Sinumpaang panata pagsapit ng Enero
- The Communicator
- 2 minutes ago
- 5 min read
Ang unang araw ng Enero ay mahalagang pagdiriwang ng mga tao upang salubungin ang bagong taon. Pagpatak ng alas dose ng umaga ay makikita ang karaniwang ganap sa selebrasyong ito. Maririnig ang kabi-kabilang paingay gaya ng naglalakihang torotot, paputok, ugong ng motor, kalampag ng mga kaldero, at makukulay na fireworks.

Maging sa mundo ng social media ay hindi mahuhuli ang mandatory posts ng buong pamilya at nakasuot ng damit na ayon sa “color of the year”. Sa gitna ng hapag ay nakabalandra ang katakam-takam na mga handa gaya ng mango graham, spaghetti, cake, at iba’t ibang putahe ng karne na nakahain sa ilalim ng nagniningning na “Happy New Year” o “2026” banner. Kani-kaniya ring diskarte upang isingit sa lamesa ang mga tinaguriang pampaswerte gaya ng labindalawang bilog na prutas at prosperity bowls na sumisimbolo sa yaman at kasaganahan.
Ngunit bago maganap ang magarbong handaan, nagsasagawa ng isang ritwal ang mga tao bilang isang panatang magluluwal sa bagong anyo ng sarili pagpasok ng bagong taon.
Tuwing nalalapit ang pagtatapos ng taon ay nagsisimula na rin ang mga tao na isulat ang kanilang New Year’s resolutions. Ito ay ang mga gawi o bagay na nais nang ibaon sa hukay at ipaanod sa rumaragasang tubig o mga nais nang baguhin upang bigyang-daan ang pagsibol ng mga bagong usbong na pagkakataon. Ang bawat listahan ay nagsisilbing kontrata sa sarili—isang pangakong hindi lamang basta nakasulat sa papel, kundi nakaukit sa pagnanais na maging mas mahusay na bersyon ng kahapon.
Dito isinisilang ang tanyag na linyang “New Year, New Me.” Isang tradisyunal na pangakong iiwan na ang dating sarili sa nakalipas na taon at magsisimulang magbago sa unang araw ng bagong taon.
“Next year, magtitipid na ako para makaipon.”
“Matutulog na talaga ako nang mas maaga sa bagong taon.”
“Aagahan ko na ang gising sa susunod na taon.”
“Magiging physically active na ako pagpasok ng bagong taon.”
Ngunit ano nga ba ang meron sa bagong taon at nabuo ang paniniwala ng mga taong ito ang tamang oras upang magbagong buhay?
“Fresh Start Effect”
Sa larangan ng sikolohiya, tinatawag itong “Fresh Start Effect”—isang phenomenon kung saan ang isipan ng tao ay mas nagkakaroon ng motibasyon na gawin ang isang bagay kapag umabot na sa tinatawag na temporal landmarks o hangganan sa pagitan ng dati at bagong bersyon ng sarili.
Ang huling pahina ng nakaraang taon ay mistulang pagtatapos ng mga kabanatang naisulat sa loob ng tatlong daan at animnapu’t limang araw. Ito na ang wakas ng kwento na dapat nang isara upang mailathala ang bagong bersyon ng aklat ng buhay.
Ang bagong taon ay malinaw na hangganan kung kaya nagagawa ng mga tao na ihiwalay ang isip mula sa nakaraang taon kasama na rito ang mga pagkakamali, kabiguan, at kalungkutan na bumalot sa pagkatao. Paglipat ng pahina sa unang araw ng Enero ay nagkakaroon ng distansya mula sa dati at bagong sarili na tila ba mabubura ang anumang pagkakasala o nangyari upang mabuksan ang bersyon ng bagong aklat ng buhay.
Ang bagong taon ay ginagamit bilang isang psychological reset button upang bigyang katwiran ang desisyong pinili at bagay na ginawa noong nakaraang taon. Sa pagpindot ng button ay tila isang mahiwagang pambura na naglilinis sa mga mantsa ng papel upang muli itong maging blankong sulatan. Ito ay ginagawa para mapakawalan ang bigat ng pananagutan at simulan muling isulat ang buhay gamit ang kamay na nais manindigan sa bagong panata.
Ngunit madalas nakaliligtaan na matingkad ang tinta ng mga nakasanayan sa paghubog ng isang tao at hindi ito basta-basta nabubura sa isang gabi lamang. Hindi sapat ang anumang selebrasyon upang maging panakip sa kakulangan ng determinasyong baguhin ang isang bagay at ikinakadena na lamang ang responsibilidad sa isang petsa at oras.
Kung hindi naimbento ang kalendaryo ay kailan makikita ang pagbabago? Kung walang konsepto ng Bagong Taon at tuloy-tuloy lamang ang pag-ikot ng mundo na walang malay sa oras at araw, anong hangganan ang magiging batayan?
Ilusyon ng “Perfect Timing”
Ang pagsisimula ng bagong taon ay nakakahon na sa tamang oras para baguhin ang mga kasanayang ginagawa lalo na sa nagsarang yugto. Ito ay naging lohikal na dahilan upang ipagpaliban munang simulan ang mga hakbang sa itinakdang layunin o goals upang iayon sa espisipikong panahon.
