Marahas na dispersal at ilegal na pang-aaresto ang naging taktika ng kapulisan sa pagsalubong sa bulto ng mga manggagawang nagsagawa ng kilos-protesta sa Morayta, Manila hanggang sa embahada ng Estados Unidos upang gunitain ang pandaigdigang araw ng paggawa nito lamang Miyerkules, unang araw ng Mayo.
(Kuha nina Romar Andrade, Paul Bryan Bio, & Lourence Angelo Marcellana)
Kawalan ng dagdag na sahod ang pangunahing ipinaglaban ng iba’t-ibang sektor sa protesta. Bukod dito, bitbit ng mapayapang pagkilos ang pagkondena sa makadayuhang polisiya ng kasalukuyang administrasyon kasabay ang presensya ng mga Amerikanong pwersa sa bansa, ang pagraratsada sa economic charter change, at ang hindi makataong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Pasado alas sais y medya ng umaga nang magsimula sa España Boulevard ang hanay ng protesta papunta sanang Mendiola Peace Arch ngunit sinalubong na ito ng barikada sa kalye ng Morayta. Pagkatapos ng programa sa lugar, nasundan ang pagkilos sa Kalaw Avenue papuntang Roxas Boulevard, ilang hakbang sa tarangkahan mismo ng US Embassy.
Hindi nakuntento ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa barikada at girian para hindi palusutin hanggang embahada ang mga grupo kaya’t sumunod na binombahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng tubig ang mga hanay gamit ang water cannon sa gitna mismo ng bayolenteng dispersal sa paanan ng konsulado. Ito ay sa kabila ng mapayapang protesta ng mga sektor.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary-general Jerome Adonis, matagumpay na nairehistro ng mga manggagawa ang kanilang panawagan sa dagdag-sahod bagamat hinarang at pinaglupitan ng pulisya ang mga nagpoprotesta.
PARA SA IISANG PANAWAGAN. Pinangunahan ng mga lider mula sa iba’t ibang grupo ang martsa patungong Mendiola bitbit ang kanilang panawagan para sa dagdag sahod sa harap ng matinding init sa Morayta. (Kuha ni Jann Conrad Bonifacio/The Communicator)
Ang paggunita, aniya, sa taunang pagkilos ay upang singilin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kapabayaan sa hukbo ng mga manggagawang Pilipino sa nalalapit na ikalawang taon ng kanyang termino.
“Ang Mayo Uno namin ngayon ay hindi isang selebrasyon kung hindi isang malakas na protesta at paniningil kay Bongbong Marcos sa kaniyang kainutilan, na magdadalawang taon na sa puder ng kapangyarihan, wala naman kaming nararamdaman. [...] ‘Yung pagkilos lang, ‘yung kumilos ang taumbayan ngayon laban dito sa kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, at inhustisya, isang malaking tagumpay na ‘yun,” ani Adonis.
Mayo Uno 6
Samantala, anim na kabataan sa daan-daang nakiisa sa pagkilos ang inaresto ng Manila Police District (MPD) sa kalagitnaan ng girian sa Roxas Avenue. Binansagan ang mga ito bilang “Mayo Uno 6.”
Ang pag-aresto ay bunsod ng masigasig na pambabarikada ng kapulisan nang hindi makarating ang pwersa ng mga welgista sa harap ng US Embassy na siyang dahilan kung bakit sa harap lamang ng Museong Pambata tinapos ang programa.
Kinulong ang mga inaresto sa isang detention center ng Philippine National Police (PNP) malapit sa naturang protesta.
Kinumpirma ng Philippine Collegian sa isang ulat na lima sa anim na inaresto ay mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), samantalang ang isa pa ay isang kampus mamamahayag na nagtamo ng sugat sa ulo dahil sa girian.
Pasado alas onse ng gabi ng Miyerkules ay naghihintay pa rin ng gamutan ang anim na kabataan sa Ospital ng Maynila mula sa natamong pinsala sa marahas na dispersal. Isang welgista rin ang napag-alaman na bayolenteng pinosasan nang nakalapag sa kalsada.
