top of page

OPINYON | Paano pa magtitipid 'pag luho na ang sibuyas?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

"Sahod, itaas! Presyo, ibaba!" — ito ang mas umigting na sigaw ng masang anakpawis magmula nang maupo sa pwesto ang tambalang Marcos–Duterte. Kasabay ng pagkakaluklok nilang dalawa ay ang pagbulusok ng ekonomiya ng bansa na nagresulta sa matinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ngunit pananatili ng hindi sapat na sweldo para sa mga manggagawa. Pumalo sa 8.1% ang inflation rate sa bansa noong Disyembre ng nakaraang taon. Hinigitan pa nito ang nakababahalang 8% noong Nobyembre ng kaparehong taon, na siyang pinakamataas na naitala mula sa kaparehong buwan noong 2008. Habang ang arawang minimum na sahod sa NCR ay naglalaro lamang mula ₱533 hanggang ₱570 at dumadausdos pa mula ₱306 hanggang ₱470 sa mga karatig-rehiyon.



Kung iisipin, mababa at hindi na nga nakabubuhay ang arawang minimum na sahod sa NCR, paano pa kaya ang arawang minimum na sahod pang-rehiyon na ‘di hamak ay mas mababa pa? Sa esensya, hindi naiiba ang pangangailangan ng mga manggagawa mula sa lungsod at kanayunan, kaya nararapat lamang na magkaroon ang mga ito ng parehong sapat at nakabubuhay na sahod.


Nito ring Nobyembre ng nakaraang taon, naging manipestasyon ng napakabilis na pagtaas ng inflation rate sa bansa ang nakagugulat na malakihang paglobo sa presyo ng sibuyas sa merkado. Pumalo sa ₱300 ang isang kilo ng pulang sibuyas noong katapusan ng nasabing buwan na malayo sa ₱180 kada kilo na presyo nito sa parehong panahon noong 2021. Sa sumunod na buwan naman ng Disyembre kung saan kabi-kabila na ang paghahanda ng mga Pilipino para sa paparating na Pasko at pagsalubong sa bagong taon, sumabay rin ang isang malaking suliranin. Muli na namang tumaas ang presyo ng sibuyas sa kabila ng pag-iral ng “suggested” na presyo ng Department of Agriculture (DA) na ₱250 kada kilo na epektibo hanggang unang linggo ng Enero sa kasalukuyang taon. Pumapalo ang tunay na presyo ng sibuyas mula ₱540 hanggang ₱720 kada kilo na higit na mas mataas pa kaysa sa arawang minimum na sweldo ng isang manggagawa.


Kahit hindi na bigyan ng mahabang oras sa pag-intindi o malalim na interpretasyon, agad nang malalaman na may mali sa isang lipunan kung saan higit na mataas pa ang presyo ng kada kilo ng isang pangunahing sangkap-pampalasa kaysa sa arawang kinikita ng masa. Kung ipagpapalagay natin ang ating mga sarili sa kondisyon ng ating mga kababayang minimum wage earner, para lamang pala tayong nagpapakakuba sa pagtatrabaho nang buong lakas, walong oras araw-araw, para lamang makabili ng isang kilo ng pulang sibuyas na sa katotohanan ay kulang pa.


Matatandaang sa kasagsagan ng pagpalo ng presyo ng sibuyas sa ₱720 kada kilo noong katapusan ng Disyembre ng nakaraang taon, at kasalukuyang panahon din ng paghahanda para sa pagsalubong sa bagong taon, naglabas ng isang kontrobersyal na pahayag si DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez upang abisuhan ang publiko tungkol sa lumalang pagtaas ng presyo ng sibuyas.


“To be reasonable on that and practical—pero mukhang maraming magagalit sa 'kin—edi ‘wag tayong bumili ng isang kilo, ‘diba? Kung ano lang ang makakaya nating bilhin, ayun muna,” ani niya.


“Out of touch sa reyalidad” na siguro ang pinakaakmang paglalarawan sa pahayag na ito mula sa DA at pati na rin mismo sa rehimeng Marcos–Duterte.


