top of page

Sa Init ng Bibingka at Lamig ng Disyembre: Himig ng Pag-Ibig at Kapaskuhan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa gitna ng malamig na simoy ng hangin ngayong Disyembre at kislap ng mga nagniningning na parol, sinasalubong ng Simbang Gabi ang madilim na langit na may baong hiling, pag-asa, at matamis na pangako ng pasko. Sa mga panahong ito, nagkakaroon ng kakaibang himig ang Pilipinas—mula sa malalalim na tunog ng kampana ng simbahan, kasabay nito ang malamig na pag-ihip ng hangin na nagdadala ng amoy ng usok ng bibingka—mainit, matamis, at umaalingasaw sa bawat sulok ng kalsada. Pero higit pa sa masarap na kakanin at malamig na gabi, kung ang pasko ay isang awitin, ito’y ritmo ng pag-ibig, pag-asa, at kaunting kilig.



Bibingka: Pag-ibig sa Bawat Kagat


Nang magkahawak ang ating mga kamayHumawi'ng mga ulap at sabayNagsiawit ang mga anghel sa langit


Disyembre na naman, at patok muli ang awitin ng Ben&Ben, at heto na naman ang bawat indibidwal na tila ibinubulong sa hangin ang kani-kanilang mga panalangin para sa taong umookupa sa kani-kanilang mga puso.


Dahil sa bawat pagkagat ng bibingka, para kang niyayakap ng panahon. Ang kombinasyon ng uling at dahon ng saging na para bang mga puso at kaluluwang nagtutulungan upang makabuo ng isang bagay na kamangha-mangha. Tila sinasabing, “Hindi mo kailangang magarbo para ipakita ang pagmamahal, basta mainit at bukal sa puso.”


Kapag tinikman mo ito, parang may mahika na sumasabog sa iyong panlasa—tamis na parang yakap ng taong mahal mo, at alat tulad ng mga luhang nag-uumapaw sa saya. Ang malambot nitong tekstura ay parang pusong handang magbigay, at ang manipis na sapin ng keso at itlog ay parang bonus ng pagmamahal na hindi mo inaasahan ngunit labis mong ikinagagalak. Tulad ng mga maliit na bagay na nagpapasaya sa atin ngayong pasko, ito ay paalala na ang pagmamahal ay hindi kailangang magarbo para maramdaman. Ang bibingka ay simbolo ng “simple pero espesyal.”


Ani nga ng Ben&Ben, bilhan mo na siya ng bibingka. Sa bawat kagat, sumasabog ang tamis ng pagmamahal na hindi kayang ipaliwanag ng salita—ang simpleng pagkain, puno ng damdaming hindi matitinag, parang yakap na nag-aabot ng init at saya sa puso.


Alas Dose: Ang Kakaibang Kuwento ng mga Puso


At sa wakas ay nagtabi

Sa may sulok ng simbahan

Ating kamay ay nagdampi

At nabuo ang aking gabi


Simbang gabi na naman, panahon na naman ng pagtupad sa siyam na gabing panata na makinig at damdamin ang misa. Panibagong pagkakataon na naman upang makisalamuha sa mga tao sa simbahan, maaaring bata, matanda, babae, lalaki, o ‘di kaya’y aso ang maaari mong makatabi sa loob ng simbahan. Hindi natin alam, at walang sinuman ang makakapagdikta. Ngunit kung suswertihin nga naman, malay mo, ‘yung crush mo pa ang makatabi mo sa loob ng siyam na madaling araw ng Misa de Gallo. 


Habang binibilang ang ilang tulog na lang, isang tanong ang bumubulong sa hangin: Sino ang katabi mo sa alas-dose? Sa eksaktong hatinggabi, nagiging entablado ang hapag-kainan para sa isang grand finale ng pagmamahalan at kasiyahan. May magkasintahang nagbubulungan ng pangako sa isa’t isa, at mayroon din mga magkakapamilya’t magkakaibigang nagtatawanan habang naghahati ng hamon, at may ilan namang tahimik na nagdarasal para sa kanilang mahal sa buhay na nananahan sa malayong lugar.


