Isang balita ang bumulaga sa bansa matapos na matagpuang patay ang isang estudyanteng halos isang linggong hinanap ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Sa isang bakanteng lote natapos ang kaniyang buhay, at dito rin natagpuan ang masangsang na katotohanan sa likod ng mga grupong tinatawag na "kapatiran".
Ang estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig ay isa lamang sa mga nakaranas ng hazing na nauwi sa kamatayan. Ayon sa mga awtoridad, "severe blunt force trauma to the lower extremities" ang ikinamatay ni Salilig. Subalit matapos malugatan ng hininga ang itinuturing nilang "bro", sinimulan ng kaniyang mga kasama na maghukay ng magiging libingan nito–ito ba ang tunay na depinisyon ng "kapatiran"? Ang kaso ni Salilig ay isa lamang sa mga naging kaso ng bayolenteng kultura ng fraternities o mga kapatiran. Si Ronnel Baguio, miyembro ng kaparehong fraternity na Tau Gamma Phi, ay namatay rin sa kamay ng kaniyang mga tinuturing na kapatid matapos sumailalim sa kaparehas na initiation rites. Noong 2019 ay umugong din ang balita ng pagkamatay ni Darwin Dormitorio, isang kadete ng Philippine Military Academy. Bagaman walang koneksyon sa anumang fraternity, nalagutan ito ng hininga dahil sa paulit-ulit na pananakit ng mga kapwa niya kadete. Magkakaiba man ang sangkot na mga grupo o fraternity, pare-parehas pa rin ang paraan at resulta ng bayolenteng gawi nito–kamatayan. Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP), limang insidente ng hazing ang naitala ng kanilang ahensya nitong 2022 at 10 naman noong 2021. Samantala, umabot naman ito ng 30 mga kaso noong 2018. Ang bayolenteng kultura at kaharasan ay walang puwang sa loob ng bawat pamantasan, ang mga kasong katulad ng kay Salilig ay hindi na dapat pa madagdagan. Patunay rin ang kaso ni Mark Welson Chua, ROTC cadet ng University of Santo Tomas noong 2001, na ang kaharasang dulot ng hazing, korapsyon, at pang-aabuso ay walang pinag-iba sa usapin ng Reserve Training Officers Training Corps (ROTC) program. Ang panawagang ibasura at tutulan ang nakatakdang pagbuhay muli sa ROTC ay mas naging malinaw simula nang lumutang ang kaso ni Salilig. Hanggang ngayon ay mahirap pa rin maunawaan kung bakit kailangan ng sakit at pahirap upang matawag kang kapatid o kasama sa itinatayong kapatiran. Marahil kagaya nga ng sinabi ng isa sa mga suspek sa kaso ni Salilig, ito ay dahil sa "tradisyon" at mas inilalapit sila sa isa’t isa dahil iisang "paghihirap" ang kanilang nararanasan. Gayunpaman, nagiging iba ang usapin kapag ang mga taong gusto mong mapalapit sayo ay sila mismong gumagawa ng ikapapahamak, ikamamatay, at ikasasakit mo, pisikal man o kahit sa anong aspeto. Nakita na natin kung paano ipagbawal ng mga unibersidad ang fraternities at sororities, ngunit hindi nito nasisiguro na walang magbabalak na mag-organisa at sumali sa mga ito. Gayundin ang 2018 Anti-Hazing Act na bagaman may malupit na mga probisyon ay hindi pa rin sapat upang mapigilan ang kultura ng kaharasan na isinasagawa ng mga grupong ito. Bunsod nito, mas kinakailangang repasuhin ng gobyerno ang naturang batas at itama ang mga pagkakamali rito nang sa gayon ay mabigyan ng mas karapat-dapat na hustisya ang mga nawala at nawalan. Karapatan nating mag-organisa ngunit may kalayaan at oportunidad din tayong mag-isip at tigilan ang kultura ng kaharasan. Ang "tradisyon" ng karahasan sa likod ng mga kapatiran ay hindi dapat ipinapamana sa susunod na henerasyon ng mga kabataan ng bayan. Dibuho ni: Haui Sacay
Comments