Kahit pa sabihing huwag na bumili ng isang kilong sibuyas, hindi pa rin magbabago ang presyo nito sa kada piraso. Kung ₱720 ang kada kilo nito, ang tipikal na sibuyas na may bigat na 60 grams ay nagkakahalaga ng ₱43 na katumbas na ng isang kilo ng bigas. Hindi naman nila kailanman iindahin ang ₱43 o kahit pa pumalo nang isang libong piso ang kada piraso ng sibuyas hangga’t nakaupo sila sa pwesto at lunod sa kapangyarihan, kung kaya naman ay gano’n na lang din kadali para sa kanila ang magbitaw ng mga insensitibo at kontra-masang mga pahayag at polisiya. Hindi kailanman solusyon ang hindi pagbili ng isang kilo dahil hindi naman nito binabago ang presyo ng kada piraso. Ang tunay na solusyon ay ang pagpapataas ng sweldo ng mga manggagawa at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin na matagal nang isinisigaw ng mga Pilipino.


Pagkagalit, panlulumo, at pagkaasar.


Marahil ganito na lamang ang nadama ng lahat matapos ang pahayag na ito ni Estoperez. Isa lamang itong malinaw na pagpapakita ng pribilehiyo at pagiging bulag sa kapangyarihan. Pinakikita rin niya na hindi ang pinagsasamantalahang masa ang kanilang pinagsisilbihan kundi ang kanila lamang mga pansariling interes. Gayon na rin ang pagtatakip nito sa kapabayaan ng kanilang departamento na pinamumunuan ni Marcos, na wala namang lubos na karanasan sa praktis ng agrikultura. Kaya’t hindi na nakagugulat na palpak ang patakbo nito dahil hindi naman niya batid ang tunay na kalagayan at mga pangangailangan ng mga magsasaka.


Isang malinaw na manipestasyon ng krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ng ating bansa at kawalang pakialam ng gobyerno ang biglaang bugso ng pagtaas ng presyo ng sibuyas, na siyang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilyang Pilipino. Sa kabila ng pangangailangan nito ng agarang pagtugon, hindi agad naglahad ng konkretong aksyon ang gobyerno, bagkus puro band-aid solutions at bulag na pagroromantisa lamang sa “resiliency” ng mga Pilipinong patuloy nilang niloloko at pinagsasamantalahan.


Ang sibuyas ay isang basikong pangangailangan ng sinumang mamamayan at nararapat lamang na kanila itong mabili at matamasa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng makamasang presyo at sapat na sweldo. Ngunit sa mga kondisyong ipinapataw ng burukrata kapitalismong pagpapatakbo sa gobyerno, malayo ito sa katotohanan. Dahil sa katunayan, ginagawa lamang negosyo ng maraming mga opisyal at politiko ang kanilang posisyon at kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa kanilang mga pansariling interes—gayon na rin para pagsilbihan ang malalaking burgesyang komprador na gumaganansya at umaabuso sa lakas-paggawa ng malawak na hanay ng mga manggagawa.


Pagpasok ng bagong taon, sinalubong tayo ng mataas pa rin na presyo hindi lang ng sibuyas, ngunit pati na rin presyo ng pangkalahatang pamumuhay. Hindi pa rin makatao ang pasahod sa mga manggagawa, nananaig pa rin ang kontraktwalisasyon, at napakataas pa rin ng presyo ng mga bilihin, ngunit ano ang ibinigay ni Marcos sa ating mga Pilipino? Isang vlog na lihis sa tunay na pangangailangan ng masang araw-araw inaabuso ng sistemang nananaig sa lipunan na mismong ang reaksyonaryong gobyerno ang nagpapatupad.


Ang mga panawagan ng pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa ay lagi’t laging nakatali sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pamumuhay sa lipunan at kailan ma’y hindi lamang para sa kanilang personal na interes. Dahil kung personal na interes lang din naman ang pag-uusapan, nariyan ang mga ganid na politiko at malalaking burgesyang komprador na kumakamkam at umaabuso sa lakas paggawa. Napakalabong magkaroon ng ganansya ang mga manggagawa mula sa kanilang napakababang sahod na kung madaragdagan man ay malayo pa rin sa pagiging sapat.


Mahal ang mabuhay sa isang bansang pinamumunuan ng mga indibidwal na pansariling ganansya lamang ang iniintindi. Hangga’t malalaking kapitalista ang namumuno sa anyo nina Marcos at Duterte, kasama ang kanilang mga galamay sa senado, patuloy na maghihirap ang mahihirap na pamilyang Pilipino at patuloy na yayaman ang mga mayayaman at may kapangyarihan.




Artikulo ni: Mark Joseph Sanchez

Dibuho ni: Rinoa Osnaznara


Comments


bottom of page