Lumipas man ang maraming taon, hindi kailanman nabura sa bawat pahina ng kasaysayan ang mga Pilipinong naging susi sa malayang bayan. Ang mga martir noon, na nag-alay ng kani-kanilang lakas, talino, at maging ng kanilang mga buhay, ang siyang hinirang na mga bayani ngayon ng bansang hindi madaling pabagsakin: ang Pilipinas.
Nagmula man sa iba’t ibang antas ng lipunan, may sari-sarili mang kinakaharap na mga suliranin, at iba-iba man ang pamamaraan ng pakikibaka, nakarating pa rin sa iisang destinasyon ang mga bayaning ito. Magkakalayo man at hindi magkakakilala, tila pinagbuklod sila ng iisang adhikain—ang masilayan ang Pilipinas na malaya mula sa tanikala ng pang-aapi at kawalan ng katarungan.
Bilang pag-alala sa mga bayaning naging pundasyon ng tinatamasa nating kalayaan sa kasalukuyan, balikan natin kung paano nila ipinaglaban ang bawat Pilipino sa kabila ng pagkakaiba ng bawat isa.
Sultan Kudarat: Hiyas ng Mindanao
Si Sultan Muhammad Dipatuan Kudarat, o mas kilala bilang Sultan Kudarat, ay isa sa mga prominenteng lider sa Mindanao noong ika-17 siglo. Ipinanganak ang sultan noong 1581, anim na dekada matapos ang unang pagtapak ni Ferdinand Magellan sa Pilipinas. Sa edad na 39, siya na ang namuno sa buong Sultanato ng Maguindanao bilang isang mahusay na politiko at estratehista sa mga labanan.
Kilala siya bilang isang mahusay na pinuno at mandirigma. Bago pa man umakyat bilang sultan ng Maguindanao si Kudarat, ilang beses na rin nakipaglaban ang kaniyang pwersa sa mga Espanyol, kabilang na rito ang matagumpay nilang paglusob noong 1634 sa Leyte, Bohol, at Dapitan.
Bilang tugon sa pag-atake ng mga Moro, pinatikim ng mga Espanyol, katuwang ang ilang mga “Indio” mula sa Luzon at Visayas, ang kanilang ganti sa pamamagitan ng paglusob sa Lamitan—ang pinaka-armadong kuta ni Kudarat sa isla ng Basilan. Katuwang ng sultan sa pakikipagdigma ang buong Lamitan, kabilang ang mga kababaihan nito.
Bigo man sa ilang mga digmaang naganap, hindi sumuko si Sultan Kudarat. Ayon sa historyador na si Isidro Abeto, umatras ang Espanya sa pagsakop sa buong Mindanao dahil wala umano silang mapapala rito at nagpokus na lamang sa ibang bahagi ng Pilipinas. Nagbigay-daan din ang kaganapang ito para sa patuloy na kapayapaan sa pagitan ng Maguindanao at Espanya hanggang sa kamatayan ng sultan noong 1671.
Gabriela Silang: Simbolo ng Peminismo
Isa si Gabriela Silang sa maraming simbolo ng tapang at determinasyon, lalo na sa mga kababaihan, magmula nang maiukit ang kanyang kwento sa kasaysayan.
Sa kabila ng mga limitasyong itinakda ng patriyarkal na lipunan sa mga kababaihan, hindi nagpasindak ang Ilokanang rebolusyonaryo at nagpatuloy sa pagiging kauna-unahang babaeng lider ng kilusan laban sa mga Espanyol. Inakay niya ang mga Pilipino at nag-organisa ng armadong pwersa sa Abra matapos mawala ang kabiyak na si Diego Silang.
Bagamat nahuli at binitay noong taong 1763, naging matibay na pundasyon ang nasimulan ni Gabriela na siyang nagsilbing magiting na pamana sa mga Pilipinong nag-aasam ng kalayaan.
Ang alaala ng kaniyang kabayanihan ay patuloy na gumagabay sa kababaihan, maging sa mga lalaki, tungo sa patuloy na pagbalikwas sa mga inhustisyang nararanasan ng bawat Pilipino. Pinatunayan ni Gabriela na hindi balakid ang kasarian upang maipamalas ang kakaibang tapang at pagmamahal sa bayan.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na tinitingala ng mga kababaihan sa modernong panahon ang nasimulan ni Gabriela Silang.
GomBurZa: Mula Simbahan, Para sa Bayan
‘Sang-daan at limampu’t dalawang taon na ang lumipas nang bitayin sa pamamagitan ng garrote vil ang tatlong Pilipinong pari—Padre Mariano Gomes, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora—sa Bagumbayan. Sangkot umano ang tatlong pari sa naganap na Pag-aalsa sa Kabite noong 1872 na hindi ikinatuwa ng noon ay gobernador-heneral na si Rafael Izquierdo at ng Espanya.
Bago pa man bitayin, matinding pakikibaka na rin ang tinatahak ng mga paring Pilipino noong panahong iyon—kabilang ang GomBurZa. Isa na rito ang paglaban nila para sa pantay na karapatan ng mga kurang Pilipino at usapin ng sekularisasyon sa bansa.
