top of page

Sa Piling ng mga Nanlaban

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 2 days ago
  • 6 min read

Kalye Impyerno kung ituring, puro demonyo. Mga bangkay ng mga salot na nakahandusay sa mga lansangan ng Maynila-hindi lang pala sa Maynila, sa bawat purok, sa bawat pamayanan ng bansang itinuring na kanlungan. 



“Naglinis na naman sila.” 

“Sino ngayong gabi?”

“Anak ni Lorenza?” 

“Asawa ni Vivian, at si Vivian”  

“Hindi ko kilala, pero adik daw” 


Ang anak ni Lorenza, si Kianmatunog na pangalan sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa kasagsagan ng Oplan Tokhang. 


Asawa ni Vivian, si Adrian Peregrino, ang mga magulang ng labing isang anyos na si Love Love, saksi kung paano tumagos ang bala sa bungo ng kaniyang mga magulang.


At ang hindi mabilang na labi ng mga indibidwal na mas nakilala sa bansag na adik, runner, o di kaya’y pusher. 


Iba-iba man ng pangalan, iba-iba ng lokasyon kung saan inilibing, iba-iba ng lugar kung saan sila huling namataan. Ngunit iisa ang pagkakapare-pareho: mga nanlaban. 


Ang Kalye Impyerno 


Kahit saang toda ka sumakay, o kahit saang kalye ng Maynila ka magtanong kung saan ang daan tungong Kalye Impyerno, wala kang makukuhang malinaw na direksyon. Kung ilalarawan ang Kalye Impyerno, maaari itong isang makipot na eskinita, madilim, at basa ang daanan. Ngunit maaari rin naman itong isang siyudad na puno ng matatayog na gusali, maliwanag na daan, at kung minsan ay may mga bulaklak pa sa gilid. 


Bukod sa mga nais makita sa Kalye Impyerno, umaalingawngaw din sa bawat sulok nito ang hiyawmaaaring dahil sa sakit, pagsusumamo para sa tulong, o di kaya’y ang mga katagang “Huwag po! Hindi po ako adik!” 


At oo, walang Kalye Impyerno. Wala ang tiyak na lokasyon nito. Wala sa Google Maps, o kahit saang mapa hanapin. Dahil ang Kalye Impyerno ay hindi lang isang kalye, ito ang lansangan ng bansa sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ng strongman ng Davao. 


Maraming salita ang naisabuhay noong panunungkulan ng administrasyong Duterte. Naglipana rin ang pagpapakahulugan sa mga salitang ito batay sa kultura sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Ang salitang salvage ay pandaigdigang ginagamit upang ilarawan kung paano sinalba ni Superman ang Illinois, maaari rin naman kung paano muling ginamit ni Tony Stark ang mga ekstrang bakal upang mabuo ang kaniyang costume bilang si Iron Man. Maraming pagpapakahulugan sa salitang ito, madalas may kalakip na pag-asa. 


Ngunit sa Kalye Impyerno, kapag nabanggit ang salitang salvage, iisang imahe lang ang pumapasok sa isipan ng bawat Pilipino: Bangkay. Nakabalot ang ulo sa packing tape. Busal ang bibig. Nakatanim ang bala sa bungo. At higit sa lahat, may karatulang “Adik ako, huwag tularan.” 


Sige, isa pa. Ang pangungusap na “Naglinis na naman sila ng kalsada,” ay madalas kalakip ang kaginhawaan. Malinis, walang dumi, magaan sa pakiramdam. Ngunit kung ipagpapalagay na nalinis na naman ang daan sa kasagsagan ng Oplan Tokhang, malayong malayo ito sa kaginhawaan. 


Malinis na naman ang kalsada. Pero dito sa Kalye Impyerno, ang katumbas nito ay ang pagdanak ng dugo ng mga salot sa lipunan. Katabi ng mga hingal at pagod na bangkay na ito ang mga basyo ng bala, isang baril na ginamit nila para manlaban, pakete ng shabu o droga, at higit sa lahat ang malaking halaga ng salapi na hindi man lang nila nagamit habang humihinga pa. Hindi dahil ayaw nila, dahil una sa lahat, hindi naman sakanila iyon. Malinis ang daan at tagumpay ang pagtatanim. 


