top of page

OPINYON | Mapanlinlang na kapangahasan at pagmamalabis

Writer's picture: Rupert Liam LadagaRupert Liam Ladaga

Mapangahas na ipinagtanggol ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kanyang panukala na mabigyan ng P150 milyon na confidential funds ang Department of Education (DepEd) para sa taong 2024. Itong lantaran at patuloy na pang-aabuso sa posisyon upang gatasan ang kaban ng bayan ay tunay na nakasasaid ng pasensya. Hindi kailangan ng ahensya ang kwestiyonableng confidential funds upang magawa nito nang maayos ang tungkulin.


“Education is intertwined with national security,” saad ni Duterte sa isang panayam bilang pangunahing depensa sa panukalang confidential funds. Dagdag pa niya ay nangangailangan tayo ng mga kabataan na makabayan at magtatanggol sa bansa. Subalit, ang dahilang ito ay nakakakulo lamang ng dugo dahil hindi naman mga pawns ang mga estudyante at guro upang basta isabak sa laban. Gayundin ay wala namang kinalaman at hindi dapat ipilipit ang pakikidigma sa edukasyon.


Sinabi rin ni Duterte na may basehan ang hinihiling na halaga ng confidential funds. Ngunit tumanggi siyang magbigay ng mga detalye ukol dito dahil umano sa likas na katangian nito. Nakakapangilabot na tanging panlilinlang at walang kalinawan na rason lamang ang kayang isagot ni Duterte ukol sa kung paano gagamitin ang pondo. Karapatan nating mga Pilipino—lalo na ng mga taong nagbabayad ng buwis—na malaman kung saan napupunta at paano gamitin ang pera ng bayan.


Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, wala tayong kakayahan upang ma-account ang confidential funds. Aniya, “We need classrooms, not barracks... Children will become more patriotic if the government will provide sufficient support for schools and basic social services instead of [a] confidential and intelligence fund, which reeks of corruption."


Bahagi ng pang-araw-araw na reyalidad sa mga paaralan—lalo na sa mga pampublikong paaralan sa bansa—ang siksikang silid-aralan at mga klase na idinaraos sa mga open space, corridor, hallway, gymnasium, ilalim ng puno, at maging sa palikuran na ginawang silid-aralan.


Ayon kay Philippine Business for Education Executive Director Lovelaine Basillote, isa rin sa mga problema ay ang kakulangan ng oras ng mga guro para turuan ang mga mag-aaral. Maliban sa teaching load, may dagdag pa na administrative work ang mga ito. Patunay na exploited ang kaguruan sa Pilipinas, idagdag pa ang hindi makataong pasahod sa kanila.


Sa kabilang banda, kamakailan ay lumabas sa isang report ng World Population Review na sa listahan ng halos 200 bansa, pang-111 ang Pilipinas na may average IQ score na 81.64. Marami ang tinitingnan na dahilan sa likod nito. Ngunit ang kasalukuyang mababang kalidad ng edukasyon na dulot ng kakulangan sa pondo ay isang malaking salik. Dahil sa patuloy na pagkakaltas ng budget sa edukasyon upang pondohan ang confidential at intelligence funds, hirap nang ma-access ng mga estudyante ang mataas na kalidad na edukasyon na dapat ay para sana sa kanila.


Paano matutugunan ang mababang kalidad ng edukasyon kung sa militarisasyon at korapsyon nakapako ang atensiyon ng mga ‘lider’ ng bansa? Bansot na ang edukasyon sa Pilipinas, ngunit hindi pa rin binibigyan ng solusyon dahil mas ginagawa itong ‘source of income’ ng mga pulitiko.


Samakatuwid, ang DepEd ay dapat munang tumuon sa mga problema tungkol sa krisis sa edukasyon, mababang pasahod sa mga guro, at kakulangan sa silid-aralan at mga pasilidad. Sabi nga ni Senador Risa Hontiveros, ipaubaya na lamang sa mga eksperto ang mga intelligence operations na nangangailangan ng confidential funds.


Bukod sa confidential funds para sa DepEd, humihingi rin si Duterte ng hiwalay na P500 milyon na confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP). Ayon sa kanya, hiwalay naman daw ang mandato ng OVP at DepEd kaya hiwalay din dapat ang confidential funds ng mga ito. Kung ikukumpara sa natanggap ng opisina na unqualified opinion mula sa Commission on Audit noong si dating bise presidente Leni Robredo pa lamang ang nakaupo, ang ginagawa ngayon ni Duterte ay labis-labis na kapangahasan at kawalan ng pakundangan.


Paulit-ulit na lang tayong nananawagan na solusyonan muna ang mas kritikal na mga problema ng bayan. Gayudin ay sawang-sawa na tayong makakita ng pagkadelingkuwensya sa mga opisyal. Halos wala naman tayong magawa dahil ang Kongreso ay napasaiilalim din sa oligarkiya. Sila-sila lang na mga nakaupo ang nagkakarinigan, nauubos na ang ating boses dahil angat ang kanilang kapangyarihan.

Ngunit mapaos man tayo sa patuloy na pagpuna sa kagaspangan ng nakaupong administrasyon, kumulubot man ang ating mga mukha sa madalas nating pagkunot ng noo dahil sa dismaya, at mahapos man sa paulit-ulit na panlilinlang at disimpormasyon ay hindi dapat tayo magpadala sa paulit-ulit na pagsubo sa atin ng mga walang kalinawang resolusyon sa mga problema ng bansa. Lalo na ang pagdidiin na maipasa ang mapagmalabis na panukalang confidential funds na ito. Sama-sama tayong mapaos at mahapos sa patuloy na paglaban sa mga naghaharing-uri na ang prayoridad ay paapawin ang kanilang mga bulsa. Dahil kung titigil ang pagboses natin sa mga kabuktutang ito, mas lalo pa tayong malulugmok.


Artikulo: Rupert Liam G. Ladaga

Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy

Comments


bottom of page