Kontra-komersyalisasyon at pribatisasyon ng edukasyon, sa ilalim ng pagbabago ng saligang batas (charter change), ang naging sentro ng malawakang kilos-protesta ng mga alyansa ng kabataan at estudyanteng grupo ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) nitong Linggo, Pebrero 25 sa paggunita ng ika-38 na anibersaryo ng himagsikan ng People Power sa kahabaan ng EDSA.
(Photos by Romar Andrade & Jhon Laurence Eso/The Communicator)
Dahil sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa dalawang dekadang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986, nabuo ang kasalukuyang konstitusyon. Nililimitahan nito ang pagmamay-ari at kontrol ng pang-edukasyong mga institusyon sa mamamayang Pilipino.
38 taon ang nakalipas, sa ilalim ng pamumuno ng kaniyang anak, nagbabadyang mabago ang saligang batas para magbigay-daan umano sa “mas maluwag” na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Nilalayong rebisahin ng Resolution of Both Houses (RBH) 6 at 7 ng Senado at Kamara ang ilang mga artikulo sa 1987 Constitution na siyang magbubukas sa pambansang ekonomiya para sa mga dayuhang mamumuhunan sa ilang mga batayang sektor ng bansa. Kasama rito ang kasalukuyang kinokomersyalisang sektor ng edukasyon.
Batay sa Foreign Investments Act of 1991, kasalukuyang hindi dapat bababa sa 60% ng mga negosyo sa Pilipinas ang pagmamay-ari ng mga Pilipino at ang natirang porsyento ay maaaring pagmay-arian ng mga foreign investor. Ang pagbubukas ng ekonomiya sa mga dayuhan, sa ilalim ng cha-cha, ay maaaring humantong sa kabuuang pagmamay-ari ng mga ito sa pang-akademikong mga institusyon.
Harang sa Kalidad na Edukasyon
Ayon kay League of Filipino Students (LFS) deputy secretary-general Elle Buntag, pinagkakaitan ng pamahalaan ang mga mag-aaral na makamit ang dekalidad na edukasyon sa pamamagitan ng cha-cha dahil inaasa nito sa pribadong sektor ang pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon na dapat ay sinasagot ng pampublikong pagpopondo.
Aniya, mas paiigtingin ng cha-cha ang komersyalisasyon ng edukasyon sa bansa dahil katuwang ng mga dayuhang mamumuhunan ang lokal na mga korporasyon sa Pilipinas na kasalukuyan nang kinokomersyalisa ang ilan sa pampublikong mga pamantasan sa bansa.
Kung kinakaya ng lokal na mga korporasyon ang pagkokomersyalisa sa mga state universities ng Pilipinas, mas kakayanin umano itong komersyalisahin ng mga foreign investor na siyang mas may kakayahang magbuhos ng kapital sa pagpasok nila sa pambansang ekonomiya.
“Sa katangian ng bansa kung saan liberalized talaga ‘yung education natin at deregulated, magdo-dominate talaga ‘yung mga foreign corporations na may mas malalaking kapital sa education system natin,” ani Buntag.
Nitong Pebrero 21, kasama si Buntag sa mga naglunsad ng Movement Against Charter Change (Matcha) Youth Alliance sa Commission on Human Rights, UP Diliman. Ang alyansa ay isang inisyatibo ng mga progresibong grupo sa pagbuo ng malawak na pagkakaisa ng mga kabataan laban sa cha-cha.
Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, ang panukalang 100% foreign ownership sa mga educational institution ay hindi rin tinitiyak ang mas malawak na akses sa kalidad na edukasyon ng mga kabataang Pilipino.
Kung lubos na pagmamay-arian ng mga dayuhan ang ibang mga pamantasan sa Pilipinas, aniya, mamumuhunan ang mga ito nang mas mahal na kapital na magreresulta sa mas mataas na singil sa edukasyon.
Buhat nito, giniit niya na ang mga anak lamang raw umano ng mayayamang pamilya sa bansa ang magkakaroon ng kakayahang makapasok sa mga paaralang ito at hindi ang ordinaryong mga Pilipino.
Saad pa ng mambabatas, marami nang foreign investors ang nakapasok sa ekonomiya ng Pilipinas kahit wala pa ang panukala ng cha-cha ngunit hindi naman napabuti ang pambansang ekonomiya. Dahil ito, aniya, sa pagpapabaya sa pundamental na mga serbisyo sa loob ng bansa tulad ng agrikultura at pambansang industriya.
Dagdag ni Manuel, kinakailangan din baliktarin ang takbo ng income-generating projects na pilit pinapanukala ng estado sa mga state universities dahil nakikita umano sa kalakaran ng mga ito na mas tumataas ang badyet buhat ng komersyalisasyon kaysa sa sariling pondo ng mga pamantasan.
