top of page

OPINYON | Limang daan para sa kahirapan?

Writer's picture: James LanquinoJames Lanquino

Naging usap-usapan kamakailan ang hakbanging pagbibigay ng 1,000 piso para sa mga Pilipinong apektado ng implasyon sa bansa. Ang ayuda ay mahahati sa dalawang bugso o 500 piso kada buwan.


Ang pagbabahagi ng 500 pisong tulong pinansyal kada buwan ay maaaring magandang inisyatibo ng pamahalaan sa paningin ng iba upang matutukan ang lumalalang implasyon. Ngunit, nagkulang ata ang mga kinauukulan sa paglubog sa tunay na nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino. Sa kahit anong anggulo tingnan, hindi sapat ang limang daan kada buwan para sa mga nagtataasang presyo ng mga bilihin. Sa ilalim ng Targeted Cash Transfer Program na sinimulan ng administrasyon ni Rodrigo Duterte, bibigyan ng tulong pinansyal ang 9.3 milyong pamilya. Ang listahan ng mga benepisyaryo ay magmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa kabuuan, maglalabas ang gobyerno ng 26.3 bilyong piso para alalayan ang mga Pilipino sa nararanasang implasyon. Kasama rito ang pagpapalawig ng Kadiwa Program, mga fuel discount para sa sektor ng agrikultura, at fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon. Ayon sa datos ng Ibon Foundation, ang pasahod na ₱570 sa National Capital Region (NCR) ay wala pa sa kalahati ng nirerekomendang daily living wage na ₱1,161. Kung susumahin, parehong hindi sapat ang pasahod at ang ayudang ibibigay ng gobyerno na tatagal lamang ng dalawang buwan. Isa na namang 'band-aid solution' na maituturing ang hakbanging ito lalo pa’t kaliwa’t kanan ang naging aberya sa unang pagpapatupad ng tatlong tranches ng Targeted Cash Transfer Program—kung saan, kahit na naglabas na ng higit 5 bilyong piso ang Department of Budget and Management (DBM) para sa ikatlong bugso ng ayuda, marami ang nagsasabing hindi pa sila nakatatanggap ng ikalawang bahagi ng tulong pinansyal. Ang ilan pa ay umiinda na kahit ang unang bugso ay hindi nila naramdaman. Habang nagpapakasasa sa yaman at kapangyarihan ang mga taong nakaupo sa p’westo, lumulubog sa hirap ang masang Pilipino; at ang solusyon nila rito ay limang daang piso? Ipinakikita lamang nito kung gaano kababaw ang tingin ng administrasyon ni Marcos Jr. sa suliraning pang-ekonomiya na kasalukuyang kinahaharap ng bansa. Marapat lamang na iayon nila ang kanilang mga hakbangin na tutugon sa problema ng mga Pilipino hindi lamang para sa kasalukuyan, kung hindi maging sa hinaharap. Matagal nang isinusulong ng mga progresibong grupo ang nakabubuhay na sahod para sa lahat. Matatandaan na hinamon ng labor groups si Duterte upang hikayatin ang kongreso na ipasa ang 750 pisong national wage bilang legasiya umano ng kaniyang administrasyon. Ngunit katulad ng pagsasawalang bahala sa kaliwa’t kanang isyu ng extrajudicial killings sa bansa, walang aksyong ginawa si Duterte para rito. Hindi na bago sa gobyerno ang paggawa ng mga band-aid solutions upang masabing may mga aksyon silang ginagawa sa mga suliranin ng bansa. Patuloy silang nagbubulag-bulagan sa mga tunay at kagyat na solusyong nararapat upang matutukan ang mga suliraning ito. Patuloy na nagbibingi-bingihan sa hinaing at daing ng masang Pilipino. Patuloy na inaabuso ang kapangyarihan upang manatili sa p’westo. Sa nagtataasang presyo ng mga bilihin bunsod ng implasyon at nakakapagod na sistemang umiiral sa lipunan, dapat nang ipatupad ang sahod na nakabubuhay para sa masang Pilipino. Hanggang nasa posisyon at naghahari-harian ang mga pangalang may kasaysayan na ng pang-aabuso, huwag tayong matakot na iparinig ang ating tinig. Patuloy nating tutulan ang mga maling hakbangin; labanan ang mga ‘di makataong polisiya; at huwag pahintulutan ang panghahamak sa mga mamamayan! Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy

Commentaires


bottom of page