Naging aktibo rin ang tatlong pari sa mga pagkilos para sa reporma, na nagbigay sa kanila ng pag-asa para sa isang makatarungan at pantay na lipunan. Ang kanilang buhay, na nagbigay ng marka sa mga Pilipino noong sila ay bitayin, ay nagsilang sa mga bayaning Pilipino na mangangahas na bumalikwas sa kani-kanilang pamamaraan—mapayapa man o marahas.
Jose Rizal: Ang Magiting na Manunulat
Mula pa noon, hindi kailanman nagmaliw ang pagbibigay-pugay ng mga Pilipino kay Jose Rizal, na kilala rin bilang si Pepe. Malaki ang naging gampanin ni Rizal sa kasaysayan ng bansa lalo na sa literatura na siyang patuloy pa ring pinag-aaralan ng bawat kabataan sa kasalukuyan.
Bunga ng kanyang intelektwal na pakikibaka ang mga akdang "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo" na siyang nagsilbing ningas sa apoy ng nasyonalismo sa puso ng mamamayang Pilipino. Tinalakay sa mga akdang ito ang walang habas na katiwalian at pang-aapi ng mga Espanyol. Ang mga nobelang ito rin ang siyang nagsiwalat sa katotohanan ng lipunan at nagsilbing inspirasyon sa marami upang magkaisa sa laban para sa kalayaan.
Pinanganak man si Rizal na may angking pribilehiyo, ginamit niya ang mga pinag-aralan upang makapagmulat at makapanghikayat na tumindig para sa bansa. Si Rizal din ang nagsilbing inspirasyon ni Andres Bonifacio upang sumapi sa La Liga Filipina at simulan ang sarili nitong pakikibaka tungo sa kalayaan.
Mula noon hanggang ngayon, nananatiling simbolo ng pag-asa, tapang, at pagmamahal sa bayan si Pepe. Patuloy ring nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan, ang kanyang pamanang karunungan at kalayaan.
Andres Bonifacio: Ang Pangulo ng Haring Bayan
Tubong-Maynila ang Ama at Arkitekto ng Rebolusyong Pilipino na si Andres Bonifacio. Bata pa lamang ay danas na ni Andres ang lupit ng buhay sa pamamahala ng mga Espanyol. Tumira sila ng kanyang pamilya sa labas ng Intramuros, ang siyudad na pinalilibutan ng matatayog na mga pader na tinitirhan ng mga makapangyarihang Espanyol at matataas na kawani ng pamahalaan noong mga panahong iyon.
Maagang namulat ang batang Andres nang mamatay ang kaniyang mga magulang na nagdulot sa pagtigil niya sa pag-aaral upang alagaan ang limang kapatid.
Hindi man sapat ang mga kakayahan at karanasan sa pormal na edukasyon, hindi ito naging hadlang kay Andres upang magpatuloy sa buhay. Pinasok ni Andres ang pagiging mensahero sa isang British firm at kalaunan ay naging katulong din sa isang bodega ng Fressel & Company.
Isa sa mga naging inspirasyon sa diwang makabayan ni Andres ay ang mga akdang nobela ni Jose Rizal na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.” Para sa kanya, hindi ito basta sulatin lang ni Rizal, bagkus ay salamin ng paghihirap, opresyon, at pagpapakasakit ng kapwa niya Pilipino.
Kaya naman, makalipas ang ilang taon ng pagtitiis, binuo ni Andres ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o K.K.K., ang samahan ng mga Pilipinong rebolusyonaryong layon ay ang tunay na kalayaan sa mga mapang-aping Espanyol.
Sa kabila nito, bigo ang pwersa ni Andres na tuluyang mapatalsik ang mga Espanyol, pero ang iniwang pamana ng rebolusyon ay nagpatuloy, binawian man ng hininga ang Supremo.
Lagi’t Laging Pasulong, Hindi Kailanman Umuurong
Magmula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, tila punlang salit-salit na itinatanim at dinidiligan ng mga bayaning minsan na rin nangarap ng inaasam nilang kasarinlan para sa bayan.
Nanggaling man sa iba’t ibang panahon sa loob ng humigit tatlong siglong pananamantala ng mga dayuhan, iisa ang naging sigaw ng bawat boses, tabak, at panulat—mapagpalayang lipunan. Sa kanilang mga sariling pamamaraan, ipinaglaban nila ang kalayaan ng bayan, mula sa pakikidigma at armadong paglaban hanggang sa mapayapang pagsusulong ng reporma.
Para sa mga bayaning ipinagdiriwang sa araw na ito, hindi naging hadlang ang pagkakaiba ng panahon, destinasyon, at antas ng lipunan upang maiangat ang matagal nang panawagan ng masa. Samakatuwid, patuloy na nagsisilbing manipestasyon ng diwang makabayan ang magiting nilang pakikibaka para sa lupang hinirang ng mga lahing magiting.
Kaya’t sa tuwing pumapatak sa kalendaryo ang Pambansang Araw ng mga Bayani, lagi’t laging ipapaalala ng kasaysayan sa mga susunod na henerasyon na ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa puso at isipan ng bawat Pilipino…
At sa mga manlulupig, tayo’y kailan ma’y ‘di pasisiil.
Artikulo: Maxine Pangan & Lheonel Sanchez
Grapiks: Aldreich Pascual
Comments