top of page
Writer's pictureMaxine Jade Pangan

Tayo Naman ang Bubuo ng Tahanan

Sabi nila, pangalawang tahanan daw nating mga mag-aaral ang paaralan. Ngunit sa kasalukuyang estado ng PUPians, maituturing pa kaya nilang tahanan ang pamantasang hindi na ligtas dahil sa presensya ng kapulisan?

Pagyurak sa Kasunduan


Noong taong 1990, binuo ang PUP-DND Accord o Prudente-Ramos Accord na nagsilbing proteksyon at seguridad sa lahat ng kampus ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) mula sa pagsasagawa ng kahit anong operasyon ng militar at kapulisan nang walang paunang anunsyo sa pamunuan ng pamantasan. Binibigyan din ng kasunduang ito ang bawat mag-aaral ng ligtas na lugar upang malayang makapagsagawa ng pagkilos at makapagpahayag ng kanilang politikal na paniniwala nang walang pangambang madakip ng mga awtoridad.


Ngunit pagsapit ng Abril 18, 2023, nakatanggap ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral ng liham mula sa opisina ng University Legal Counsel na naghahayag ng pagkabuwag ng kasunduang ito simula pa noong Enero 2021.


Takot at galit—ito ang mga namutawing emosyon sa mga estudyante matapos malaman ang balitang yumurak sa kanilang mga karapatan. Dalawang taon matapos ang pambibigla sa mga iskolar ng bayan, kumusta na kaya ang pananatili sa itinuturing nilang ikalawang tahanan?


Ang Big Bad Wolf


Simula nang maibalita ang pagbasura sa PUP-DND Accord, sunod-sunod na rin ang mga ulat ng mga kampus-pahayagan sa tila normal nang pagbisita ng mga militar sa pamantasan. Dagdag pa rito, nagkaroon din ng mga forum at summit sa kampus na pinamumunuan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), isang task force na "notoryus" sa pang-re-redtag sa mga iskolar ng bayan.


Nagkaisa ang tinig ng mga lider ng mga organisasyon—isang porma ng pag-apak sa akademikong kalayaan ng mga estudyante—ang nangyaring unilateral na abrogasyon. Dahil sa pagsasawalang-bisa ng dokumento, mas nagkaroon ng kalayaan ang mga militar na pumasok sa pamantasan at makapang-haras ng mga iskolar sa kanila mismong pangalawang tahanan.


Ayon kay dating Panday Sining PUP Chairperson Faye Pitpit, nagkaroon ng banta sa seguridad ng mga estudyante dahil sa paggamit ng intimidasyon ng mga militar sa loob ng pamantasan. Matapos ang dalawang taon ng abrogasyon, mas naging mapanganib ang PUP para sa mga estudyanteng tulad ni Pitpit. Tila nawawalan nang saysay ang motto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “Protecting the People, Securing the State,” dahil naging mga big bad wolf na ang mga ito na tila may balak sirain ang tahanang pinahahalagahan ng mga iskolar ng bayan.


Sigaw ng PUPian, Sagot sa Napupunding Tahanan


Napangunahan man ng takot ang karamihan, hindi naging hadlang ang pagkawala ng kasunduan para ipagpatuloy ang nagkakaisang sigaw para sa ninanais na mga demokratikong karapatan.


Pahayag ni Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP (SAMASA PUP)l Chairperson Ronjay Mendiola na patuloy nilang isinasabuhay ang arouse, organize, at mobilize o AOM na pamamaraan upang mapalawak ang hanay ng mga kabataang lumalaban para sa kani-kanilang mga karapatan.


Sa kabila ng lahat, natutuhan pa rin ng 80,000 PUPians ang lumabas sa bawat silid-aralan at magpasyang sumapi sa mga organisasyon at publikasyon upang mas mamulat sa tunay na kalagayan ng pamantasan at ng bansang kinamulatan.


Hanggang dulo, may pinanghahawakan mang dokumento o wala, iisa lang ang magiging diwa ng sigaw ng bawat iskolar ng bayan na patuloy nilang paiingayin hanggang sa magbunga ito ng pinaglalaban nilang karapatan at pagbabago.


“Hindi tayo nag-iilusyon ng pagbabago, tayo mismo ang lilikha nito,” pang-huling payo ni Anakbayan PUP Chairperson Mhing Gomez, sa mga kapwa-iskolar ng bayan. Sila ang natatanging pruweba na ang sigaw ng PUPians ang sagot sa pag-aayos ng tahanan nating pilit na pinupundi at sinisira ng rehimen. Sa bawat hiyaw, bawat taas ng kamao, at bawat hakbang ng mga paa sa kahabaan ng Maynila, tayo naman ang bubuo ng tahanan.


Artikulo: Maxine Jade Pangan

Grapiks: Aldreich Pascual

Comments


bottom of page