Sa mata ng Diyos at ng batas, kasalanan ang pumatay. Subalit sa bansang mailap sa mahirap ang pagkamit ng katarungan, paano mo bibigyang kapayapaan ang mga biktima ng kriminalidad kung nasa loob mismo ng pamahalaan ang tanikalang nakagapos sa hustisya?
Dalawang taon na ang lumipas nang matapos ang pamamahala ni dating pangulo Rodrigo Duterte at halos walong taon na ring walang hustisyang nakakamtan ang mga biktima ng madugo at hindi makataong “war on drugs” o “extrajudicial killings” (EJK) na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 30,000 katao base sa datos ng mga human rights group. Karamihan sa mga ito ay inosenteng pinagbintangan na nanlaban at pinatay sa ilalim ng iligal na pag-aresto.
Paanong ang ganitong karumal-dumal na krimen ay pagsahanggang ngayon ay walang kasong kinakaharap sa hukuman?
Matapos ang urong-sulong na imbestigasyon sa “war on drugs” ng berdugong Duterte ay, sa wakas, humarap na ito sa pagdinig sa Kamara. Hindi nga lang sa House Quad Committee (Quad Comm), na lumitis kay retired police officer and former government official Royina Garma na umamin ukol sa reward system, quota system, at maging ang Davao Death Squad (DDS) na umiiral sa termino ni Duterte, ito rin ang nag-iimbestiga sa posibleng koneksyon ng ilegal POGOs, illegal drugs trade, at extrajudicial killings sa ilalim ng dating administrasyon.
Matapos ipagsawalang-bahala ng dating pangulo ang mga imbitasyon ng Quad Comm, taas-noo at walang kagatol-gatol siyang humarap sa subcommittee Blue Ribbon Committee kung saan mayroon siyang mga kapanalig tulad ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dating Philippine National Police (PNP) chief. Tunay nga na ang mga berdugo ay mabagsik lamang tuwing may kasama ngunit wari’y asong bahag ang buntot kapag ito’y ihaharap nang mag-isa.
Sa ilang oras na pagdinig, ang tanging mauulingan lang kay dela Rosa ay pagtatanggol sa dating pangulo at hanay ng mga kapulisan sa madugong war on drugs. Tila ba ay kabilang siya sa resource person kaysa parte ng komite na dapat nagpapaamin sa hinuhukom, aakalain mo rin ito ay isang perya na puno ng mga payaso sa kabilaang pagpapatawa. Matatandaan din ang pagpupumilit nito na pangunahan ang imbestigasyon sa EJK kahit na sangkot siya sa itinuturo ni Garma na kabilang sa nagpatupad ng reward system.
Para saan? Para pa rin ba sa “fair” judgement sa hukuman, o dahil may pinoprotektahan? Hindi malabo lalo pa ngayong talamak ang pananakip-butas ng mga PNP Chief at ni Sen. Bato sa tunay na kahulugan sa likod ng “neutralization process” na kanilang ipinatupad noong termino ni Duterte. Hindi rin malabo na ito ang naging basehan ng “shoot to kill” ng mga kapulisan dahil sa hindi malinaw at naaayon na interpretasyon sa ipinatupad na sistema.
Bagamat inamin at bukambibig ng dating pangulo ang pag-ako sa kasalanan at pagpatay niya, wala namang habas sa katwiran ang kaniyang dahilan. Ang paulit-ulit na pangangatwiran ni Duterte na tama lamang ang pagkitil sa buhay ng mga sibilyan ay kailanman hindi makatarungan. Ang bawat isang Pilipino ay mayroong karapatan na malinaw na tinapakan at nilabag ng nakalipas na administrasyon. Mayroon tayong mga korte na dapat lumilitis sa mga nagkasala at anumang dahilan ay hindi kailanman magiging tama ang paglalagay ng hustisya sa sarili nating mga kamay.
