"Pasko na naman, o kay tulin ng araw~"
Sa loob ng 365 araw na mayroon ang isang taon, ang Pasko marahil ang pinakapinaghahandaan ng mga Pilipino. Sa araw na ito, muling nagtitipon-tipon ang buong pamilya at nagkakaroon ng mala-pistang selebrasyon. Kilala ang Paskong Pilipino sa buong mundo bilang isa sa may mga pinakamasasaya’t pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Tuwing Disyembre 25 ay ginugunita ng mga Pilipino ang kapanganakan ni Hesukristo, ang bugtong na Anak ng Diyos. Idinaraos ng mga Pilipino ang Kapaskuhan nang buong kasaganahan at punung-puno ng mayayamang tradisyon at kaugaliang katangi-tanging Pinoy.
Kasabay ng pagpasok ng "-ber" months ay ang pagliwanag ng mga kalsada dahil sa Christmas lights ng mga kabahayan. Pila-pila, sunod-sunod, at hile-hilerang kabahayan ang nagsisimulang magsabit ng mga dekorasyon tulad ng mga parol at pailaw na talaga namang makapagpaparamdam sa bawat isa na malapit na ang Pasko. Angat sa iba ang Paskong Pinoy sapagka't ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas ay pormal na nagsisimula tuwing ika-16 ng Disyembre, ang unang araw sa siyam na araw ng Simbang Gabi. Dumadalo sa taunang Misa de Gallo ang magkakamag-anak at magkakaibigan, sabay bili ng puto-bumbong at bibingka pagkatapos ng misa. Dagdag pa sa magagandang kaganapan tuwing Kapaskuhan sa Pilipinas ay ang all-out Christmas carol, kung saan nagbabahay-bahay ang mga nangangaroling upang umawit at humingi ng aguinaldo. Ang selebrasyon ng Kapaskuhan sa bansa ay nagtutuloy-tuloy hanggang sa unang Linggo ng Enero, ang Kapistahan ng Tatlong Hari.
Ngunit ano na nga ba ang estado ng Paskong Pinoy ngayong kumakaharap tayo sa krisis pang-ekonomiya? Sa likod ng maniningning na ngiti ng ating mga kababayan ay ang pagbutas sa kanilang mga bulsa dahil sa halos araw-araw na pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Totoo, resilient at madiskarte ang mga Pinoy. Kaya nilang humanap ng paraan upang magkaroon ng ihahanda sa Noche Buena at sa mismong araw ng Pasko. Subalit hindi ito dahilan upang inormalisa na lang ang pagtitiis na ito. Isang malaking isyu at toksikong pag-iisip ang pagromantisa sa kakayahan ng mga Pilipino na magbanat at dumiskarte.
Kamakailan lang ay kumalat ang "suhestiyon" ng Department of Trade and Industry (DTI) sa social media kung paano pagkakasyahin ang ₱500 para sa panghanda sa paparating na Pasko. Naglalaman ang suhestiyon ng mga rekado para sa spaghetti at fruit salad.
Narito ang breakdown ayon sa Facebook post ni Nico Waje:
¼ kilo ng giniling - ₱70
Pasta and Sauce bundle - ₱110
Keso (200g) - ₱46
Ham (500g) - ₱66
Loaf bread - ₱55
Fruit cocktail - ₱102
Condensed milk - ₱47
Ang lahat ng ito ay nagkakahalaga ng ₱496. Magaling. Kasyang-kasya nga ang ₱500, may sukli ka pa pambiling kendi.
Nakatanggap ng mga negatibong reaksyon ang suhestiyon na ito mula sa netizens. Marami ang nadismaya at naurat sapagkat ayon sa mga kritiko sa social media, ang halaga ay hindi sapat para sa isang pamilyang Pilipino dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Naglabas naman ang DTI ng statement matapos makatanggap ng pambabatikos mula sa mga naghihikahos na netizens. Umapila si DTI Undersecretary Ruth Castelo at sinabing isa raw itong “sincere effort” mula sa departamento.
“Marami po talagang nagbatikos, na sana naiintindihan nila, sana hindi nila t-in-ake as insulto or panloloko. Sana po hindi ganoon because it is a sincere effort on the part of DTI consumer protection na bigyan natin ng advice ang consumers, ang mga mamimili at kami rin po ang nakakakita sa ground dahil kami nga ang nagmo-monitor at nag-e-enforce. Alam namin ang nangyayari at alam natin kung gaano na hindi po lahat ng tao ay sagana,” saad ni Castelo sa The Mangahas Interviews.
Ngunit kung titignan sa mas malawak at kritikal na perspektibo, iniinsulto at niroromantisa nito ang "at least mayroon, kaysa wala" na ugali ng mga Pilipino. Walang sinuman ang dapat na nagtitiis lang sa kakarampot na pagkain sa kada araw—lalong higit sa isang mahalaga at tradisyonal na gunitain. Hindi dapat inaabuso at sinasanay sa "pwede na 'yan" ang pamilyang buong taong naghihikahos para lamang may maihain sa hapag-kainan. Gaya ng maraming bagay, ang ganitong pag-iisip at pag-uugali ay pulitikal. Ito ay bunga ng inkompetensya ng mga namumuno; at ng mahabang panahon at paulit-ulit na pagluklok ng mga tao sa mga hindi kwalipikado at makasariling pulitiko. Totoo, hindi natin kalaban ang isa't isa. Nasa kamay ng mga pinagkatiwalaan at niluklok ng mamamayan ang kapangyarihan upang baguhin ang estado ng buhay ng kaniyang nasasakupan. Trabaho at obligasyon ng isang lider na siguruhing napabubuti ang buhay ng kaniyang pinagsisilbihan. Ngunit sa unang anim na buwan mula nang maupo ang bagong Presidente, ang malala ay may ilalala pa pala.
