Tinig ng Nakaraan, Tugon ng Ngayon: Pagbubunyag sa mga Umuulit, Nabago, at Naiwang Pangako sa magkasunod na SONA
- The Communicator
- 8 hours ago
- 9 min read
Taon-taon, inaabangan ang State of the Nation Address (SONA) bilang pagkakataon ng pangulo na ilatag ang direksyon ng bansa sa mga susunod na taon. Ngunit sa pagitan ng mga palakpakan at pangako, hindi maiiwasang maitanong kung alin dito ang talagang umusad—at alin ang nananatiling mga salita lamang? Sa paghahambing ng SONA ng nakaraang taon at kasalukuyan, lumilitaw ang mistulang pattern, mga lumang isyung binigyang-buhay muli, at mga panibagong pangakong maghihintay na naman ng katuparan.
Mula sa nakaraang taon, ramdam na ba ang pagbabago at pag-unlad na naipangako?

Ang pagbabalik-tanaw at paghahambing sa SONA 2024 at SONA 2025 ay mahalaga sapagkat sa bawat puwang, alingawngaw, at pagbabagong isinambit, matutukoy kung alin ang natupad, ang naulit, at ang nananatiling pangako.
Ito ang resibo ng bawat Pilipino, hindi lamang para sa kanyang mga salita kundi kung ano na ang mga nagawa.
SONA 2024 Recap: Pangako ng nakaraan, Natupad o Naiwan?
Noong Hulyo 22, 2024, sa kanyang ikatlong SONA, muling hinarap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga mamamayang sabik sa konkretong pagbabago. Kasama ang mga lumang pangako at panibagong proyekto, inilatag niya ang mga plano para sa agrikultura, imprastraktura, kalusugan, at edukasyon—mga sektor na matagal nang nananawagan ng pagtutok.
Sa sektor ng pagkain at agrikultura, nangako siyang palalakasin ang lokal na agrikultura—mula pag-ani hanggang pagbenta—upang mabawasan ang pag-angkat. Kasama na rito ang pagdaragdag ng mga Kadiwa Center sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapalapit ang murang bilihin sa mga mamimili.
Kasabay nito, inilahad ang mga target sa imprastraktura ng agrikultura: ang pagtatapos ng 1,200 kilometrong farm-to-market roads, pamamahagi ng mahigit 9,300 makinarya at pasilidad, at ang pagpapatuloy ng mga proyekto sa irigasyon tulad ng Malitubog-Maridagao Irrigation Project Stage Two sa North Cotabato at Maguindanao del Sur.
Sa usapin ng repormang agraryo, ipinangako rin ang pagpapabilis ng pagkakahati-hati ng Collective Certificates of Land Ownership Award (CLOA) para sa mga indibidwal na benepisyaryo. Kabilang din dito ang pagpapatupad ng certificate of condonation para sa mahigit 57 bilyong pisong utang ng tinatayang 600,000 benepisyaryo ng agrarian reform.
Pagdating sa Disaster Readiness at Climate change, inihayag ang plano ng pamahalaang dagdagan ang mga evacuation centers sa buong bansa. Maliban sa mahigit 5,500 flood control projects na “natapos” na, tinukoy din ang mga proyektong inaasahang matatapos gaya ng Flood Risk Management Project sa Cagayan de Oro River at ang proyekto sa Pampanga Bay.
Sa imprastraktura at transportasyon, patuloy umano ang konstruksyon ng mga bagong kalsada at tulay gaya ng Maharlika Highway at Panguil Bay Bridge. Binanggit din ang pagpapalawak ng sistema ng tren, kabilang na ang Metro Manila Subway at LRT-1 Cavite Extension. Samantala, sa sektor ng enerhiya, ipinangakong pabababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagrerepaso sa EPIRA, pagpapatigil sa FIT-All Tariff, at pagpapabuti ng Lifeline Rates.
Para sa kalusugan, papalawakin ang benepisyo ng PhilHealth (chemotherapy para sa malalaking kanser, gamot para sa outpatient at mental health), magbukas ng mga mobile clinics sa bawat probinsya, at manghikayat ng mas maraming health workers at damihan ang scholarships para sa mga medical students.
Sa sektor ng edukasyon, tinutukan ang digital divide. Isinusulong ang pagbibigay ng mga kompyuter, smart TV, internet, at solar power sa mga pampublikong paaralan. Dagdag pa rito ang panukalang mga batas para sa dagdag-allowance ng mga guro, accident insurance, at ang pagtanggal ng ‘utang-tagging.’
