top of page

OPINYON | PNP: Panggulo ng Programa

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Ang Tulong Kabataan - Sta. Mesa (TKSM) ay nagsagawa ng programa noong Linggo, ika-11 ng Disyembre, bilang pakikiisa sa National Children’s Month. Ang mga residente mula sa Valencia St., Sta. Mesa, Manila ang dumalo sa nasabing programa. Sila ay mga biktima ng sunog sa kanilang komunidad at kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation center.



Tila nainggit ang mga kasapi ng kapulisan sa programang pinangunahan ng mga kabataan nang harasin ito ng mga armadong tauhan ng Philippine National Police (PNP). Ang mapayapa sanang pagdaraos ng programa ay napalitan ng takot at pangamba matapos nilang ipatanggal ang sound system, tents, at event banners. Ito ay dahil umano'y “subersibo” ang nilalaman ng mga ipinamamahaging module sa mga bata. Taliwas sa kanilang sinasabi, ang mga gamit ng mga organizers ay tanging mga coloring activity and science modyul lamang.


Mga pulis na may baril sa isang programa para sa mga bata? Kahit saang anggulo mo ito tingnan, ito ay hindi naaayon. Hindi maikakaila ang nakatatakot nilang presensya lalo pa’t may dala silang mga armas na hindi naman akma sa inisyatibong ang pangunahing layunin ay turuan ang mga batang kasalukuyang hindi pa makapasok sa paaralan.


Bukod pa rito, hindi kinilala ng mga kapulisan ang permit galing sa Barangay 636 at maging ang pakikiusap ng barangay chairman. Tila napakataas ng tingin nila sa kanilang hanay kahit na baluktot ang sistemang umiiral dito.


Hindi na nakagugulat ang panggugulong ginawa ng mga kapulisan sapagkat marami nang pagkakataon na ito ay kanilang isinagawa. Halimbawa ay ang pambobomba nila ng tubig sa isang mapayapang pagprotesta laban sa maruming halalan noong Mayo 2022, kung saan isang PUPian ang nasugatan matapos itong hatakin ng isang pulis. Dagdag pa rito ay ang kanilang walang habas na pagbaklas sa mga kubol ng mga manggagawa sa Manila Harbor Center.


Nakalulungkot na ang panggugulong ginawa nila sa mga mapayapang protesta ng iba’t ibang organisasyon ay ibinaba nila sa isang programa para sa mga bata. Ang pangha-harass na ito ay kinundena ng iba’t ibang progresibong grupo. Iginiit ng SAMASA PUP COC na kasahulan ang ginawa ng mga pulis matapos nitong guluhin at intimidahin ang mapayapang programa. Sinusugan naman ito ng Anakbayan PUP COC na nagsabing ipinakikita lamang ng mga kapulisan na kahit ang isang pagdiriwang para sa mga bata ay hindi nila palalampasin.


Ang mga kapulisan ang dapat na kasangga ng sambayanan upang mapangalagaan at maproteksyunan ang kanilang mga karapatan. Ngunit ang tungkuling ito ay tila naiiba sa kung ano ang kanilang ginagawa ngayon dahil sila ay nagiging bahagi na nang malaking makinarya na ginagamit ng mga naghaharing uri upang ipalaganap ang kanilang mga pansariling interes. Matatandaan na sangkot din ang mga pulis sa ‘di makatarungan at malawakang laban kontra droga na pangunahing programa ng administrasyong Duterte, na umani ng iba’t ibang kritisismo dahil sa bunga nitong kaliwa't kanang inhustisya at pagpatay sa libo-libong biktima.


Sa kasalukuyang panahon kung saan humaharap sa mabigat na dagok ang sektor ng edukasyon—na mas lalong pinahirap ng pandemya, bagong kalihim ng DepEd, at bagong administrasyon—marapat lamang na suportahan ang mga programang makatutulong upang ibaba ang pagtuturo sa klase sa mga komunidad, dahil hindi naman lahat ay may sapat na kakayahan upang bumalik sa paaralan.


Bukod sa panawagan para sa ligtas na pagbabalik eskwela, dapat din nating palakasin ang panawagan upang wakasan na ang kultura ng red-tagging sa bansa. Hindi ito katanggap-tanggap dahil ang isinagawang programa ng TKSM ay para rin naman tapalan ang malaking pagkukulang ng gobyerno sa pagbibigay ng solusyon sa mga isyung kinahaharap ng lipunan.


Artikulo: James I. Lanquino

Dibuho ni: Randzmar Longcop


Commentaires


bottom of page