top of page

OPINYON | Pagsagasa na parang sirang plaka

Writer's picture: Jeohan Samuel AquinoJeohan Samuel Aquino

Ayon sa Memorandum Circular 2023-013 na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Pebrero 20, ang mga tradisyunal na jeep na bumibiyahe ay kailangan nang huminto sa pagpapasada pagkatapos ng Hunyo 30. Ito ay isang uri ng brutalidad sa sektor ng transportasyon matapos itong itakda sa gitna ng mga panawagan ng iba't ibang transport groups at commuters na itigil ang jeepney phaseout.





Gayunpaman, kung ang mga jeep ay pagmamay-ari ng mga indibidwal na operator at sila ay sumali sa isang kooperatiba o isang korporasyon, sila ay papayagang magpatuloy ngunit hanggang Disyembre 31, 2023 na lamang.




Wala nang ibang paraan para sa mga tsuper ng jeep kung hindi ang pumasok sa PUV Modernization Program kahit pa mataas na gastos ang naghihintay sa pagpapalit ng kanilang sasakyan. Pinipilit na pumasok ang mga drayber at operator sa mga kooperatiba at korporasyon upang makabili ng ‘modern jeepney’ na tinatayang ₱2.4 hanggang ₱2.8 milyon ang halaga kada unit.




Nakalulungkot isipin ang paghihirap na dinaranas at daranasin pa ng mga tsuper sa panggigipit na ito ng gobyerno sa kanilang kabuhayan. Malaki ang posibilidad na ang mga drayber at operator ay mabaon sa utang. Kung sila ay hindi makatutugon sa napakataas na kwalipikasyon o quota, mataas ang posibilidad na sila ay magkakaroon ng problema. Maaapektuhan ng jeepney phaseout ang mahigit 500,000 drivers, 300,000 operators, at dalawang milyong pamilya. Kakarampot na nga lang ang kinikita nila, hinahayaan pa ng pamahalaan na unti-unti silang mawalan ng hanapbuhay.




Ang tunay na makikinabang sa programang ito ay ang mga malalaking dayuhang monopolyong korporasyon na nagmamanupaktura ng mga modernong sasakyan. Magdudulot ito ng pribatisasyon at monopolisasyon sa pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon sa halip na ang gobyerno ang may tungkulin dito.




Bilang resulta, mapipilitan ang mga tsuper na itaas ang base fare na maaaring umabot sa ₱25-P34. Idagdag pa ang problema ng mga nagtataasang mga bilihin at iba pang serbisyo. Paano na ang mga estudyante, kabataan, at mga manggagawa na umaasa sa murang pasahe ng mga jeep? Hindi lamang malulubog sa utang ang mga drayber at operator, maaalisan pa ang taumbayan ng abot-kayang pampublikong transportasyon.




Panawagan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na dapat kumonsulta ang gobyerno sa mga jeepney drivers at mga operators tungkol sa proseso ng pagsusuri para sa buong modernization program. Hiniling na rin ng Senado sa LTFRB na i-delay ang jeepney phaseout plan. Inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution 507 na nanghihikayat sa LTFRB na ipagpaliban muna ang planong jeepney phaseout. Dapat sagutin muna ng ahensya ang ilang pagdududa sa plano bago ito ituloy, pahayag ni Sen. Grace Poe na siyang nag-sponsor sa resolusyon.




Kung patuloy na ipipilit ng pamahalaan na modernisasyon ang dapat na maging kurso ng aksiyon, ngunit sa kapinsalaan naman ng mga may-ari at operator ng tradisyunal na mga jeep, hindi ba’t parang nilulukob at nilulupig na naman tayo ng awtoritaryanismo?




Parang sirang plaka nang bumoboses ang mga may-ari ng tradisyunal na jeep laban sa phaseout ngunit patuloy namang hindi nakikinig ang mga kinauukulan. Ang hindi matigil na pagratsadang ito ng LTFRB sa mga drayber at operator ng jeep ay parang paulit-ulit na pagsagasa sa kanilang karapatan upang maghanapbuhay.




Dulot nito, nagkaisa ang iba’t ibang mga transport groups na magkaroon ng isang linggong transport strike. Ang naturang tigil-pasada ay magsisimula ngayong ika-anim ng Marso na layong prumotesta para isatinig ang kanilang mga hinaing at makinig ang gobyerno upang gumawa ng patas na mga pasya at polisiya ukol sa modernization program.




Kinakailangan ang suporta ng bawat Pilipino sa jeepney strike. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga tsuper, maipapakita natin na nagmamalasakit tayo sa kanilang kapakanan at kanilang pamilya. Nais natin na sila ay magpatuloy sa pagtatrabaho at pagkita ng pera upang makapagbigay para sa kanilang mga pamilya at makapagpatuloy na maihatid tayo sa ating mga patutunguhan araw-araw. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa welga, maipapakita natin sa gobyerno na ito ay problema ng buong bansa. Umaasa ang lahat na ito ay hahantong sa mas magandang kondisyon para sa mga tsuper at mas maaasahang transportasyon para sa lahat.




Artikulo: Rupert Liam G. Ladaga

Dibuho ni: Jeohan Samuel Aquino

Comments


bottom of page