top of page

Sigaw at Alingawngaw: Ang Mayo Uno sa Tinig ng Masang Manggagawa

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Ilang Mayo uno na ang nalagas sa kalendaryo. 



Sa bansa kung saan ang mga manggagawa ang inaasahang bubuhay at bubusog sa ekonomiya, ilang Mayo uno pa ba ang kailangang dumaan bago pakinggan ang kanilang mga panawagan? Ilang mababagsik na mga karatula pa sa lansangan ng Mendiola ang magpapatunay na patuloy silang ginugutom at ginigipit ng inhustisya?


Kung babalikan at bibilangin sa mga daliri, tila ba naging sirang plaka na lang ang mga manggagawa sa paulit-ulit na sigaw na bigyang-pansin naman ang pagsulong ng kanilang mga karapatan, ang panawagan sa taas-sahod, at hinaing sa mas maayos at makatarungang sistemang panghanapbuhay. 


Sa paggunita ng Araw ng mga Manggagawa, hindi lamang kadakilaan ng mga manggagawang Pilipino ang umaalingawngaw. Literal nang nakaangkla sa pangalan ng pagdiriwang na ito ang mga isyung bumubusal sa tinig ng mga nasa laylayan at sa silakbo ng mga Pilipinong patuloy pa rin sa pagkilos at panawagan. 


Ayon kay Benjamin “Banjo” Cordero Jr., ang kasalukuyang Campaign Director ng Defend Jobs Philippines (DJP), isa nang malaking tagumpay sa hanay ng mga manggagawa ang araw na ito dahil wala namang itinalagang "workers’ day" sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng daigdig noon.


Dagdag pa niya, hindi lamang tuwing Mayo Uno ang kanilang panawagan. Buwan-buwan ay walang humpay ang pangangalampag ng kanilang sikmura sa hindi makatarungang minimum wage kaya’t hindi rin tumitigil ang masa sa patuloy na pagsulong ng kanilang mga karapatan.


Ang Kalbaryo ng mga Manggagawa sa Minimum Wage


Base sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang minimum wage noong nagdaang taon ay ₱610 lamang. Noong Pebrero ay ipinasa na sa Senado ang Senate Bill 2534 upang madagdagan ito ng ₱100. Sumatotal, inaasahang magiging ₱710 ang sahod kada araw kung ang panukalang ito ay ipasa ng kongreso.


Sapat pa rin ba ang ₱710 na sahod kung umaabot sa mahigit isang libo ang cost of living sa Pilipinas? 


Ayon sa IBON Foundation, nangangailangan ng ₱1,193 ang kada pamilyang may limang miyembro upang mabuhay nang disente. Malayo sa kasalukuyang minimum na kita sa Kalakhang Maynila.


Kaya naman, ang panawagan ng mga manggagawa ay hindi lang para sa pagtataas ng minimum wage sa rehiyonal na antas kundi tiyaking "family living wage" ang maipatutupad upang masiguradong nakabubuhay ang sahod.


“Una, itaas ang sahod. Pangalawa, mag-create ng mga trabaho. Pangatlo ay tiyakin ang kasiguruhan ng mga manggagawa sa loob ng pabrika. At pang-apat, ibigay ang mga benepisyo na naaayon sa mga manggagawa,” ani Cordero Jr.


Dagdag pa niya, nakalaan lang sa mga minimum wage earner ang mga government-mandated benefits samantalang malaking bahagdan ng mga manggagawa ngayon ay sumasahod na nga nang mas mababa pa sa minimum, hindi pa sakop ng mga benepisyong mandato ng gobyerno.


Kaya’t upang marinig at magawan ng paraan ang mga panawagang ito, buong aksyon ang pag-o-organisa ng mga manggagawa sa NCR. Malaking bagay rin na unionized ang mga manggagawa sa loob ng mga pabrika at pagawaan, upang matiyak ang pagsusulong ng mga karapatan nila—lalo na sa mga benepisyong mandato ng gobyerno. 


Dagdag pa rito, nag-aalok ng libreng konsultasyong legal ang DJP para sa mga manggagawang may problema sa kanilang mga kumpanya. 


Kababaihan sa Mundo ng Paggawa


Kung may sektor mang prominenteng biktima ng pananamantala ng kapitalismo at hindi pagkakapantay-pantay, iyon ay ang hanay ng mga manggagawang kababaihan.


“Malaki ang pananamantala ng mga kapitalista sa amin. Apektado kami roon sa mababang sahod at kontraktwalisasyon na paggawa,” pahayag ni Jean Piano, manggagawa at miyembro ng Gabriela – Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA).


Dagdag niya, talamak pa rin ang pananamantala sa mga manggagawang kababaihan sa mga pabrika o pagawaan. Isa na rito ang madalas na pang-aabuso ng mga manager sa mga mall kung saan kinakailangan pa ng “kapalit” upang maging regular o manatili sa kanilang mga trabaho.


Ayon pa sa ulat ng Pinoy Weekly, malaking bahagdan ng mga manggagawang kababaihan ang nagtitiis sa hindi makataong sahod; dulot nito, umaabot na sa 40 milyong kababaihan ang pumapasok sa mga hindi rehistradong trabaho.


Isa ito sa laban ng mga manggagawang kababaihan. 


“Kaya malaking bahagi talaga ‘yung madala ang mga hinaing namin sa Malacañang, lalo na ‘yung pagsulong sa karapatan ng mga manggagawang kababaihan liban sa pagtaas ng sahod, sa laganap na kahirapan, saka ‘yung malawakang kontraktwalisasyon sa mga pagawaan at pabrika. Sobrang taas din ng inflation rate, napakataas ng langis, kaya isa talaga ang mga kababaihan sa mga apektado talaga lalo’t kami rin yung nagba-budget sa pamilya,” saad ni Piano. 


Sa Ngalan ng Masang Manggagawa


Kaya ngayong Mayo Uno, kagaya ng mga nagdaang taon, tiyak ang muling pagsasama-sama at pagkilos ng libo-libong manggagawa upang ipanawagan ang kanilang mga karapatan—ang pagtataas ng sahod at pagsasabatas ng family living wage. Patuloy na aalma sa pagtaas ng unemployment at underemployment hindi lang sa NCR, maging sa mga karatig-rehiyon. Tuloy ang laban na sa halip na Charter Change at giyera ay muling ibabandera sa lansangan na unahin ang pagsulong ng karapatan ng mga manggagawa at paglikha ng mga trabaho. 


Suntok man sa buwan ang mapakinggan sila ng mga nasa tuktok ng tatsulok, sisikapin ng mga manggagawang Pilipino na hindi lamang ito basta isa sa mga Mayo Unong lilipas muli sa kalendaryo. 


Hangga’t umiiral ang nagsusumigaw na alingawngaw ng inhustisya, patuloy rin ang pangangalampag sa ngalan ng masang manggagawa.


Artikulo: George Ryan Tabada

Grapiks: Kent Bicol


Comments


bottom of page