Ngayong biglaang dumalo ang dating pangulo sa Quad Comm, may aasahan ba tayo sa komite lalo pa at patuloy ang pambabastos nito sa kamara? Ang paulit-ulit na paglilitis at pangangatwiran ni Duterte na tama lamang ang pagpatay ay tila patalim na patuloy sumasaksak sa puso ng mga pamilya ng bawat biktima. Hindi sapat na puro pagdinig lang, kailangan nang sampahan ng kaso ang administrasyong nagnakaw sa kalayaan sa mga biktima ng EJK.
Kaugnay nito ay ang pangamba sa pag-normalisa ng mga karaniwang Pilipino sa paggamit ng dahas at karahasan upang bigyan ng kaukulang parusa ang mga nagkasala. Wari ang pagkitil ng buhay ay isa lamang laro sa iilan at natatanging solusyon upang puksain ang lumalalang isyu ng droga sa bansa. Ano pang saysay ng batas at proseso ng hukuman kung pagkalabit sa gatilyo ng baril ang solusyon dito?
Ang ganitong klaseng kaugalian ay maaring mas maging dahilan upang patuloy na tumaas ang kaso ng kriminalidad sa bansa at kung bakit madali na lamang para sa mga kriminal ang gumawa ng karahasan. Dahil kung ang mismong mga nagpapatupad nito ang siyang humihikayat sa paggamit ng dahas, ano pa ang katatakutan ng taumbayan sa pudpod na batas na mayroon tayo?
Sa loob ng anim na taon na pamamahala, nasanay tayo sa matabil na dila ng dating presidente. Habang nagtatagal at humahaba ang tanikala sa kawalan ng kasong isinasampa sa administrasyong Duterte, nababaon sa salitang haka-haka ang mga datos na nagpapatunay na mayroong libo-libong biktima ang kampanya kontra droga.
Kahit ulit-ulitin niyang akuin ang kasalanan at depensahan ang hanay ng mga kapulisan, kailangan at dapat lamang humarap sa hukuman ang mga awtoridad na mas piniling kumitil ng buhay. Dahil ang tunay na hustisya ay matatamasa lamang kung ito ay pagbabayaran ng bawat isa na sangkot sa karahasan.
Bukod pa rito, matatandaan na noong taong 2018 nang simulan ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon ng war on drugs kaugnay sa mga kaso ng giyera kontra droga sa bansa. Ito ay pansamantalang naunsume noong 2021 nang pinatigil ito ng gobyerno sa kadahilanang may sarili umano itong imbestigasyon. Ngunit lumipas na ang mga taon wala pa ring nangyayari–wala pa ring hustisyang nakukuha ang pamilya ng mga naabuso sa patuloy na pagtatakip ng mga may katungkulan sa kasalanan ng nakaraang administrasyon.
Ang muling pagbubukas ng kaso sa ICC ay bagong pag-asa para sa mga pamilya ng biktima. Kung inuna lamang ng pamahalaan ang pagkamit sa hustisya kaysa pagmamatigas na makiisa sa ICC, may napatawan na sana ng parusa. Kung hindi nagmamatigas ang administrasyong Marcos Jr. sa pakikipag-ugnayan dito ay mapapadali ang imbestigasyon lalo pa at may mga saksi at katibayan nang maihaharap sa hukuman, idagdag pa ang mga salitang binitawan ni Duterte sa pagdinig sa komite. Tiyak na ang mga ebidensyang ito ang magtutulak sa bawat hukuman na pagbayarin ang administrasyong kumitil sa buhay ng mga inosenteng sibilyan.
Sa libo-libong utang na dugo ng pasistang rehimen, hindi sapat ang pag-amin at pag-ako sa kaniyang mga kasalanan upang pagbayaran ang ninakaw na kinabukasan mula sa mga karaniwang mamamayan na biktima ng EJK. Magpapatuloy ang dagundong ng bawat yapak ng masang-api na nilapastangan ng administrasyong Duterte hanggang sa tuluyang maputol ang tanikalang nakagapos sa hustisyang inaasam ng taumbayan.
Artikulo: Roselle Ochobillo
Grapiks: Kent Bicol
コメント