top of page

Pamanang Panawagan, Pinaugong sa Unang Araw sa Pamantasan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Hindi alintana ng mga mag-aaral ang init at ambon sa pagsalubong sa unang araw ng klase habang bitbit ang mga panawagan sa “First Day Fight” noong Setyembre 9. Bagamat simula pa lamang ng panuruang taon, pinaugong na ng mga Iskolar ng Bayan at organisasyon ang mga suliraning kay tagal na minana sa nakaraan tulad ng budget cuts, represyon sa pamamahayag, at mga danas ng minorya.



Taas-badyet sa pamantasan ang pangunahing panawagan ng mga mag-aaral bilang naapektuhan ng budget cut ang pamantasan. Matatandaang 3.4 bilyong piso lamang ang inilaan ng 2025 National Expenditure Program (NEP) para sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas kung saan 8 bilyong piso ang natapyas mula sa hiningi nitong 11 bilyong piso. Ito ay sa kabila ng kakulangan ng dekalidad na pasilidad at kaguruan, dagdag pa ang samot-saring isyung kinaharap ng bawat sektor sa loob at labas ng pamantasan.


Kinondena ni Lance Casuyon ng Defend PUP ang pagbibigay-halaga ng estado sa pagpopondo ng bilyon-bilyong intelligence funds habang maraming state universities and colleges (SUCs) ang naapektuhan ng malawakang budget cuts. Matatandaang naiulat na 4.37 bilyong pisong confidential funds at 5.92 bilyong pisong intelligence funds ang hinihingi ng administrasyong Marcos, ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman. 


Itinuturing rin ni Casuyon na isang pagsupil sa akademikong karapatan ang pangre-redtag at pag-udyok ni Sen. Bato dela Rosa na magsagawa ng profiling ng mga progresibong mag-aaral sa isang hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Agosto 6. Bukod pa rito ay ang panghihimasok ng pulis-militar sa pamantasan dala ng abrogasyon ng PUP-DND Accord.


“Kailan pa naging mali ang pagsasalita? Kailan pa naging terorismo ang paghahangad ng karapatan?” ani Casuyon.


Tinalakay naman ni Pearl Micah Arceo ng Rise for Education (R4E) ang Architectural Qualifying Examination (AQE) na isang retention policy sa mga mag-aaral ng BS Architecture ng College of Architecture, Design, and the Built Environment (CADBE) sa kanilang ikalawang taon sa kolehiyo. Ayon kay Arceo, marapat na bigyang-rebyu ang AQE na kanilang itinuturing bilang “pagbabawas ng estudyante” dahil sa maraming mag-aaral na hindi nakakatuntong sa ikatlong taon.


Kalayaan sa pamamahayag at paghahayag


Ikinababahala ng mga kabataang mamamahayag at artista ang maraming kaso ng pagkitil sa ekspresyon at press freedom. Ayon kay Jacob Baluyot ng Alyansa ng mga Kabataang Mamamahayag (AKM) ng PUP, naiulat ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang 206 kaso ng press freedom violations sa mga kampus-pahayagan sa buong bansa.


Kamakailan lamang ay pumutok ang isyu ng admin intervention sa pahayagang Tanglaw ng PUP Sta. Rosa Campus kung saan ipina-take down ng campus administration ang isang kolum tungkol sa mababang partisipasyon ng mga mag-aaral sa paparating na Student Council Elections (SCE) at isinailalim sa interogasyon. 


Dagdag pa rito ang panawagan ng AKM na dagdag-pondo sa edukasyon para sa pagsigla ng mga diyaryo, pagkakapasa sa Campus Press Freedom Bill na layong protektahan ang mga publikasyon mula sa censorship at withholding of funds, pati na rin ang pag-papaabot ng mga institusyon ng legal assistance sa mga mamamahayag na biktima ng mga pag-atake.


“Hindi makatarungan ang patuloy na pagsupil sa kalayaang lumikha ng sining na magsisiwalat sa katotohanan at magmumulat sa bayan,” pahayag ni Kleah Mariquit ng Liga ng Kabataang Propagandista (LKP) ukol sa mga sensura laban sa mga filmmaker. 


Alinsunod ito sa nakuhang X-rating ng “Alipato at Muog” ni JL Burgos mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na kalauna’y nai-apelang maging R-16. Sinusundan ng dokumentaryong ito ang paghahanap ng nawawalang aktibistang si Jonas Burgos. Kinekwestiyon rin ng LKP ang pagkansela sa screenings ng “Lost Sabungeros” ng GMA Public Affairs sa Cinemalaya Independent Film Festival dahil umano sa “security concerns.


Karapatan sa kanayunan at kalikasan


Habang naghihintay pa rin ng suporta ng estado sa 10 milyong pisong danyos na dulot ng El Niño, inilarawan ni Alex Moralde ng NNARA Youth – PUP CSSD ang pagharap ng mga magsasaka sa mga napinsalang sakahan at pananim sa paghagupit ng Bagyong Enteng at Habagat.


Lalong nagpapalala sa mga baha sa kalakhang Luzon ang mga minahan at dam na itinatayo sa Sierra Madre at iba pang lugar, ayon kay Alexis Cabolis ng Agham Youth. Dagdag pa ni Cabolis, inilalantad nito ang kapalpakan ng gobyerno sa disaster risk reduction.


“Ngayong Setyembre ay sasalubungin natin ang UN Climate Change Convention para patuloy na ipaglaban ang ating laban sa reklamasyon, iligal at mapanirang pagmimina, enforced disappearances, at ang pag-demand ng accountability sa Global North,” ani Cabolis.


Ginagamit umanong instrumento ng estado ang batas para busalan ang mga environmental defender, ayon kay Xander John Razon Roque ng Katribu-PUP. Isang prominenteng kaso kamakailan ay ang umano’y trumped-up charges laban kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. France Castro, former Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, mga aktibista, at Lumad teachers matapos ang isinagawang rescue mission ng mga mag-aaral na Lumad sa Talaingod, Davao del Norte.


Isa pang kasong nabanggit ni Roque ay ang pagbansag ng Anti-Terrorism Council ng “terorista” sa apat na lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA), isang organisasyong tumutuligsa sa mga panghihimasok sa kanilang lupang ninuno.


Ipinanawagan rin ng mga PUPian ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill, demilitarisasyon ng West Philippine Sea, at pagtutol sa Mandatory ROTC.


Artikulo: Mary Rose Maligmat

Comments


bottom of page