top of page

PUP, iba’t ibang grupo, nagkaisa sa ika-160 na anibersaryo ni Andres Bonifacio

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sama-samang nagtipon ang hanay ng iba't ibang multi-sektoral na organisasyon kasama ang komunidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa paggunita ng ika-160th anibersaryo ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, Nobyembre 30, sa kalakhang Maynila.



Bitbit ang iba't ibang mga balatenggang nagpapaingay sa isyu ng sahod, trabaho at karapatan, sabay-sabay na nagmartsa ang mga progresibong grupo sa ganap na alas-otso ng umaga mula Kalaw Avenue patungong embahada ng US.


Kabilang sa hanay ang mga pang-masa at kultural na organisasyon sa loob ng PUP kagaya ng SAMASA PUP, Anakbayan PUP, Kabataan Partylist (KPL), League of Filipino Students (LFS), Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), Liga ng Kabataang Propagandista (LKP) at Panday Sining.


Sa kabila ng presensya ng kapulisan sa tapat ng embahada, nagpatuloy pa rin ang maikling programa na tumalakay sa mga pangunahing dinaranas ng manggagawang Pilipino na pinangunahan ng kinatawan ng LFS na si Elle Buntag.


Sa pahayag ni Debie Faigmani, Presidente ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU), "Sa Laguna mga kababayan, P479 ang sahod ng manggagawa. Obligado mag-overtime para sa ganoon, may dagdag sa kabuhayan para sa pamilya. Resulta po ito ng mga neoliberal na patakaran na ipinapatupad ng gobyerno na sadyang pumipigil para tumaas ang sahod ng mga manggagawa."


Isa rin ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa nagbigay sentimyento sa dinaranas ng mga manggagawa kung saan ay binigyang-diin ang pagbabasura sa kontraktwalisasyon.


"Nagpapatuloy din ang kontraktwalisasyon dahil na rin sa batas na DO 174 para manatiling kontraktwal at hindi mairegular ang manggagawa. Nagpapatuloy din ang harassment sa mga nag-oorganisa ng union at gustong magtayo ng union," dagdag pa ni Faigmani.


Kung susuriin ang mga datos ayon kay Faigmani, hindi pa umabot sa isang porsyento ang mga manggagawang may unyon na may collective bargaining agreement (CBA). Dagdag pa rito ang milyon-milyong manggagawa na hindi sumasapat ang sahod sa kanilang pangangailangan. Hindi natapos sa usaping manggagawa ang programa, kabilang rin sa mga panawagan ang usaping giyera sa Palestine, peace talks, at gender equality.


Samantala, mula embahada ng US, muling nagmartsa ang bulto ng mga progresibong grupo patungong Mendiola Peace Arch upang ipagpatuloy ang pangunahing programa.


Sinimulan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) president Atty. Luke Espiritu ang pagpuna sa kasalukuyang administrasyon kasabay ng pabulusok pataas ng presyo ng bilihin at ang epekto nito sa masa, dagdag pa ang panawagan ng umento sa sahod para sa mga manggagawang Pilipino.


Bilang kinatawan ng manggagawang kababaihan, inilahad naman ni Jacqueline Ruiz mula sa Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) ang mariing pagtutol nito sa walang tigil na paglabag sa kanilang karapatan. Binanggit niya na marami sa mga kababaihang manggagawa ang naaapektuhan sa patuloy na paglabag sa kanilang karapatang pantao at manggagawa.


Aniya, hindi na mabilang ang dami ng mga kababaihang manggagawang nagiging biktima ng pang-aabuso mula sa estado, sa loob man o labas ng kanilang mga lugar ng trabaho.


Kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 taong pagkakatatag ng Anakbayan, pinangunahan nito ang iba’t ibang balangay ng militanteng grupo sa pag-alala sa rebolusyong sinimulan ni Bonifacio at ang kahalagahan ng makabagong tipo nito sa kasalukuyan. Nagbigay din ang Anakbayan ng pagkilala sa lahat ng uri ng manggagawa at organisasyong nakiisa sa martsa.


“Nagpapatuloy ang mga kabataan na tumungo sa mga komunidad, sa mga pabrika, sa mga sakahan–mag-organisa ng mga magsasaka, manggagawa, maralita at ipagtagumpay ang kanilang mga karapatan hanggang sa magtagumpay ang pambansang demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba,” giit ni Anakbayan National Spokesperson Kate Almenzo.


Bilang pagtatapos ng programa, taas-kamaong inawit ng mga dumalo ang Internationale upang bigyang pugay ang patuloy na kadakilaan at katapangan ng pakikibaka sa sistemang mapang-api.


Artikulo: Jacob Baluyot

Grapiks: Yuko Shimomura

Comments


bottom of page