Mahigit dalawang dekada nang nagpapatuloy ang operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa bansa—isa sa mga pangunahing pampublikong transportasyon na ginagamit araw-araw ng mga Pilipino upang makarating sa kani-kanilang destinasyon.
Ngunit nitong mga nakaraang buwan, sunod-sunod ang aberya sa mga tren ng LRT-2. Kabilang dito ang pagkasira ng mga kable at iba pang pasilidad na nagresulta sa suspensyon nito. Noong Agosto, nasira ang catenary wire sa istasyon sa pagitan ng Katipunan at Santolan na nagdulot ng sparks at malakas na kalabog sa tuktok ng tren sa ilalim ng Katipunan tunnel. Sa kasunod na buwan, nagkaroon din ng aberya sa mga linya ng tren sa Gilmore at J. Ruiz.
Walang naiulat na nasaktan sa mga nasabing insidente ngunit malaki ang epekto nito sa mga komyuter. Bukod sa maraming komyuter ang nahirapang makahanap ng alternatibong pampasaherong sasakyan, nagdulot rin ito ng matinding stress at pagkadismaya sa kanilang araw.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, administrador ng Light Rail Transit Authority (LRTA), bumaba ang bilang ng aberya ngayong taon kumpara sa nakaraang limang taon: mula sa 17 na aberya noong 2019, 14 noong 2020, 24 noong 2021, 10 noong 2022, at 9 noong 2023, walo pa lamang ang aberya sa kasalukuyang taon. Bagamat may pagbaba sa bilang, danas naman ng mga pasahero ang perwisyo nito, dahilan para hindi maging kampante ang LRTA.
Mayroon pang mga hamon na dapat bigyang-pansin, tulad ng mahabang pagitan ng pagdating ng tren at kasikipan sa loob nito sa mga ordinaryong araw, na siyang dulot ng pagbaba ng bilang ng mga bagon na mayroon sa kasalukuyan.
Base sa official website ng LRT, 18 tren ang orihinal na tumatakbo sa mga operasyon. Ngayon, sa datos mula sa kanilang Facebook page, hindi na tataas sa 10 ang aktibong tren na nagpapatuloy sa operasyon.
Ang LRT rin ang pansamantalang kaagapay ng mga apektado sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NCSR), kaya mas lalong dumagsa ang bilang ng pasahero nito. Matatandaang ika-27 ng Marso ang huling operasyon ng Philippine National Railway (PNR) sa bansa para sa nakatakdang operasyon nito.
Mahalagang suriin kung bakit lugmok ang kondisyon ng LRT-2. Bukod sa kakulangan sa aksisableng pampublikong transportasyon, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga isyung ito dahil apektado ang manggagawa at sangkaestudyantehan. Ipinahayag ni Cabrera na taun-taon silang nagsasagawa ng midlife assessment upang malaman ang mga dapat ayusin. Pagkatapos nito, pondo naman ang susunod na sisipatin upang maisakatuparan ang mga solusyon.
Subalit ngayong taon, P864.4 milyon lamang ang ibinigay ng gobyerno—higit 45% na kulang sa hiniling na P1.59 bilyon ng LRTA. Kasama na rito ang alokasyon para sa mga empleyado ng LRTA, mga dapat palitang bahagi ng tren, at mga consumables tulad ng langis.
Ang kakulangan sa pondo ang pangunahing dahilan kung bakit madalas masira ang LRT. Kung may sapat na badyet lamang para sa mga programa ng LRTA, tiyak na mas aayos ang biyahe ng bawat tren.
Dapat namang mas ipag-alala ang susunod na taon dahil hindi natiyak ng Department of Transportation (DOTr) ang pondo sa 2025 National Expenditure Program (NEP) para sa rehabilitasyon ng mga tren. Dahil dito, maaaring mas lumala ang sitwasyon, at posibleng ang pinakabatang tren sa bansa ang maunang mawalan ng serbisyo dahil sa hindi sapat na pangangalaga.
Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang pagsisikap ng LRTA na ayusin ang mga kakulangan upang mapanatili ang kanilang paglilingkod. Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang mga abiso at mga pagsasaayos sa mga teknikal na problema na madalas mangyari. Kinakailangan pa ng mas konkretong aksyon upang tunay na makamit ang layunin nitong makapaghatid ng komportableng paglalakbay para sa kanilang mga pasahero.
Isa ang LRT sa mga transportasyong inaasahan ng masa. Kung walang nakalaan na pondo para mapabuti ito, tiyak na magpapatuloy ang aberya hanggang sa susunod na taon.
Nararapat lamang na suportahan ng gobyerno ang mga proyektong panlipunan. Hindi porque hindi sila apektado sa hirap ng mga pasahero ng LRT ay ipagsasawalang-bahala na lang nila ang usaping ito. Hindi rin dahil may pribadong sasakyan ang bawat isa sa kanila ay pikit-mata at tikom-bibig nilang palalampasin ang mga problema.
Kinakailangan ding tugunan ang matagal ng krisis sa trapiko sa bansa. Ang pagtangkilik sa mga tren ay isa sa mga pangunahing solusyon upang maibsan ang kalbaryo sa kalsada na nagpapahirap sa masa. Kung magkakaroon ng sapat na pampublikong transportasyon at maluwag na mga daan, mas magiging madali ang pagresolba sa suliranin sa lansangan.
Sa huli, mahalagang maaasahan pa rin ang gobyerno sa ganitong mga pagkakataon. Ang kaban ng bayan ay dapat lamang ilaan sa mga proyektong pangmasa at ilagay ito sa tamang landas.
Artikulo: Anne Margareth Dela Merced
Dibuho ni: Bianca Diane Beltran
Comments