Marahil ay mas madaling ikondisyon ang sarili na hintayin ang “umpisa” upang magbago kaysa unti-unting simulan ang mga hakbang kasama ang paninindigang maglakad palayo sa mga bagay na pilit humihila pabalik sa dating anyo.
Halimbawang nangako si Nene sa kaniyang sarili na lilimitahan na niya ang pagkain ng matatamis at magbabawas ng timbang, ngunit binitawan din niya ang mga salitang ito sa kalagitnaan ng taon. Tila ba hindi ito ang tamang oras upang isakatuparan ang panata dahil sa natitirang araw na ang mga okasyon ay hitik sa mga handaan gaya ng pasko. Sa kanyang isip ay mas mainam na simulan ang lahat sa 'umpisa' ng susunod na taon—lohikang nagbibigay sa ideya ng ‘perkpektong sandali’ na mistulang isang lagusan sa bagong buhay.
Ngunit marami ring handa tuwing bagong taon. Kaarawan ng kaniyang ina sa kalagitnaan ng Enero at ng kaniyang ama sa unang linggo ng Pebrero. Tiyak na maraming tukso ng matatamis na tsokolate sa araw ng mga puso. Simula na rin ng iba’t ibang piyesta at selebrasyong puno ng handaan sa mga susunod na buwan hanggang sa umabot muli ng Disyembre.
Naging tanyag na paniniwala ang “perfect timing” dahil madalas iniiwasan ng mga taong harapin ang katotohanan na malaki ang maaaring maging sakripisyo kapalit ng hangarin. Nabubuhay na lamang sa ilusyon ang mahabang listahan dahil perpekto na itong nakalimbag sa utak ng mga tao—payak at walang kulay ng reyalidad para manatiling isang imahe.
Ang Lisensyang Nakabalot sa Optimismo
Ang mithiing nakabase sa isang linya na may simula, gitna, at katapusan ay nagsisilbing motibasyon upang mag-umpisa sa unahan. Nakatakda na sa isip na kung nais ng isang tao lumahok sa laro ng pagbabago ay nararapat na simulan muna ito sa unang bahagi upang makamit ang dulo o tagumpay.
Ngunit anong aspeto ng simula ang batayan upang gawin ang unang hakbang?
Ang huling mga araw ng taong bilang na lamang sa daliri ang kadalasang oras upang balikan ang nangyari mula sa umpisa ng buwan at maisulat sa aklat ng taong palipas na. Ito rin ang nagiging hudyat upang damahin ang huling hulma ng mga bagay na ipinangakong babaguhin at huling pagkakataon upang namnamin ang tamis ng gawaing nais nang talikuran na tila ba isang itong ritwal ng pamamaalam. Ito ay mistulang naging lisensya upang gawin ang mga kasanayang nais baguhin sapagkat mapapawalang bisa naman ito pagpasok ng bagong taon.
Kung si Totoy ay nais mag-ipon ng pera sa bagong taon pero hangga’t hindi pa naman dumarating ang araw na iyon ay patuloy muna siyang maglalabas ng mga salapi sa nalalabing mga araw, may posibilidad na hindi na niya mabawi ang naubos na pera sa susunod na taon at makulong na lamang siya sa sariling pangako. Ipinako na niya sa kaniyang isip ang ipong ihuhulog sa alkansya ng disiplina ngunit maaaring mabiyak lamang ito kung tanging unang araw ng Enero lamang ang nagtutulak upang burahin ang naisulat niyang istorya sa nakalipas.
Ipinapasa na lamang ang responsibilidad upang mabigyan ng permiso ang sarili na ipagpatuloy ang anumang gawi na nais nang tuldukan. Bilang resulta ng ideyang optimismo sa likod ng numero, nabuo ang konsepto ng pagpapakasasa sa mga bagay upang malasap sa huling bugso ng layaw ang mga nakagawian dahil mababago naman ito sa pagpasok ng bagong taon.
Ang katotohanan ay walang dalang pambura ang bagong taon upang mapanatili nitong blanko ang papel ng buhay pagsapit ng alas dose sa unang araw ng Enero. Hindi natatakpan ng simpleng pangakong nakaayon sa numero o okasyon ang mga pangyayari sa nakalipas—mababakas nito ang ukit na humubog sa pagkatao. Hindi ang mga paputok ang hudyat upang magbago, walang anumang lakas ng torotot ang may mahikang bubuwag sa pader ng nakasanayan, at hindi kayang abutin ng mga fireworks ang lalim ng paninindigang kailangang baunin kapag ang usok ng selebrasyon ay tuluyan nang humupa.
Ang pundasyon ng pagbabago ay nabubuo hindi lamang sa gabi ng pagdiriwang gaya ng bagong taon—naitatayo ito sa mga araw na pinipili ng isang tao maging handa at tapat sa sariling damhin ang transpormasyon labas sa dikta ng kalendaryo.
Artikulo: Ayessa Mae Clamor
Grapiks: Ronalyn Hermosa







Comments