top of page

Suporta'y Pangpain sa Posisyong Bibingwitin

Writer's picture: Alexa FrancoAlexa Franco

Pagkatapos ng higit isang taong pag-angkin sa pwesto, nagtalaga na ng bagong kalihim para sa Department of Agriculture (DA) si Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong ika-4 ng Nobyembre. Ang bagong kalihim na si Francisco Tiu Laurel Jr., isang fishing tycoon, ay isa sa top contributor ni Marcos Jr. noong nakaraang eleksyon na nagbigay ng P30 milyong donasyon para sa kaniyang kampanya, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ang bagong kalihim na nga ba ang kasagutan sa mga problemang pumuputakti sa sektor ng agrikultura, gaya ng price cap sa bigas dahil sa lumulobong presyo nito? O ang pamimigay ng posisyon ay iniatang lamang dahil nabingwit sa pain ng marubdob na pagsuporta at utang na loob?


Maliban sa pagiging top contributor sa Marcos election campaign, kilala rin si Laurel bilang presidente ng Frabelle Fishing Corporation. Ang kaniyang pagiging fishing magnate ay isang conflict of interest sa pagiging kalihim niya ng DA. Dahil kamakailan lang, mariing tinutulan ng mga commercial fishing fleet na i-monitor at regulahin ng DA ang kanilang mga operasyon.


Gaya na lamang noong nagkainitan sina Senador Raffy Tulfo at Senador Cynthia Villar noong Senate Plenary sa 2023 DA budget. Idiniin ni Tulfo na lumiliit ang lupang sakahan dahil sa pagbili ng mga malalaking developer upang gawing commercial at residential area na pinabulaanan naman ni Villar. Matatandaan na ang pamilyang Villar ang nagmamay-ari ng real estate company na Vista Land & Lifescapes, Inc., habang kasalukuyang chair ng Senate Committee on Agriculture and Food at Senate Committee on Environment and Natural Resources ang senadora.


Bagamat hindi naman kabawasan sa kakayahan ng isang lider ang pagmamay-ari ng isang pribadong kompanya, marapat pa rin tayong mabahala sa panganib na maaaring makaapekto ang oligarkiyang interes sa dedikasyon ng kalihim sa pagseserbisyo sa masa.


Bukod kay Laurel, ang ibang mga campaign donors ng Pangulo ay nabiyayaan din ng posisyon sa gobyerno, gaya nina Joeben Tai na isang real estate tycoon na ngayo'y general manager ng National Housing Authority (NHA), at Melquiades Robles na dating Light Rail Transit Authority (LRTA) chief na naabsuwelto sa kasong graft ay kasalukuyang chief ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).


Dagdag pa rito ang mga kamag-anak at kakilala ng Pangulo na nasa posisyon gaya na lamang ng inaanak niya sa kasal na si Paul Soriano bilang Presidential Communications Adviser, at Antonio Lagdameo, Special Assistant to the President, na apo ng business associate na malapit sa kaniyang ama. Patunay ang mga ito na pangunahing kwalipikasyon ni Marcos Jr. sa pagpili ng mga namumuno sa mga departamento at mga sangay ng gobyerno ay ang mga taong pinagkakautangan niya ng loob, kamag-anak at taong may direktang koneksyon sa kanya.


Walang batas na nagbabawal sa pagtatalaga ng mga taong may personal na koneksyon sa Pangulo bilang mga opisyal ng gobyerno. Ang mga niluluklok nito ay dumaraan muna sa hurisdiksyon ng Commission on Appointments (CA) na binubuo ng mga mambabatas mula sa Senado at Kongreso na may kakayahang tanggapin o ibasura ang pagtatalaga ng isang tao sa posisyon. Ngunit hindi rin naman lingid sa atin na ang mayorya ng mga mambabatas ay kaalyado ni Marcos Jr. at natural na maging sunud-sunuran ang mga ito sa kung ano ang naisin ng Pangulo.


Kaya naman ang pagiging lapat natin sa isyu ng tamang pagluluklok sa pwesto ay marapat na paigtingin pa. Ang mga posisyon na ito ay hindi lamang titulo na nakadikit sa pangalan, kundi ito ay isang tungkulin na dapat pinamamahalaan ng mga kwalipikado at may kakayahan upang masolusyunan ang ilang taon nang magkakapatong na mga dagok sa bawat sektor, partikular sa sektor ng agrikultura.


Masahol din na ating mapagtatanto na ang Presidenteng iniluklok ay harap-harapang isinaad sa madla na ang importante lamang sa kaniya ay linisin ang "nasirang reputasyon" ng kanilang pamilya. Dito rin makikitang nakaugat ang dahilan kung bakit mismong si Marcos Jr. ay nagtatalaga ng mga taong benepisyal lamang sa pagtataguyod ng kanilang personal na interes kaysa ang mga totoong makapag-aangat ng pamumuhay ng bawat Pilipino.


Manipestasyon ito na mas kailangan pa nating maging mapagmatyag at hamunin ang mga lider kung tunay nga ba silang kakasa sa paglilingkod sa bayan. Gayundin, hindi sila nariyan lamang upang palawigin ang kanilang mga pansariling interes.


Bilang mga Pilipino na naghahangad ng progresibong pagbabago, ang hamon sa atin ay supilin ang ganitong mapagsamantalang uri ng pamamahala. Ito ay sa pamamagitan ng paglalagak ng ating kritisismo at pagtutol sa lantarang katiwaliang ginagawa ng administrasyon na siyang pangunahin nating tungkulin. Gayundin, ang maghangad ng batas upang supilin ang ganitong pananamantala sa posisyon ay dapat isulong kahit pa kabalintunaang maituturing ang parasitikong oligarkiya na umiiral sa kasalukuyang administrasyon.


Hindi tayo papayag na ang pamahalaan ay maging sentro upang palawigin ang negosyo ng mga gahaman at huwad na mga lider. Maging mapagmasid at mas lalong huwag maging manhid sa kalagayan ng ating bansa. Sama-sama nating sirain ang lambat na tumatakip sa huwad na kwalipikasyon ng mga namumuno upang ang mga posisyon sa gobyerno ay hindi nabibingwit ng mga garapal na nakabalatkayo bilang mga taga-silbi.


Artikulo: Alexa S. Franco

Dibuho ni: Jeohan Samuel Aquino


Comments


bottom of page