Martsa Para sa Hustisya


Hindi isa, hindi rin dalawa, hindi rin tatlo, at hindi rin isandaan ang pamilyang naiwan ng mga biktima ng Oplan Tokhang ng dating pangulo. Kali-kaliwa ang boses ng mga humihingi ng hustisya, sa radyo, sa dyaryo, sa TV, sa lansangan, at higit lalo na sa social media. 


Ngunit hindi dito nagtapos, may mga organisasyong naglunsad ng kabi-kabilaang kilusan o rally, pinag-iingay ang hustisyang ipinagkait ng mamang may kamay na bakal. Isang bulag na saksi ang kahabaan ng lansangan ng Mendiola sa paulit-ulit na pagbisita ng mga rallyista, iisa ang isinisigaw, “Duterte panagutin.” 


Maraming martsa ang nabuo, mga protesta na isinasagawa hindi ng iisang organisasyon, iisang kasarian, o di kaya’y iisang age bracket. May mga kawani ng pamahalaan na nagtataguyod ng mga protestang ito, maaaring sa porma ng candle lighting. May mga sektor ng lipunan na pinaiingay ang isyung ito at handa pang magsunog ng effigy. At may mga kabataang naglunsad ng students walkout o di kaya’y black protest. 


Sa ilalim ng mga programang ito, iisa ang layunin. Ang hamunin ang estado na akuin ang mga kasalanan, na itigil ang pagbabayad sa mga naiwang pamilya ng mga naging biktima ng malawakang pagkitil sa buhay, at ang tunay na pagkakaisa. Kahit saang unibersidad ka manggaling, kung handang lumahok sa isang protesta, makikita ang katayuan o ang ipinaglalaban sa iisang kulay ng damitItim. 


Hindi nagtatapos sa protesta ang pagtawag ng atensyon ni Duterte, nariyan ang mga foundation na nabuo tulad ng AJ Kalinga Foundation Inc., at ang sikat na coffee shop sa Cubao Expo, ang Silingan Coffee


Ang kabi-kabilaang pagkilos na ito ay nakaagapay sa mga pamilyang nagsampa ng kaso laban sa mga alipores ni Duterte na walang habas na kinalabit ang gantsilyo, mga pamilyang iisa lang ang hangarin: hustisya


Hindi lang iisa si Duterte


Isang tinik na mahirap lunukin, katotohanan na hindi na pwedeng mabago pa. Hindi naman sa nagsisisihan o nagtuturuan kung sino ang may mali dito. IIsa lang si Duterteat mag-isa lang siyag makukulong. Ngunit marami ang kawangis niya, maraming anyo si Duterte na hanggang ngayon ay malayang naglalakad sa mga kalsadang minsan nang sumalo sa duguang bangkay ng mga biktima ng extrajudicial killing. 


Ang mga pulis na kumalabit ng gantsilyo at taas-noong iwinawagayway ang kanilang license to kill, ang mga pamilya ng biktima na nabigyang presyo ng estado ang pananahimik ng kanilang mga bibig, mga senador na nagbigay suporta sa “paglilinis” ni Duterte, at ang mga Pilipinong mas pinili pa ring iluklok sa pwesto ang manong na may bakal na kamay kahit na ilang ulit na nitong binanggit ang mga katagang “Patayin ko kayong lahat mga adik”, na hindi sineryoso dahil napuno pa ng kantyawan ang mga lugar na pinagdausan ng kampanya ni Duterte. 


Dahil ang lipunang handaang tiisin at yakapin ang kultura ng impyunidad ay isang manipestasyon ng lipunang handang magbulag-bulagan sa mga katiwalian at pagtapak sa karapatang pantao ni Duterte. Kung kaya’t hindi lang iisa si Duterte, marami ang kawangis ni Duterte. 


Si Duterte at ang mga Puta 


Macho-feudal, masokista, bastos, at walang respeto. Ito ang karaniwang mga katangian ni Duterte. Matatandaang noong minsang bumisita sa bansa si Pope Francis ay nakatanggap ito ng malutong na mura mula kay Duterte dahil raw sa traffic na naidudulot nito. 


