top of page
Writer's pictureThe Communicator

Protesta para prumotekta

Sa pamamagitan ng Boycott, Divestment and Sanctions (BDS) movement, patuloy ang pagkakapit-bisig bitbit ang mga panawagang palayain ang mga Palestinian at pilayan ang mga kompanyang sumusuporta umano sa isinasagawang genocide ng Israel sa Gaza sa pamamaraan ng hindi pagtangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga ito.



Anim na buwan na ang lumipas nang magsimula ang patuloy pa ring armadong sagupaan sa pagitan ng Israel at Hamas na kumitil sa buhay ng mahigit 30,960 Palestinians, karamihan ay bata at kababaihan.


Kung iisipin ay naging instrumento ang lahat sa gampaning ito ng Israel kasama na ang kakampi nitong mga imperyalistang bansa dahil sa mga produkto at serbisyong kalat sa buong mundo. Kaya naman mahalaga na alam natin kung alin sa mga kompanyang nakapaligid sa atin ang dapat ay sinisingil ng pananagutan.


Ilan sa mga kompanya at brand na sumusuporta sa Israel ay ang naglalakihang kompanya ng PUMA, Hewlett Packard Inc. (HP Inc.), Chevron, Caltex, Google, Amazon, Disney at marami pang iba. Kaugnay nito ay ang sarisaring protesta sa buong mundo na pinangunahan ng BDS National Committee (BNC), isang koalisyon sa Palestine na nagsusulong ng global BDS movement na sinimulan noong 2005.


Hindi rin nakaligtas sa boycott ang mga branch at franchise ng mga fast food chain ng imperyalistang US tulad ng McDonalds at Starbucks na matatagpuan dito sa Pilipinas. 


Naglabas ng impormasyon ang pamunuan ng McDonalds na sa bawat bansa ay mayroong iba’t iba itong “local franchise owner”, maging sa Muslim countries. Gayundin ang Starbucks na ipinahayag ang pagiging “non-political organization” nito at pagtanggi sa mga akusasyon na noon pa man ay walang basehan na pinopondohan nito ang kahit anong operasyon ng gobyerno o militar ng Israel.


Sa kabila nito, ayon sa McDonald’s CEO Chris Kempczinski, bumagsak sa 4% ang kanilang company shares at 3.4% sales growth, mas mababa sa nakalipas na tatlong taon. Ito ay kaugnay sa pagbibigay ng McDonald’s Israel ng mga free meal sa mga militar. 


Masisikmura mo pa kayang mag-crave for “much malaki, much juicier, and much crispier chicken” ng McDo at caramel macchiato ng Starbucks kung ilan ang mga ito sa sumusuporta sa ethnic cleansing ng mga Palestinian?


Ang simpleng pagtangkilik sa mga lokal na alternatibo ay malaking tulong na sa pagpilay sa mga kompanya na nagpapatakbo sa ekonomiya ng imperyalistang mga bansa. Ang genocide sa Palestine ay dokumentado ngunit marami pa rin ang itinatanggi ito. Kaya naman ang i-boycott ang mga sumusuporta rito ay ang paraan natin upang labanan ang “denialism” na nangyayari sa pandaigdigang isyung ito.


Ngunit hindi lang ang taumbayan ang dapat kumikilos. Dapat ang mga lider sa bawat sulok ng daigdig ang gumagawa ng paraan upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at katarungan sa buong mundo, pati na rin ang mga ahensya na dapat ay nasasandigan ng mga inaaping bansa. Ito ay upang wala nang kababaihan, musmos at sanggol pa ang magdusa sa kasakiman sa kapangyarihan ng iilan.


Artikulo: Roselle E. Ochobillo

Dibuho ni: Luke Perry Saycon

コメント


bottom of page