Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong ika-22 ng Hulyo, ibinida niya ang mga nakamit at ipinatupad ng kanyang administrasyon sa nagdaang taon.
Kung pakikinggan ang talumpati, mistulang malayo na ang narating ng bansa sa iba’t ibang aspeto gaya ng agrikultura at imprastraktura. Ngunit alin nga ba sa mga pahayag na ito ang totoo at hindi? Alin nga ba sa mga ito ang tunay na panalo ng lipunan?
Sa Agrikultura
Ipinagmalaki ng pangulo ang pagkakatala sa pinakamataas na ani ng palay sa bansa nitong nakalipas na taon. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nakapag-ani ng 20.06 milyong tonelada ng palay ang bansa noong 2023 na siyang pinakamataas mula 1987. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Binanggit sa SONA na ang nagdidikta ng presyo ng bilihin ay ang pwersa ng merkado sa bansa—kabilang ang giyera, problema sa suplay, at pwersa ng kalikasan gaya ng El Niño.
Bagaman may katotohanan ito, hindi pa rin maiaalis sa gobyerno ang kanilang pananagutan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Ayon sa IBON Foundation, patuloy ang pagtaas ng bigas simula nang naisabatas ang Rice Tariffication Law. Ito ay sa kabila ng pangakong ang nasabing batas ay makakatulong upang mapababa ang presyo ng bigas.
Matatandaang isa sa mga pangako ng pangulo noong kampanya ay ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa halagang 20 piso kada kilo.
Para naman sa mga magsasaka, ipinahayag din ng Pangulo na sa nakalipas na dalawang taon ay nakapamahagi ang gobyerno ng mahigit siyam na bilyong pisong bayad sa pinsalang dulot ng kalamidad sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), bumisita ang Pangulo sa iba’t ibang rehiyon noong nakaraang buwan upang mamahagi ng tulong, kabilang na ang P700 milyon mula sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks kung saan nakatanggap ng P10,000 ang bawat benepisyaryo.
Sa Trabaho
Isa pa sa mga ipinagmalaki ng Pangulo sa kanyang SONA ay ang pagtaas ng employment rate sa bansa sa 95.9%.
Ibinida rin niya ang pagtaas ng bilang ng mga “de-kalidad” na trabaho sa bansa, pati na rin ang pagbaba ng underemployment mula 11.7% noong Mayo 2023 hanggang sa 9.9% na lamang sa kasalukuyan. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang kasalukuyang labor market ng bansa ang may pinakamababang unemployment rate na naitala sa halos dalawang dekada.
Sa kabila nito, pinabulaanan ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro ang patuloy na pagsasabi ng Pangulo simula pa noong nakaraang taon na mas maraming de-kalidad na trabaho ang nilikha sa kasalukuyan.
Sa katunayan, patuloy pa ring nararanasan ng mga Pilipino ang kawalan ng disenteng trabaho, mababa at hindi nakabubuhay na sahod, at lumalalang kahirapan. Marahil maraming Pilipino ang nagtitiis lamang na makapagtrabaho kahit mababa ang sahod upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Sa Kahandaan sa mga Sakuna
Sa usapin naman ng paghahanda sa mga sakuna, ibinida ng pangulo ang itinatag na Disaster Response Command Center sa Quezon City na siya umanong magiging sentro ng pagmomonitor, pagtatala, at pananatili ng koordinasyon sa paghahanda at pagtugon sa sakuna. Naihayag din ang pagpapatayo ng higit 5,000 imprastraktura na ipinagmalaking magkokontrol umano sa pagbaha.
Ngunit tila tinangay ng hangin ang pahayag na ito nang salantain ng bagyong Carina ang bansa ilang araw lamang matapos ang SONA. Patuloy na binabaha, lumulubog, at naghihirap ang mga Pilipino sa panahon ng sakuna.
Nasaan ang ipinangako at itinatag ng pangulo?
Sa Kalusugan
Inilahad din sa SONA ang iba’t-ibang karagdagang benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth, kabilang na ang karagdagang gamot para sa mga outpatient, partikular na ang mga gamot sa altapresyon, nerve pain, at epileptic seizures.
Ilan pa sa mga ito ay ang karagdagang benepisyo para sa mga malubhang sakit, gayundin ang pagtaas ng limit sa benepisyo para sa mga may breast cancer sa 1.4 milyong piso mula sa dating P100,000.
Naglunsad din ng mental health benefit package ang Philhealth para sa lahat ng miyembro nito. Ito ay magbibigay ng hindi bababa sa P9,000 sa kanila kada taon.
Sa kabila nito, walang nabanggit ang Pangulo tungkol sa pondong hindi nagamit ng Philhealth na umaabot sa halagang 89.9 bilyong piso.
Noong Abril, iniutos ng Department of Finance (DOF) na ibalik ng Philhealth at ng iba pang ahensya ng gobyerno ang mga hindi nagamit na pondo—na labis namang tinutulan ng mga grupo ng mga manggagawang medikal sa pangunguna ng mga doktor mula sa Asia Pacific Center for Evidence-Based Healthcare at Philippine College of Physicians (PCP).
Iminungkahi nilang dapat itong gamitin sa karagdagang benepisyo at pagpapababa ng kontribusyon sa Philhealth na kasalukuyan ay nasa 5%.
Sa War on Drugs
Nasaklaw rin ang kampanya ng administrasyon kontra droga kung saan iginiit ng Pangulo na mananatiling “bloodless” ang kanilang paglaban sa ipinagbabawal na gamot. Taliwas ito sa naging pamamalakad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit batay sa Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center, nakapagtala na ng 701 na pagpatay kaugnay sa laban kontra droga simula nang umupo ang Pangulo sa pwesto—salungat sa pahayag at pangako ng pangulo.
Sa West Philippine Sea at POGO
Labis namang pinalakpakan ang pahayag ng presidente tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kaugnay sa isyu ng WPS, iginiit ng pangulo na hindi maaaring sumuko ang Pilipinas sa pagprotekta sa teritoryo. Ayon sa kanya, "Ang West Philippine Sea ay hindi isang kathang-isip natin lamang. Ito ay atin. At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating mahal na bansang Pilipinas."
Nagtapos naman ang SONA sa kanyang anunsyo sa opisyal na pagpapasara at pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa—legal man o hindi. Iniutos niya sa PAGCOR na maipatupad ito hanggang matapos ang taon. Hindi man nabanggit sa SONA, kinumpirma naman ng Malacañang na kabilang sa ‘POGO Ban’ ang Internet Gaming Licenses.
Sa Kabuuan
May mga nagawa, nasimulan, at mga pagkukulang ang administrasyon ni BBM. Maraming pangako ang nagsimula nang mabuo; ngunit marami ring pangako ang nananatiling nakapako.
Kaya naman, patuloy na dudumugin ng libo-libong Pilipino ang SONA bitbit ang kani-kanilang mga panawagan hanggang sila ay tuluyang pakinggan, pahalagahan sa kanilang mga karapatan, at itaas sa kanilang mga kalagayan at estado sa lipunan.
Artikulo: Laica Macuha
Grapiks: Aldreich Pascual
Comments