Minsan na ring minura ni Duterte ang mga kano, ang mga puti, at walang habas na binastos ang Nobel Peace Prize Laureatesi Maria Ressa. Harap-harapan ding binastos ni Duterte ang isang madre, hinalikan niya ang isang ginang sa harap ng publiko, at minsan na rin niyang binansagang puta ang mga kababaihan. 


Mahal daw niya ang kababaihan kaya’t higit pa sa isa ang kaniyang naging asawa. Mahal niya ang mga kababaihan kaya’t pilit niyang inuubos ang mga adik para wala na raw kaso ng rape. At mahal niya ang mga kababaihan kaya’t noong may nabalitang karahasan laban sa isang balingkinitang dalaga, nailuwal niya ang mga salitang, “Dapat ang Mayor muna ang mauna. Sayang.” 


Ang lahat ng kababaihan ay puta para kay Duterte. At ngayong Marso, buwan ng kababaihan, buwan ng mga puta, ay matagumpay na naaresto si Duterte dahil sa pag-aasikaso ng tatlong babaeng tatlong “puta”


Sina Judge Iulia Antoanella Motoc, Judge Reine Alapini-Gansou, and Judge Socorro Flores Liera ang mga kababaihan na naging daan upang makamit ng higit 30,000 na pamilya ang parsiyal na hustisya. Ang unang hakbang patungong langit, ang unang hakbang upang tuluyang mabuwag ang Kalye Impyerno. 


Sino ang tunay na duwag? 


Tinitingan ni Duterte ang mga kababaihan bilang mahihina, duwag, tanga, puta, at walang naidudulot sa lipunan. 


Matapos ang matagumpay na pag aresto kay Duterte, sino nga ba ang tunay na duwag? Sino ang tunay na walang naidudulot sa lipunan? 


Duwag bang maituturing ang mga sektor ng lipunan na nag martsa tungong Mendiola, mga estudyanteng lumahok sa Black Friday Protest, at ang mga indibidwal na minsan nang sumigaw ng hustisya sa kahabaan ng Mendiola? 


Sino ang tunay na duwag, ang biglang nagdeklara na may sakit, nanghihina ang katawan, at hindi kinaya matapos mahatid sa Villamor Airbase? 


Ngayong buwan ng Marso, lumabas na ang tunay na demonyo sa Kalye Impyerno, bahag ang buntot, at tikom ang bibig. Malayong malayo sa persona na strongman.


Sa Piling ng mga Nanlaban


Habang isinusulat ang artikulong ito, libo-libo ang layo ni Duterte sa Kalye Impyerno. Mag-isang nakapiit sa isang maliit na kwarto sa The Hague, siguradong nag-iisip ng mga kasinungalingan na maaari niyang magamit upang depensahan ang sarili, at mahina ang katawan dahil sa wakas, bitbit niya ang impyerno


Mabuti pa ang dating pangulo, nagkaroon ng maayos na proseso, hindi siya basta bastang tinaniman ng bala sa katawan, maayos ang selda, at may warrant of arrest. Malayong malayo sa mga indibidwal na sinabihan niyang “nanlaban.” 


Mabuti pa si Duterte, kahit papaano ay may hustisya at may proseso, mabuti na mayroon siya ng mga bagay na minsan niyang ipinagkait sa kaniyang mga naging biktima. 


At sa wakas, kung maaari, kung loloobin, ito na sana ang huling pagkakataon na mananahan ang bansa sa Kalye Impyerno. Bukod sa bitbit ni Duterte ang impyerno kahit saang sulok ng mundo man siya mapadpad, siguradong ang kalye na iyon ay umuungol ang mga katawang walang habas na pinatay. Ang walang tigil na mga kaluluwang humihingi ng hustisya, habangbuhay niyang bitbit ang impyerno sa piling ng mga nanlaban. 


**This article won in the Features Category of the 19th OSSEI (Organization of Student Services Educators, Inc.) Writing Competition held on March 13–15, 2025, at the Baguio Crown Legacy Hotel, Baguio City.


Article: Gerie Marie Consolacion

Dibuho: Nazia Ashley Gestopa

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page