Matapos sapilitang patalsikin ang tribo ng mga Ati sa sarili nilang lupain sa isla ng Boracay, patuloy pa rin ang kanilang pakikipagsapalaran; umaasa na hindi tuluyang mawala mula sa kanilang mga kamay ang lupang nagsilbing kabuhayan at tahanan. Ang panggigipit sa mga Ati ay ang patunay na mula noon at hanggang ngayon ay nasa gobyerno ang tunay na mga mangangamkam.
(Dibuho ni Jeohan Samuel Aquino/The Communicator)
Kinikilala ang tribo ng mga Ati bilang ‘first inhabitants’ o ang pinakaunang grupo ng mga tao sa Pilipinas. Tinaguriang ‘Ati’ ang etnikong grupo ng mga Negritong naninirahan sa iba’t ibang parte ng Visayas tulad ng Boracay, Panay, at Negros.
Noong 2018, pinarangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Ati ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) bilang bahagi ng inisyatibo ng gobyerno para sa agrarian reform. Ang CLOAs ang kumikilala sa mga Ati at sa pagkakabigkis ng mga ito sa kanilang lupang ninuno. Layunin din nitong maibigay sa tribo ang kanilang ancestral domain.
Subalit sa halip na suportahan ng gobyerno at protektahan ang lupain at ang tribo, ang CLOAs na kumikilala sa lupain ng mga Ati ay opisyal nang kinansela ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Marso dahil hindi na umano pwedeng gamitin ang lupain sa pagtatanim at iba pang pang-agrikultural na gawain.
Labag ito sa mga pangangailangan at tunay na karanasan ng mga miyembro ng tribo na nakakapagtanim, nakakapag-ani, at nakakapag-suplay ng mga produkto sa mga hotel at maliliit na negosyo sa Boracay. Ayon sa Daughters of Charity, ang umaalalay sa tribo, na ang ilan sa mga pananim ng mga Ati ay mga gulay, dragon fruit, root crops, lemon grass, saging, cacao, at iba pang punong nagbubunga ng mga prutas. Nakakapag-alaga rin ng mga hayop ang mga Ati na siyang naging dahilan upang maitawid ng tribo ang dagok ng pandemya.
Dagdag pa rito ng DAR, binawi umano ng orihinal na may-ari ang 1,282 square meters na lupaing inookupa ng mga Ati, dahilan upang sapilitang paalisin ang mga ito sa kanilang lupang ninuno.
Ayon sa Boracay Ati Tribal Organization (BATO), binakuran na agad ang kanilang lupain kahit na pending pa sa korte ang kaso ng kanilang tribo. Samantala, sinabi naman ni Sister Inah Ellana ng Daughters of Charity na may mga armadong kalalakihang gumawa ng pansamantalang barracks sa lupain simula noong Marso 31. Ang naturang mga kalalakihan ay nagtatrabaho umano sa isang security company na nakapangalan sa isang congressman ng lungsod.
Ang pagbabakod sa naturang lupain ay pumipigil sa mga miyembro ng tribo na malayang makalabas at makapasok sa kanilang lupa at mga tirahan na malinaw na paglabag sa kanilang mga Indigenous People’s Rights.
Bagaman ipinangako ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang pagbibigay ng government-owned land sa mga Ati na napaalis sa kanilang mga lupain, hindi naman nito natutumbok ang tunay na problema sa nasabing usapin—ang pangangamkam na ito ay pumupuksa sa karapatang pantao, kabuhayan, at pagkakakilanlan ng tribo.
Kung kayang paingayin ng mga Pilipino ang isyu ng isang resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol, ano ang pumipigil sa atin na paingayin din ang hindi makataong pagpapatalsik ng gobyerno at mga makapangyarihan sa mga Ati sa sarili nilang lupang ninuno?
Ang laban ng mga Ati ay hindi lamang pansarili dahil laban ito ng bawat isang Pilipino. Ang pangangamkam ng mga ancestral lands ay matagal nang isyu sa bansa na dapat tugunan at tigilan na ng gobyerno at mga naghaharing-uri. Ang laban ng mga indigenous groups tulad ng mga Ati ay laban para sa kanilang mga lupain, kabuhayan, karapatan, at pagkakakilanlan.
Sa konteksto ng isyu na ito, hindi totoo na ang tribo ng Ati ang mga mangangamkam at mga oportunista kung hindi ang mga makapangyarihan, ang mga naghaharing-uri, at mga abusadong kapitalista.
Kung wala sa isla ng Boracay, nasaan ang tunay na mga mangangamkam?
Artikulo: Patricia T. Lanzagarita
Comentários