsisilang na ina, ang gaya ni Polyxcena ang nangunguna at naglilingkod nang may tapang at pananampalataya upang matulungang makapagluwal ang mga nanay ng bagong buhay sa mundo—sa tulong at awa ng Diyos.



TIMPLANG KAPE NG ISANG INA


Lorena Balitaan, 44

Cash register, coffee machine, at customer ang araw-araw na kaharap ni Lorena Balitaan, 44, kahera at barista sa loob ng PUP Manila. 


Isang taon na rin magmula ng sila ay umukupa ng pwesto sa lagoon upang magbenta ng kape at iba pang pagkain. Mula sa bawat kapeng kanyang tinitimpla, naipadarama niya ang kalinga ng isang ina sa mga kustomer niyang estudyante. 


Bilang asawa at ina sa dalawa nilang anak, masasabi niyang marami siyang paghihirap na dinaanan dahil hindi biro ang pagiging isang ilaw ng tahanan. 


Nalalagpasan niya ito sa pagtutulungan nila ng kanyang mister para mapalaki nang maayos ang kanilang mga anak. Gayundin ang pagkakaroon ng maayos na komunikasyon sa pagitan nilang dalawa ay mahalaga. Bukod pa rito, para sa kanya, ang babae ang tumutulong sa lalaki upang maitaguyod ang pamilya at mapanatili ang kaayusan nito. 


Tanging mensahe niya sa mga kababaihan ay maging matatag sa lahat ng pagsubok at maging katuwang ng kanilang asawa sa pagpapanatili ng kaayusan ng pamilya.



Article: Jan-Rhada Amarila at Trisha Sorsano

Graphics: Marc Nathaniel Servo

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page