Sa huling buwan at huling araw,
huling pilas na rin ni nanay sa talaarawang bigay sa amin ng panaderya ni Aling Gloria.
Noong Enero, sabik akong buklatin ang naka-rolyong bagong imprenta na kalendaryo.
Lumipas ang mga buwan, labindalawa na pala ang bilang ng mga ito.
Buong tao'y pumapasok kami sa eskwela, ni hindi nga ramdam ang iilang buwang pahinga.
Si nanay nama’y minsanan lang umuwi ng bahay, higit pa nga ang bilang ng mga naipasa kong takda kaysa pag-uwi niya sa amin.
Labindalawa ang buwan, pero limang beses lang kaming pumilas sa kalendaryo,
dahil madalas, nakakaligtaan naming tapos na pala ang ikot ng tatlumpung araw --
o hindi kaya dahil, madalas, wala lang talagang tao rito sa bahay.
Tanda ko pa dati noong ako'y nasa elementarya,
bibilugan ko ng pudpod nang lapis ang mahahalagang mga araw --
kaarawan, pampamilyang pagtitipon, gawain sa eskwela,
at iba pang kaganapan na naging mistulang diary ko na ang talá ng mga petsa.
Nasasabik gawing masapapel ang bawat pahina at minsa'y panapin sa kawali o panggatong sa pugon kapag naunanahan akong pumunit ni nanay.
Ito na ang huling araw ng huling taon.
Biglaang may maingay na kumatok sa geyt naming yari sa bakal —
Si Mang Mar pala na nagbigay ng pinamimigay nilang kalendaryo ng repair shop nila.
Sana bukas makumpleto na namin ang labindalawang pilas.
Artikulo: IJ Sarabia
Dibuho: Kurt Aguilar Mendez
Comments