Bago ang protesta, naiulat na inutusan ng mga opisyal ng MPD ang kanilang mga pulis na magdala ng posas kung mamarapatin ng mga sumama sa pagkilos na makapunta malapit sa embahada.
THOU SHALL NOT PASS. Hinarangan ng kapulisan ang bultong nagtatangkang magmartsa patungong US Embassy sa Kalaw Avenue—ilang minuto bago ang nabalitang gitgitan sa pagitan ng dalawang panig. (Kuha ni Romar Andrade/The Communicator)
Una nang nanawagan si PUP Student Regent Miss Kim Modelo sa pagpapalaya ng Mayo Uno 6, kinagabihan ng Miyerkules. Aniya, ang pagkakakulong ng mga estudyante ay malinaw na manipestasyon ng kasahulan ng pasistang pulisya at hindi kailanman magsisilbi ang mga ito sa seguridad ng mamamayan.
“Nagproprotesta ang mamamayan sa tarangkahan ng US Embassy dahil alam nitong ang imperyalistang US mismo ang nagdadala ng gulo sa Pilipinas! US mismo ang nagpapain sa mga Pilipino sa girian nilang dalawa ng China,” ani ng rehente sa pahayag.
“Malinaw iyan sa mata ng bawat mamamayang Pilipino! Kaya imbes na matakot sa banta ng paghuli ng mga pulis, patuloy silang lalaban para sa karapatan at soberanya ng Pilipinas,” dagdag pa ni Modelo.
Ayon rin sa pahayag ng KMU, pinapakita lamang ng kapulisan ang pagpoprotekta nito sa mga makapangyarihan dahil sa pang-aaresto sa anim na kabataan upang hindi makalusot papunta sa nasabing konsulada.
“The Manila Police District's use of excessive force is an exposition of their true nature: servers of the rich and powerful, and protectors of the greedy. They exercise brutality as policy, and leave little to no space for maximum tolerance, particularly near the United States embassy.”
Tugon ni Marcos, Kongreso
Kasabay ng protesta ay nagpahayag din ng talumpati ang punong ehekutibo para suriin ang sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas. Aniya ito ay dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin sa merkado.
Hinimok ng pangulo ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB), na siyang nagtatakda ng minimum wage kada rehiyon na magkaroon ng mas madalas na pagsusuri sa pinakamababang sweldo ng mga manggagawa nang may konsiderasyon sa implasyon at iba pang nakakaapekto sa naturang sahod.
Ito ay susuriin, aniya, dalawang buwan bago mag-isang taon ang pinakabagong wage order ng isang rehiyon.
“I call on the National Wages and Productivity Commission to review its rules to ensure that the boards are able to maintain a regular and predictable schedule of wage review, issuance, and effectivity to reduce uncertainty and enhance fairness for all stakeholders.” Dagdag pa ni Marcos Jr.
Kasalukuyan namang umuugong sa Senado ang Senate Bill No. 2534 na siyang magtatakda ng dagdag P100 sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Pilipinas. Ipinapanawagan din ng mga grupo ang kasalukuyang panukala sa Kamara para sa P150 hanggang P350 na dagdag-sahod sa parehong sektor.
Pinasalamatan ni Partidong Lakas ng Masa President Leody de Guzman ang mga panukala sa Kongreso at hinimok ang Malacañang na sumunod na sa dalawang kapulungan na maisabatas ang dagdag-sahod para sa manggagawang Pilipino.
LIWANAG SA DILIM. Maingay na dumating ang mga drayber sa kahabaan ng España habang taas-kamaong nilang inihayag ang pagtutol sa nakaambang jeepney phaseout kasabay ng Araw ng mga Manggagawa, Mayo 1. (Kuha ni Cyl Pareja/The Communicator)
Sa pinakahuling ulat ng IBON Foundation, P440 ang karampatang minimum wage sa bawat rehiyon sa bansa na siyang 36% lamang ng pamantayang family living wage, sa pamilya ng limang kasapi, sa buong Pilipinas na P1,207.
Ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na minimum wage sa buong bansa na may P610 na pinakamababang pasahod ngunit halos kalahati o 51% lamang ito ng family living wage sa rehiyon na P1,197.
Artikulo: Chris Burnet Ramos
Grapiks: Lourence Angelo Marcellana
댓글