Mainit na usapin ngayon sa Senado ang P10 milyong pondong hinihingi ni Bise Presidente Sara Duterte para sa distribusyon ng kaniyang librong “Isang Kaibigan.” Layunin ng librong ito na hikayatin ang mga kabataan sa pagbabasa sa pamamagitan ng pamamahagi nito sa mga paaralan.
Bagama’t mahalaga ang pagtataguyod ng pagbabasa sa kabataan, hindi ba’t mas nararapat na pagtuunan ng pansin ang pangmatagalang solusyon sa mga isyu sa edukasyon, lalo na sa usapin ng kawalan ng literasiya? Sa halip na ilaan ang P10 milyon sa isang libro, mas makabubuti sigurong gamitin ito sa pagpapalakas ng kurikulum, pagpapatayo ng karagdagang pasilidad at klasrum, at pagtaas ng sahod ng mga guro.
Sa 2022 Program for International Student Assessment (PISA), ika-76 lamang ang Pilipinas sa reading comprehension sa 81 bansa. Isa rin ito sa pinakamababa pagdating sa creative thinking. Hindi na nakakagulat ang mababang ranking ng ating bansa sa larangan ng edukasyon, lalo na’t mayroon tayong edukasyong inaksesable, kolonyal, represibo, at neo-liberal, na pinapalala pa ng misprayorisasyon ng pamahalaan.
Matatandaan na sa loob ng dalawang taong administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., si Duterte ang naupo bilang Department of Education (DepEd) secretary. Sa panahong iyon, mas nabigyang-pansin ang hiling na P125 milyong confidential funds kaysa sa mga pangunahing pangangailangan ng sektor ng edukasyon; P125 milyon na naubos lamang sa loob ng 11 araw nang walang malinaw na paliwanag.
Kung nagawa nga niyang ubusin ang pera nang walang sapat na paliwanag, magtitiwala pa ba ang mga mamamayan na bigyan siya ng pondo para sa isang libro na hindi malinaw ang layunin at konteksto?
Sa kopya ng librong ibinigay sa Senado ni Duterte, makikita na ang “Isang Kaibigan” ay tungkol sa isang kwago na iniwanan ng kaniyang mga kaibigan sa panahon ng bagyo, kung saan nasira ang kaniyang pugad. Kalauna'y nakilala niya ang loro na hindi lamang siya binigyan ng matutuluyan, bagkus ay tinulungan pang ayusin ang nasirang pugad.
Kung ito lamang pala ang nilalaman ng libro bakit hirap si Duterte na sabihin ito sa budget hearing at nagpatutsada pang pinopolitika ito dahil sa pagtatanong sa konteksto ng libro. Ang mga tanong na ito ay hindi lamang nararapat kundi mahalaga upang matiyak na ang pondo ng mga mamamayan ay ginagamit ng tama at may sapat na kalinawan.
Bukod sa konteksto ng libro, marapat din nating alamin ang nais ipahiwatig ni Duterte sa Author’s part ng libro kung saan nakasaad ang kaniyang bionote na mayroong panapos-pangungusap na “Siya ay isang tunay na kaibigan.” Kung ating susuriin batay sa daloy ng kwento, maaaring itinuturing niya ang kaniyang sarili bilang isang kaibigan na makakatulong sa mga Pilipino. Ang pangungusap na ito ay sumisigno rin na malayo pa man ang 2028 Elections ay tila nangangampanya na si Duterte gamit ang libro na nais pa niyang pondohan ng taumbayan.
Kung susumahin, isa nga bang tunay na kaibigan si Duterte gaya ng kaniyang nais iparating? Si Sara Duterte na lumipad patungong Germany sa kasagsagan ng Bagyong Carina na nilubog ang ilang bahagi ng Pilipinas sa baha. Kung saan may mga namatay, nasugatan, at nasiraan ng mga ari-arian.
Ang tunay na kaibigan ay nagmamalasakit, hindi nang-iiwan sa panahon ng unos, at dinadamayan ang kaibigan sa oras ng sakuna. Paano natin maituturing na isang kaibigan ang isang politikong piniling iwan ang kaniyang mamamayan sa panahon ng delubyo?
Sa huli, ang isyu na ito ay hindi na lamang natatali sa tanong kung dapat bang bigyan ng badyet si Duterte para ilimbag ang libro. Ito rin ay nagsisiwalat sa kung anong klaseng liderato ang mayroon si Duterte.
Ang tunay na kaibigan ng bayan ay hindi lamang basta nagbibigay ng mga pangako’t proyekto. Sila ay dapat naroon sa oras ng krisis, kung saan higit na kailangan sila ng mga Pilipino—naghahatid ng mga epektibo at konkretong solusyon sa bawat bagyong sumisira sa matayog na pugad ng Pilipinas. Kaya naman nararapat nating tanungin, sino ang tunay na kaibigan ng bayan?
Article: Alexa Franco
Graphics: Aldreich Pascual
Comments