top of page

Pagbabalik Sigla sa Entablado

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa pag-usbong ng malawakang epektong dulot ng pandemya, labis na naapektuhan ang buhay nina Juan at Maria sa mga dalang panganib nito. Hindi lamang seguridad sa kalusugan ang ninakaw sa kanila; ninakaw rin nito ang pagkakataon nilang ipamalas ang kanilang sarili—sumigaw, umindak, at sumabay sa indayog ng musika mula sa mga personalidad na labis nilang tinitingala’t kinagigiliwan. Dahil dito'y tila nagkaroon ng pagitan sa isa’t isa. Kasabay ng mga pagbabago sa buhay ay ang unti-unting pagpatay ng mga ilaw sa entablado na pinagtatanghalan ng mga panauhing sinusuportahan ng mga Pinoy.

Kadalasan, ang pagdilim at pagkawala ng nagkikinangang mga ilaw sa entablado ay simbolo ng pansamantalang pagtatapos ng isang konsyerto. Ngunit ilang taon na rin ang lumipas at hindi pa rin nabubuksang muli ang mga nakasisilaw na ilaw. Masisilayan at mararanasan pa kaya itong muli ni Maria’t Juan?


Sa dalawang taong pakikipagsagupaan ng mga frontliners laban sa kalabang hindi nakikita, ramdam na natin kahit papaano ang bunga nito— unti-unti nang nanunumbalik at muli nang sumisindi ang pinakaaasam na ilaw sa gitna ng entablado.


Mula sa mga hinahangaang Western bands at K-Pop groups, unti-unting nagbabalik ang tila ba naupos na siglang pinipilahan ng mga masugid na tagahanga. Mula noon at magpahanggang ngayon, mainit ang pagyakap at pagtanggap ng mga Pilipino hindi lamang sa produktong banyaga, kundi maging ang hatid nilang sining at musika. Patunay na rito ang malaking populasyon ng mga Pilipinong kabilang sa milyon-milyong tagahanga ng iba’t ibang international bands at artists.

Isa sa mga pinaka-inaabangan ay ang mga concert ng iilang mga banda. Kadalasa’y pagtatanghal ng mga international artists ang pinipilahan dahil para kay Juan at Maria, ang makita ang kanilang idolo na nagtatanghal ay isang mailap na pagkakataon, kaya hindi ito dapat palampasin. Tampok sa kaganapang ito ang ilang oras na pagtatanghal kung saan tinatampok ng mga artist ang kanilang orihinal na musika at sayaw. Subalit ang pagkakataong ito ay hindi lamang para sa idolo ng mga Pilipino; kaugnay din nito pakikisalamuha sa mga kapwa nilang panatiko’t tagahanga.

Liwanag at pag-asa—ilan lamang sa mga benepisyong natatanggap ng mga taga-hanga mula sa kanilang idolo, na naipararating sa tulong ng musika’t pagtatanghal. Kaya naman, ang bihirang pagdaraos ng konsyerto ay isang kaganapang hindi nila pinalalampas.


Isa si Mark Aigee Dondan, 19, sa aming nakapanayam ukol sa kanyang karanasan sa muling pagbabalik ng mga concert sa Pilipinas, paglipas ng dalawang taong pananahimik ng entabladong dapat sana’y puno ng kasiyahan at hiyawan.

“Sobrang saya ko noong nalaman ko na bukas na ulit ang Pilipinas sa mga foreign artists para magsagawa ng concert. Kaso sobrang biglaan din kasi sunod-sunod ‘yung mga paborito kong artists,” lahad niya.


Ayon kay Dondan, nagkaroon siya ng pagkakataong maranasang makapanood ng concert sa ginanap na Kpopmasterz concert noong July 29 sa Mall of Asia Arena kung saan naroon ang paborito niyang K-pop group na ‘TREASURE.' Kwento niya pa, isa sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang concert journey ay ang pagbili mismo ng ticket.

Sa kabila nito, sulit at hindi matatawaran ang tinatawag ng ibang ‘once in a blue moon’ na pagkakataon na naranasan niya sa loob ng bulwagang puno ng mga taong katulad niya ang hilig at interes—ang sumayaw at umawit sa musikang nagsilbing kanilang kubli sa kani-kanilang karanasan sa labas ng Arena.

“When the concert started, grabe ‘yung crowd. Makukumpara mo talaga sa mga concert sa ibang bansa ang concert sa Pilipinas dahil sa hiyawan ng mga tao. Personally, hindi ko na marinig na nagsasalita ‘yung mga artists sa sobrang lakas ng sigaw nila. Wala ring fanchant na nangyari dahil kinanta lahat ng fans ‘yung buong kanta. Ramdam na ramdam mo kung gaano ka-miss ng mga Pinoy ang concerts." aniya.


Samantala, si Norlyn Gayle Cuico naman ay nagkaroon ng pagkakataong makitang magtanghal ang kanyang hinahangaan na si Louis Tomlinson, na ayon kay Norlyn ay matagal niya ng gustong makita.


Ayon sa kanya, masaya siyang nalaman na may world tour ang kaniyang idolo matapos ang limang taong hindi niya ito nakita. Kasabay ng kanyang pagkasabik ay ang kaba dahil sa biglaang anunsyo at ang pangamba noong simula na baka hindi siya makapunta sa pagtatanghal nito.


Hindi dahil natapos na ang concert ay tapos na rin ang mga tagahanga sa pagkaramdam ng labis na saya. Ayon kay Cuico, siya ay isa sa mga nakaranas ng Post-Concert Depression (PCD). Sa labis na paghanga niya kay Louis, isang linggo niya itong iniyakan dahil sa labis na pagkasabik niya rito at sa mga taong nakasama niya noong gabing iyon.


“Talaga palang malulungkot ka after concert kasi you won’t have anything na i-lo-look forward mo after the event. Ayun lang, it was such a good experience and I would relive it again in a heartbeat.” ani Cuico bilang pagtatapos ng kaniyang salaysay ukol sa kanyang naging karanasan.


Sa muling pagbubukas ng mga ilaw sa entablado ay unti-unti ring nagising ang nag-aalab na damdamin ng mga tagahangang umaasang makita ang kanilang idolo sa entablado; habang ang mga nanonood ay tila walang pagod sa pagsigaw, pagtili, pag-awit, upang maipakita ang suporta. Ang panahon at pagkakataon na ninakaw ng pandemya ay unti-unting nanumbalik at muling naiparamdam kina Maria’t Juan ang saya sa bawat hagikgik at pag-indayog sa mga musikang dala ng mga personalidad na kanilang tinitingala. Artikulo: Gerie Consolacion at Khengie Hallig

Graphics: Kayceline Alfonso



Comments


bottom of page