Nakakahiya ang administrasyong ito. Makapal ang balat at nagagawa pang unahin ang mga walang kwentang bagay bago maghain ng solusyon sa mga problemang nasa harap na nila. Isang buwaya na bulag at bingi sa hinaing ng iba. Isang tigreng sakim at abusado na gumagatas sa paghihirap ng iba upang tugunan ang pansarili lamang na interes. Ang kanang kamay nitong may kamay raw na bakal, ay wala ring integridad. Ang sekretarya ng Kagawaran ng Edukasyon, ang pinagkakaabalahan at iniraratsada ay ang militarisasyon sa loob ng mga paaralan. Hindi ba dapat unahin ang pagtugon sa kakulangan ng mga classrooms at paaralan sa mga liblib na lugar ng bansa? Ang pagtataas ng sahod at benepisyo ng ating mga guro na matagal na nilang iniinda, nasaan na? Ang pag-aayos sa curriculum ng senior high school at kolehiyo, kailan pa?
Paniguradong sang-ayon tayong lahat sa unity o pagkakaisa, subalit una pa lamang ay wala namang maayos at konkretong plano para makamit ang pagkakaisang ito. Hindi mapapakain ng pagkakaisa ang milyon-milyong kababayan nating nagugutom. Hindi matutustusan ng pagkakaisa ang patuloy na pagtaas ng bilihin habang ang mga mamamayan ay patuloy rin na naghihirap. At higit sa lahat, ano'ng silbi ng pagkakaisa kung halos mamatay na ang mga tao sa gutom?
Ngayong taon, kada gumigising ang mga Pilipino ay tumataas ang bilihin. Mula gulay gaya ng ginintuang sibuyas, mga delata, asukal, hanggang sa kada kilo ng isda at baboy, talagang mapapabuntong-hininga ka sa gulat sa taas ng presyo. Kaya masisisi ba natin ang mga kababayan nating may salungat at negatibong reaksyon ukol sa usaping ito? Karapatan naman ng bawat isa na magkomento, pumuna, at tawagin ang pansin ng mga nasa posisyon.
Sa kabilang dako, hinamon ng iba’t ibang grupo ng kabataan ang mga opisyal ng DTI na ipakita ang kanilang paghahanda sa ₱500 noche buena package dahil iginiit nga nila na ito ay magagawa sa gitna ng lumalalang klima ng ekonomiya.
"To settle this once and for all, we challenge the DTI to host a livestream of them demonstrating how to prepare their ₱500 noche buena package, from grocery shopping to cooking preparations, to see if it can actually decently serve a family of five or if they are only duping consumers," saad ni Kabataan Partylist (KPL) Rep. Raoul Manuel noong Sabado.
Sinabi ni Manuel na habang ang mga kabataang manggagawa na nagbibigay ng pangangailangan sa kanilang mga pamilya ay nagsisikap na maging wais at matalino sa pagbili, ang tradisyon ng Noche Buena tuwing Pasko o anumang disenteng pagkain ay hindi dapat na maging pahirap.
"If only the national government addressed people's demands for wage increase, economic aid, and price controls by supporting corresponding legislation or issuing orders, then this silly ₱500 noche buena shenanigan would never have been introduced or debated by the public," dagdag pa niya.
Sang-ayon ako sa mga pahayag na ito ni KPL Rep. Manuel. Kung tinutukan ng administrasyon ang pagtataas ng sahod, tulong pang-ekonomiya, at pagkontrol sa mga presyo ng bilihin, hindi na kailangan pang maghirap na mag-isip ang bawat pamilya kung may sapat bang maihahanda sa Noche Buena. Ang suhestiyon ng DTI na ₱500 noche buena ay makapagpapakain lamang ng apat na tao—bitin na bitin ka pa. Bukod pa rito, anong aasahan mong lasa ng spaghetti kung ¼ kilo lang ng giniling ang sahog sa 800g na pasta at isang kilong sauce? Kailan pa naging fruit salad ang pinaghalong fruit cocktail at condensada lang? Mabuti at may pampalubag-loob namang ham sandwich with cheese. Maski malamig man lang na juice bilang panulak ay wala.
Nakatatawa, ngunit higit na nakagagalit ang insensitibong “suhestiyon” ng DTI. Ang diwa ng Paskong Pinoy ay unti-unting mamamatay kung patuloy na magsitaasan ang mga bilihin at kapag ang mga nakaupo sa tuktok ng tatsulok ay mananatiling “out-of-touch” hinggil sa mga isyung kinakaharap ng publiko—nagpapakasarap sa loob ng sarili nilang mundo at may hamon sa lamesa kahit na hindi Pasko.
Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy
コメント