top of page
Writer's pictureThe Communicator

Pagyakap sa Pagbabago: Ang Pangarap Kong Tahanan

Kalabog ng kaldero, pagbagsak ng babasaging plato, mga bulyaw at samu’t saring sermonmula pagkabata, lagi akong pinagsasabihan ng aking inay na “Manahimik!”. Hindi ito resulta ng kapilyuhan o sobrang kalikutan, kundi isang paraan upang makaiwas sa nagbabadyang karahasan sa loob mismo ng tahanan.



Sa pagtanda, namulat ako sa mga posibilidad at mga bagay na hindi ko kailanman ninais. Hanggang isang araw, napagtanto kong ang lahat ng iyon ay bahagi ng aming madilim na nakaraan. At ngayong ako ay mulat na, nais kong makabuo ng pangarap kong tahanan, pagtahan na nais kong maranasan.


Tahanang puno ng musika


Madalas man ako patahimikin noon, mahilig ako sumabay sa indayog at himig ng mga melodiya. Kung tutuusin, malaking bahagi na ito ng aking buhay. Kaya sa pagbuo ko ng pangarap kong tahanan, nais kong mapuno ito ng makabuluhan at masasayang musika.


“Huwag kang matakot 

Dahil ang buhay mo'y walang katapusan

Makapangyarihan ang pag-ibig

Na hawak mo sa 'yong kamay”


Sa totoo lang, ang paborito kong kanta ay 'Huwag Kang Matakot' ng Eraserheads, kaya't madalas ko itong pinakikinggan, isang paraan upang mangalap ng lakas at tapang sa tuwing ako'y nanghihina at nilalamon ng takot. Madalas man busalan ang aking bibig noon, may isang bahagi sa akin na hindi kayang pigilin ang pagsabay sa indayog at himig ng mga melodiya. Parang nananalaytay na nga sa aking pagkatao, kaya't sa pagbuo ng pangarap kong tahanan, nais kong mapuno ito ng makulay at masayang musika—ang musikang nagbigay saysay sa aking buhay.


Sa aking pakikinig, bahagya kong hininaan ang tugtog at pinalitan ng ugong ng balita sa telebisyon ng aming kapitbahay, “House Bill No. 9349 is approved on third and final reading.” Pagkagulat at pagkatuwa ang nadama nang mapagtanto kong ang matagal na isinusulong at inilalaban ng iba’t ibang organisasyon para sa karapatan ng mga kababaihan ay dahan-dahan nang maisasakatuparan. 


Matibay ang pundasyon at sistema


Marami akong ninanais at gustong mailagay sa pangarap kong tahanan. Bantay sarado sa akin ang kalendaryo dahil gusto kong binibigyan ng deadline ang sarili ko. Sa araw na ito, muli na naman akong maglalagay ng ekis sa talaan ng mga araw. At napansin kong Disyembre 12 na—muli na namang namarkahan ang pagtatapos ng 18-day Campaign Period na naglalayong wakasan ang Violence Against Women and Children (VAWC).


Sa pangarap kong tahanan, hindi lang matibay na haligi ang kailangan. Ayokong muling maranasan ang pagbabasag ng mga pinggan, masasakit na salitang tumatagos hanggang buto, at ang marahas na pagtira sa kalamnan na nag-iiwan ng sugat na hindi madaling maghilom. 


Sa pangarap kong tahanan, hindi lang makabagong kagamitan tulad ng water dispenser, malambot na upuan, o di kaya’y mga aparador ang hinihiling ko, nais ko rin ng maayos na sistema. Sa paghahanap ko ng mga maaari kong bilhin sa marketplace, dumaan sa aking newsfeed ang isang post. 


“Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), isa sa bawat apat na Pilipinang may edad 15–49 ang nakararanas ng pisikal, emosyonal, o sekswal na karahasan mula sa kanilang mga asawa o partner.”


Muli na namang bumabalik ang mga alaala ng nakaraan, mga pangyayaring hindi ko na nanaising makapasok pa sa binubuo kong tahanan.


Sa pagbuo ko ng aking hinaharap, naniniwala na akong may mga sugat na hindi kayang hilumin ng pananahimik at pagpapatawad. Pakikibaka, pagsulong, at pagbabago, ‘yan ang pangunahing nararapat at kailangan ng Inang Bayan ko.


Masaya at masigla


Ano pa bang natitira?


Marami talaga akong gustong materyal na bagay at disenyo ng aking bahay. Ngunit walang tutumbas sa saya at sigla na hinahanap ko sa ilaw ng aking magiging tahanan. Tila ba pundi at pakislap-kislap kasi ang nakasanayan ko dahil madalas siyang inaabuso—palaging ginagamit kahit hindi naman dapat, hindi pinagpapahinga, laging inaalipusta, at pinagbubuhatan ng kamay. Sa totoo lang, labis akong nasasaktan sa tuwing ito’y nangyayari dahil lagi akong pinapatahimik ng ilaw sa amin.


Nais ko ng tahanan na aking mababalik-balikan. Tahanang naninirahan lamang ang pag-ibig at kasiyahan. Tahanang hindi lang basta tahimik, ngunit payapa.


Sabi ni Nanay, laging manahimiksa aking pagtanda, ngayon lang ako nagkaroon ng kumpiyansang magsabi na kaya nating makamit ang tunay na katahimikan at ang kapayapaan kapag tayo'y nakikibaka at lumalaban sa tama at nararapat tungo sa pagtayo ng pangarap nating tahanan. 


Artikulo: King David Manghi

Grapiks: Alyssa San Diego

Comments


bottom of page