Sinaunang Wuh-Luh-Wuh
- The Communicator
- 1 hour ago
- 3 min read
Noong unang panahon, wala pang internet at hindi pa sikat ang mga salitang tulad ng WLW, bisexual, shiboli, shibam, bakla, bading, vaklush, tombits, at iba pang katawagan para sa mga babaeng nagmamahal ng kapwa babae.

Nanatili ang mga damdaming ito na nakakulong sa loob—hindi mailabas, hindi maipaliwanag—dahil walang sapat na salita upang maiparating sa iba ang ganitong klaseng pag-ibig. Itinatwa, itinakwil, at sinabing malaking kasalanan ng lipunan.
Habang unti-unting sinasakop ng mga Espanyol ang ating bayan, habang pinagpuputungan ng mga aklat ang mga kwento ng pag-ibig sa pagitan ng lalaki at babae—kung saan madalas na itinuturing ang mga kababaihan na parang gamit lamang sa sekswal na paraan—doon, sa ilalim ng anino ng pag-ibig na ipinagbabawal, isinilang ang sinaunang lesbiyana. Isang pag-ibig na naglaban, nagdusa, at nagpatuloy kahit na walang karapatan na mabigyan ng pangalan, na parang isang lihim na apoy na kailangang itago, ngunit patuloy na naglalagablab at lalong nagliliyab.
Sino siya?
Taong 1849 nang isinilang si Leona Florentino, isang babaeng manunulat na nagmula sa isang mayamang pamilya. Ngunit nang mapagtanto ng kaniyang mga magulang na ang kanyang mga hilig ay tila hindi tumutugma sa mga inaasahan ng lipunan, ipinakasal nila siya sa edad na 14 kay Elias Llanes de los Reyes, alcalde mayor ng Vigan.
Bagamat biniyayaan sila ng limang anak, mahirap talagang itago ang tunay na pagkakakilanlan ni Leona. Sa likod ng tila perpektong buhay-pamilya, lumalabas sa kanyang mga akda ang isang tinig na para lamang sa kababaihan—isang pagnanasa at pagmamahal na hindi matakpan.
Hango sa kanyang tanyag na tula, Nalpay A Namnama o Blasted Hope sa Ingles:
Shall I curse the hour
when first I saw the light of day
would it not have been better a thousand times
I had died when I was born.
Isang malaking sampal sa mga miyembro ng “Leonatiko” ang tulang ito. Tila isang masakit na paggising na ang pinakamalalim na pag-ibig ang nagiging dahilan ng kaniyang pinakamalaking pag-iisa at dalamhati.
Leonatiko Lifestyle
Marami pa rin hanggang ngayon ang hindi tunay na nakakaunawa sa mga salitang “sexual orientation,” “gender identity,” “gender expression,” at “sex characteristics” ng mga miyembro ng queer community. Para sa iba, bakla at tomboy lang sila—parang trend lang, isang eksena na lilipas din.
Pero hindi ganoon kasimple ang kanilang kwento. May mga tomboy na hindi lesbiyana, may mga lesbiyana na hindi tomboy, may mga tomboy na lesbiyana, at ang mga lesbiyana—mga Leonatiko—ay mga babae na nagmamahal nang buong tapang sa kanilang kapwa babae, kahit pa ito’y labag sa inaasahan ng lipunan.
Hindi biro ang magmahal sa ilalim ng bahaghari. Maraming unos ang kailangang harapin—maraming kidlat na pumapaimbulog sa puso, maraming kulog na tila gustong patahimikin ang sigaw ng damdamin. Pero ngayon, hindi na sila natatakot. Nagsisigawan na sila—ang mga tomboy, lesbiyana, shiboli, shibam, tombits, at Leonatiko—na sila ay narito, buhay, at karapat-dapat mahalin.
Sa tulong ng TikTok, X, at iba pang social media platforms, lumilitaw ang mga bagong salita—WLW—na sumasalamin sa puso at kaluluwa ng mga supling ni Leona Florentino. Mga kababaihan na patuloy na lumalaban, nagmamahal, at naghahanap ng liwanag sa isang mundong minsang tila ayaw silang tanggapin at kilalanin.
Malaya na ang mga tomboy!
Malaya na ang mga tomboy. Malaya na ang mga lesbiyana, ang mga bisexual, ang mga baklang walang pangalan, walang label, walang salitang sapat para ilarawan ang sarili. Malaya na sila—pero bago nila marating ang liwanag, ilang beses muna silang sinunog ng sarili nilang mga apoy.
Sa bawat kanto ng kalsada, may mga kamay pa ring biglang bumibitiw—hindi dahil ayaw hawakan, kundi dahil takot. Takot sa mapanghusgang mata ng lipunan, sa bulong ng bawat dumaraan, sa paghatol ng pamilyang kailanma’y di nakinig.
May mga tingin pa rin na puno ng tensyon, hindi dahil sa galit, kundi dahil sa tanong: “Pwede ba? Tama ba? Ligtas ba?” Ang bawat daplis ng balat, dati’y pagnanasa na hindi pwedeng ipakita, damdaming pilit tinatago sa tawa, sa biro, sa distansya.
Ngunit ngayon, malaya na sila. Hindi na kailangang magkubli sa dilim para mahigpit na hawakan ang kamay ng isa’t isa. May mga tingin nang hindi lang tensyon—kung hindi tuwa, pag-amin, at pagtanggap. Ang balat, hindi na lang basta dumadaplis na parang lihim,
Kumakapit.
Humahaplos.
Dumadampi.
At sa wakas, yumayakap..
Ang pag-ibig ng kababaihan, na minsang isiniksik sa mga journal, itinago sa ilalim ng unan, itinula sa pagitan ng mga linyang hindi maintindihan ng iba—ngayon, malaya na rin.
Namumukadkad ito sa mga mata ng bawat Leonatiko na naglalakad nang magkahawak-kamay, umiindayog sa hangin kasama ng walang humpay na tawanan, at tinatangan ang himpapawid na dati’y di nila akalaing para rin sa kanila.
Marami pang sugat, marami pang takot. Pero kahit kaunti, kahit pansamantala—malaya na ang mga tomboy.
Malaya na si Leona—sapagkat sa bawat yakap, haplos, at halik ng mga Leonatiko ngayon, isinusulat muli ang kasaysayan na minsang ipinagkait sa kanya.
Artikulo: Gerie Marie Consolacion
Grapiks: Cathlyn De Raya
Comments