Hindi raw makatwiran na tawagin pang “state universities” ang mga institusyong ito kung darating ang panahon na hindi na direktang manggagaling sa gobyerno ang kanilang mga pondo.
Pag-alala sa EDSA
Maliban sa pagwawakas ng diktadurya, nagbigay-daan din ang 1987 Constitution ng mga probisyon na poprotekta sa ekonomiya ng Pilipinas, ani Manuel.
Nang lumaon, nadurog umano ang ilang mga probisyon na taga-protekta sana ng pambansang ekonomiya at ang ilang nanatiling matatag sa mga ito ay gustong ibasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—dahilan kung bakit nararapat na ipaglaban ang pagtutolcha-cha sa mismong komemorasyon ng People Power Revolution.
Ayon naman sa PUP College of Communication Student Council (COC SC), buhay ang diwa ng komemorasyon sa libo-libong mga lumahok sa protesta sa EDSA. Ani nito, magbibigay ganansya lamang ang mga probisyon ng cha-cha sa mga naghaharing uri dahil magbibigay ito sa kanila ng kapangyarihan upang lalong pagharian ang ekonomiya, pulitika, at kultura sa bansa.
“Ang araw-araw ay pakikibaka, ang araw-araw ay paggunita sa lahat ng hindi pangkaraniwang taong ibinuwis ang kanilang sariling buhay at inialay ang kanilang mga dugo upang ating matamasa ang kakarampot na kalayaang [mayroon] tayo ngayon. Buhay ang diwa ng EDSA dahil buhay ang alaala, galit, poot, at pag-asa ng masa,” pahayag ng konseho.
Lokal na Cha-cha
Maliban sa pambansang anyo, isang lokal na porma rin ng cha-cha ang umuugong sa Kamara para sa PUP matapos pagdebatehan noong Pebrero 12 sa House Committee on Higher and Technical Education ang tatlong panukalang batas na naglalayong amyendahin ang PUP charter.
Kolektibong tinatawag ang tatlong panukala bilang National Polytechnic University (NPU) bill dahil sa layunin nitong itaas ang estado ng pamantasan bilang nag-iisa at kauna-unahang pambansang politeknikong unibersidad sa Pilipinas.
Sa kabila ng mga protesta kontra-komersyalisayon at pribatisasyon ng mga serbisyo sa loob ng pamantasan, may mga probisyon sa mga panukala na magbibigay kapangyarihan sa administrasyon ng PUP na makapagpapasok ng joint ventures sa pamantasan. I-pi-pribatisa rin ng ilang probisyon ang pangangasiwa ng non-academic services sa unibersidad tulad ng kalusugan, pagkain, at mga gusali.
Tulad nang pagpapahintulot ng cha-cha sa lubusang foreign ownership sa sektor ng edukasyon, mariin ring tinututulan ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA) PUP ang mungkahi ng income-generating projects sa pamantasan sa pamamagitan ng pagpasok sa joint ventures.
Ito ay matapos ideklara ni Baguio City Representative at House plenary chairman Mark Go na dapat suportahan ng state universities and colleges (SUCs) ang pagsasagawa ng income-generating projects sa kanilang mga kampus upang tulungan ang gobyernong mapondohan ang kanilang mga serbisyo.
“Pinapatakas natin ‘yung government doon sa responsibility na sila dapat ang nagbibigay o tumutugon. ‘Pag umoo tayo na magkaroon ng income-generating projects, kung pipiliin ng university na magkaroon ng ganito, parang inaabswelto na natin ang government doon sa pag-mi-misprioritize nila ng budget,” ani SAMASA PUP chairperson Ronjay -C. Mendiola.
Noong Pebrero 22, inilantad ni PUP student regent Miss Kim Modelo ang kumakalat na manifesto para sa “unequivocal” o lubos na suporta sa batas na pinapapirma umano sa mga lider-estudyante ng ibang mga campus ng PUP.
Diin ni Modelo, may mga probisyon na nararapat suportahan sa naturang batas, tulad ng paglalaan nito ng P8 bilyong badyet sa pamantasan, ngunit nakabinbin pa rin sa loob ng panukala ang tahasang komersyalisasyon at pribatisasyon ng mga serbisyo sa loob ng institusyon.
“Manipestasyon iyang statement na iyan ng [huwad na people's initiative] ng Kamara para sa pagbabago ng Konstitusyon ng bansa. Kung tunay iyang students' statement, students dapat ang gumagaod ng mas maraming pirma para diyan at hindi dapat admin ang nagtutulak. Iyan ay huwad na manipesto ng pagsuporta. Iyan din ay manipestasyon ng admin intervention,” ani ng rehente.
Artikulo ni: Chris Burnet Ramos
Grapiks: Yuko Shimomura
Comments