Mula sa agrikultura hanggang edukasyon, masaklaw ang mga ipinangakong hakbang sa ikatlong SONA ni Marcos Jr. Ngunit sa dami ng planong inilatag, nananatiling tanong kung ilan na nga ba sa mga ito ang tunay na naipatupad at ilan ang naiwan pa rin.
Mga Lumang Isyu at Mga Bagong Pangako
Muling binuksan ni Bongbong ang mga pamilyar na isyu sa kanyang SONA, ngunit may bago nga ba sa kanyang mga pahayag, o nauulit lamang ang mga pangakong matagal nang narinig?
Sa bawat SONA, may isyung patuloy na binibigyang pansin at inuulat taon-taon. Ngayong 2025, muling binanggit ang ilang pangunahing usapin tulad ng presyo ng bigas, paggamit ng teknolohiya sa edukasyon, at mga hakbang sa agrikultura. Sa paghahambing ng kanyang mga pahayag mula 2024 at 2025, makikita kung paano ito pinanghawakan, pinalawak, o binigyang-linaw sa kasalukuyang ulat ng pangulo.
Ani’y dumadaloy, presyo’y di bumababa (Bigas at Produksyon)
Sa dalawang magkasunod na SONA ni PBBM, parehong bumalik ang tema sa bigas, ang pangunahing pagkain na hindi mawawala sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Parehong taon, binanggit ang tagumpay sa ani ngunit may pagkakaiba kung paano tinalakay ang kaugnay na presyo.
2024 SONA:
“Ang ating mga ani ay tumaas sa record high. Subalit, kahit pa matatag ang ekonomiya... kung ang presyo ng bigas ay ₱45 hanggang ₱65 kada kilo, hindi pa rin sapat.”
2025 SONA:
“Ipinagpapatuloy natin ang mga programang agrikultural na naghatid ng pinakamataas na ani ng palay noong nakaraang taon.”
Sa 2024, kinilala ng Pangulo na kahit matagumpay ang produksyon, nananatiling hamon ang presyo ng bigas para sa karaniwang mamamayan. Ngayong 2025 naman, muling binanggit ang rekord na ani, pero hindi na naungkat ang isyu ng presyo. Lumalabas na pareho ang pangunahing tema, ani ng palay, pero may nawawalang follow-up sa isyung direktang may epekto sa bulsa ng mga Pilipino.
Edukasyon sa panahon ng signal at screen (Edukasyon at Digital Access)
Matapos ang bigas, tinalakay din ng Pangulo ang estado ng edukasyon sa digital na panahon. Sa panahong ang aralin ay hindi na laging nasa pisara, kundi nasa screen, naging parte ng talumpati ng pangulo ang paggamit ng teknolohiya sa edukasyon. Sa magkasunod na SONA, parehong umalingawngaw ang pangakong “makabagong silid-aralan” o edukasyong sinasabay sa daloy ng digital na mundo.
2024 SONA:
“Nagbibigay tayo ng mga laptop, tablets, at iba pang kagamitan para sa mga guro at estudyante… at nagtatayo ng mga solar-powered classrooms.”
2025 SONA:
“Namahagi tayo ng 3.3 million laptops, 232,000 Smart TVs, at 425,000 SIM cards sa mga pampublikong paaralan.”
Sa 2024, inilatag ang plano: mga kagamitan, pasilidad, at kaakibat na teknolohiya. Pagsapit ng 2025, dumaan na ito sa implementasyon kasama ang aktwal na bilang ng laptops, smart TVs, at SIM cards na ipinamahagi. Mapapansing parehas tinalakay ang digital tools, pero sa kasalukuyang taon, mas naging tiyak ang detalye at saklaw ng mga hakbang.
Iisang tema sa dalawang taon: dalhin ang edukasyon sa mas makabagong porma, gamit ang teknolohiya hindi lang para makapagturo, kundi para umunlad.
Tanim na pangako, bunga ng kilos (Agrikultura)
Taun-taong tinatanim sa SONA ang mga plano sa agrikultura pero sa bilang at bunga, may linaw ba? Agrikultura ang isa sa mga naaalinsunod na binabanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang mga SONA. Sa parehong 2024 at 2025, pinakita ang pagpapatuloy ng mga hakbang sa sektor pero kapansin-pansin ang pagkakaiba ng detalye at datos sa bawat taon.
2024 SONA:
“Malawak na ang saklaw ng ating mga irigasyon... ang dating basang lupa lang, ngayon ay taniman na.”
“Nakataas na ang ani sa maraming pananim — palay, mais, gulay, at prutas.”