Kung ang bibingka ay sumisimbolo ng init, ang alas-dose naman ay ang tagpo kung saan ang lahat ng pag-ibig ay inaabot ang pinakarurok nito. Sa sandaling ito, lahat ay parang nasa isang pelikula—puno ng liwanag ng parol, tawanan, at himig ng mga pusong umaasa. 


Heto na naman ang Cup of Joe, pinakikilig na naman ako sa kanilang awitin. May ibang pagkakataon pa ba bukod sa Misa de Gallo kung saan maaari kitang makasama nang higit pa sa isang oras na misa?


Imno ng Pag-asa at Pag-ibig


“Ilang tulog na lang?” Ang tanong na ito ay hindi lamang binibigkas ng mga batang naghihintay ng regalo kung hindi pati na rin sa mga pusong sabik. Ang kantang “Ilang Tulog Na Lang” ay parang orkestra ng damdamin. Nagsisimula ito sa mabagal na ritmo ng pananabik, tumataas sa crescendo ng mga paghahanda, at nagtatapos sa isang symphony ng ligaya. Kung pakikinggan mong mabuti, mararamdaman mo ang halong saya at pananabik—tulad ng pakiramdam ng pag-ibig na paparating, o kaya naman ay pagbabalik.


Ikaw ang aking katahimikan Kapag sabay-sabay ang ingay at kaguluhan

Kahit nga ang kadiliman

Kapag ikaw na ang ngumiti matatabunan


Ang bawat tunog ng kampana, bawat pagkalembang ng kubyertos, at bawat halakhak ng pamilya’t kaibigan ay parang mga nota ng awitin. May kakaibang mahika ang pagbibilang na ito—naghihintay ka hindi lamang sa pasko kundi sa sandaling maiparamdam mo sa mahal mo kung gaano siya kahalaga. Ang ilang tulog na lang ay hindi lang countdown kung hindi isang maingat na hinahandang sorpresa ng puso.


Ang Awit na Liham ng Pag-ibig


Hindi ba’t nakakatuwang isipin na mayroong mga kantang nagpaparating ng damdamin para sa atin? Ang Bibingka, Alas Dose, at Ilang Tulog na Lang ay ilan sa mga awit na tila liham na hindi maipadala, ngunit naipapahayag sa pamamagitan ng musika.


“Maligayang Pasko,” ang sinasabi ng kanta, ngunit sa bawat ritmo nito ay para bang may bumubulong ng mga salitang “Mahal kita, at ikaw lang ang nais kong makasama ngayong Pasko.” Ito ang awit ng mga taong nagtatago ng kilig, mga may balak magtapat ng kanilang pag-ibig, at ng mga pusong puno ng pagmamahal.


Kung ikaw ay nasa puntong hindi pa masabi ang damdamin mo, ito ang awit na para sa ‘yo. Hindi mo man direktang maipahayag ang iyong nararamdaman, hayaan mong ang musika ang magsilbing tulay para sa mga salitang nasa iyong puso ngunit maibigkas ng bibig.


At kung sakali mang makinig ang taong mahal mo, baka maramdaman din niya na ang awitin ay para sa kanya. Sabi nga nila, minsan ang puso’t damdamin ay hindi kailangang isigaw, minsan sapat na ang musika upang marinig ng puso.


Ang Paskong Mainit sa Puso


Kaya sa darating na pasko, gawin mong kakaiba ang iyong himno. Yakapin ang mga mahal sa buhay nang mahigpit, magbigay ng ngiti sa mga estranghero, at magpaabot ng liham o tawag sa mga taong hindi mo pa nakakadaupang-palad ngayong taon. Higit sa lahat, magtanim ng pagmamahal na parang bibingka—pinagsamang tamis, alat, at init. Hindi minamadali ngunit hindi rin pinababayaan. Dahil ang tunay na pag-ibig, gaya ng pasko, ay mararamdaman sa tamang oras—hindi na kinakailangang hintayin ang alas-dose.


Buksan mo ang iyong puso. Sa kislap ng parol ay isigaw mo ang awit ng pag-ibig. Dahil ang pasko, tulad ng bibingka, ay mas masarap kapag pinagsasaluhan—mainit, malambing, at puno ng pagmamahal.


Artikulo: Frida Antonette Juson

Grapiks: Ronalyn Hermosa

Comments


bottom of page