2025 SONA:
“Ipinagpapatuloy natin ang mga programang agrikultural na naghatid ng pinakamataas na ani ng palay noong nakaraang taon.”
“Ang presyo ng abono ay bumaba, at ang ating mga magsasaka ay may access sa mas abot-kayang inputs at makinarya.”
Noong 2024, general ang ulat: paglawak ng irigasyon, at pagtaas ng ani sa iba’t ibang pananim. Walang tiyak na bilang ng produksyon o saklaw. Pagsapit ng 2025, mas nakatutok sa palay at nabanggit ang pagbaba ng presyo ng abono pero muli, walang ispesipikong datos sa gaano karami o gaano kalawak.
Bagama’t parehong binanggit ang pagsuporta sa agrikultura, hindi malinaw kung gaano kalaki ang aktwal na pagbabago.
Nagkakasakit na sistema, may gamot na ba? (Kalusugan)
Pagdating sa usapan ng serbisyong medikal, kapansin-pansin na parehong bida sa talumpati ng ating pangulo ang PhilHealth na tila ba simbolo ng pangakong “kalusugan para sa lahat” sa kabila ng sari-saring isyung nakakabit dito. Ibinalita niya sa parehong talumpati ang mga bagong benepisyo dito.
2024 SONA:
“Titiyakin natin na ang bawat isang probinsya ay mabibigyan ng Mobile Clinic.”
“Maisasama na rin sa mga benepisyo ng PhilHealth ang chemotherapy para sa cancer sa baga, atay, ovary, at prostate.”
2025 SONA:
“Wala nang kailangan bayaran ang pasyente basta sa DOH hospital dahil bayad na po ang bill ninyo.”
“Itinaas po natin sa apatnapu’t pitong libong piso ang sagot ng PhilHealth.”
Nakaraang taon, naitalang pinamimigay na ang first batch ng mobile clinics sa 28 probinsya ng Mindanao. Ngayong taon, may naitalang 53 bagong bukas na center, 11.5 milyon ang natulungan ng MAP, at pinataas na ang benepisyo ng PhilHealth (47,000 pesos para sa dengue, 187,000 para sa katarata, at tinaas sa 2.1 milyong pesos mula sa 600,000 ang assistance sa kidney transplant). Natupad din ang Zero Balance Billing kung saan libre at walang babayaran ang pasyente sa lahat ng ospital na sakop ng DOH.
Flood Control daw pero may nalulunod? (Pagbaha at flood control)
Mainit at pokus ng pansin ang usapin sa solusyon ng pagbaha na matagal nang tinitiis ng sambayanang Pilipino. Mapapansin sa parehong talumpati ang diin sa pangako nitong flood control.
2024 SONA:
“Mahigit limang libo at limang daang flood control project ang natapos na, at marami pang iba ang kasalukuyang ginagawa sa buong bansa.”
2025 SONA:
“Kitang-kita ko na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho.. at ‘yung iba guni-guni lang.”
“First, the DPWH will immediately submit to me a list of all flood control projects from every region that were started or completed in the last three years.”
Sa dulot ng hagupit ng mga nagdaang bagyo at ang paghatak sa Habagat nitong buwan, bumaha sa iba’t ibang panig ng Luzon dahilan upang mapansin ang mga palpak at ghost projects na sinasabing “flood control” noong nakaraang SONA. Sa kanyang 2025 SONA, diniin ng presidente na malalagot ang mga may sala at kanyang iimbestigahan.
Laging singil, walang ginhawa (Kuryente at tubig)
Taon-taon pasanin ng bawat mamamayan ang pabigat nang pabigat na bayarin sa kuryente at tubig. Matatandaang ipinangako niyang pagaanin ang singil sa kuryente noong nakaraang SONA at sa kasalukuyang talumpati ipinaliwanag niyang inaayos pa rin ang komplikadong sistema ng enerhiya sa bansa.
2024 SONA:
“Patuloy tayo sa pagdagdag ng mga imprastraktura ng kuryente na magpapababa ng presyo ng kalaunan.”
2025 SONA:
“Ipinag-utos ko sa DOE, NEA, at ERC na pabalikin sa normal ang serbisyo ng kuryente sa Siquijor bago matapos ang taon.”
“Titiyakin ng LWUA na mailalagay na sa ayos ang serbisyo ng tubig ng milyon-milyon nating mga kababayan at gawing mas abot-kaya naman ang presyo.”
Patuloy na ginagawang hakbang upang mapababa ang singil ng kuryente at tubig. Ipinangako ng pangulo na pabilisin ang proseso ng pagbabalik ang kuryente sa Siquijor bago matapos ang taon at pananagutan ang mga water districts at kanilang mga joint venture partners na matatandaang kinukwestyon ng tao sa paniningil kahit na hindi nakakaabot ang tubig sa mga konsyumer.
Pagsilip sa tulay at daan (Imprastraktura)
Parehong tinalakay ng pangulo sa dalawang talumpati ang mga naipatayo at kasalukuyang pinapatayong mga tulay, daan, at kalsada. Ang tanong, sa dami ng mga malawak na planong ito: matibay nga kaya?
2024 SONA:
“We have provided the budget to upgrade three hundred sixty-seven bridges and almost one thousand six hundred kilometers of road.”
“Patuloy ang pagpapaganda ng ating mga paliparan at mga daungan, para sa ikakaginhawa ng ating mga manlalakbay.
2025 SONA:
“Mayroon na po tayong 1+3 Pamilya Pass. Ito ay tuwing Linggo, para naman may konti pang matitipid ang pamilya sa kanilang pamamasyal at sa kanilang pagsimba.”
“Aayusin natin ang mga pangunahing daan na nag-uugnay sa Cagayan de Oro, sa Davao, General Santos, na may haba na apat na raan at dalawampu’t walong kilometro.”
Taong 2024 ay binuksan na at maaari nang gamitin ang Panguil Bay Bridge at Balingoan Port Expansion Project sa publiko, habang ang ilang proyekto kanyang nabanggit ay patuloy na isinasaayos ngayon tulad ng Guicam Bridge, CLEX, NLEX-SLEX Connector, Plaridel Bypass, at LRT Line 1 Cavite extension. Bukod dito ay patuloy rin na inaayos ang Guadalupe Bridge at iba pang pangunahing daan, tulay, at paliparan.
Madaling magbitaw ng mga pangako, ang mahirap? Tuparin ang lahat ng ito.
Sa SONA 2025, muling inihain sa mesa ng mga Pilipino ang mga bagong panata at panukala: mas transparent na budgeting, pananagutan ng mga opisyal, mas mabilis na PNP response, at mas maraming silid-aralan.
Sa talumpati binigyang-diin din ni BBM ang pagsasapubliko at binigyang linaw ang budgeting ng pamahalaan mula sa personal na pamamahala nito. Binalaan niya na ang anumang panukalang pambansang hindi naaayon sa opisyal na National Expenditure Program ay ibabasura.
Isa pa sa mga pangako niya ay ang panagutin ang mga may sala at sangkot sa mga bigo, naantala, o pekeng proyekto sa imprastraktura. Inatasan niya ang DPWH na magsumite ng buong listahan ng mga proyekto sa flood control mula sa nakaraang tatlong taon at sa darating na buwan ay sasampahan niya ng kaso ang sinumang opisyal ng gobyerno o kontratisrtang mapapatunayan ng sala—anuman ang kanyang posisyon.
Isa pa sa kapansin pansin na pangako ng pangulo ay ang pagresponde ng pulisya sa sitwasyong emergency sa loob lamang ng limang minuto. Sa kabila ng pagiging ambisyoso nito, nananatiling malabo ang aktwal na katuparan ng pangakong ito—partikular sa mga liblib at kulang na kagamitan na lugar.
Bukod dito, ipinangako muli ng pangulo na maaasahang maipapatayo ang 40,000 silid-aralan sa taong 2028 upang mapabuti at makamit ng mas magandang kalidad ng edukasyon. Ngunit, ito ay kulang na kulang pa sa tunay na reyalidad ng backlog ng mga silid-aralan sa bansa. Sumasalungat din ito sa kasalukuyang pagputol sa mga badyet ng edukasyon, lalo na sa mga pampublikong paaralan at state universities and colleges (SUCs).
Ilan lang ito sa mga pangako na kapag natupad ay napakalaking tulong na sa mamamayan. Mga pangakong hindi lamang sana umabot sa papel at hangin. Habang ang pamahalaan ay nagbibitaw ng mga pangako, tungkulin ng mamamayan—matanda o kabataan ang magmatyag, makilahok, at magsalita. Ang pagbabago ay hawak ng bawat isa.
Kung susumahin, pinaulanan tayo ni Junior ng datos, maganda sa papel. Komplikado pakinggan, ngunit kung bubuksan ang mga mata, gumaan nga ba talaga ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino?
Artikulo: Jeserie Joy Ilao & Danica Fabonan
Grapiks: Jan Mike Cabangin
Komentar