top of page

OPINYON | Kamay naman ng Hustisya ang Mananaig

Writer's picture: Marjorie Ann PatricioMarjorie Ann Patricio

Dahil sa “kamay na bakal” at “strongman” na imahe ni Rodrigo Duterte, naipanalo nito ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno noong eleksyon 2016. Nadala ni Duterte ang mamamayang Pilipino sa matamis ngunit matapang nitong mga salita noong panahon ng kampanya. Bidang-bida ang pangakong itataas ang sweldo, tutuldukan ang korapsyon, wawakasan ang mga rebelyon, at ang pinakakumiliti sa tainga ng mga Pilipino: ang pangako nitong iwawaksi ang iligal na droga sa bansa sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan.



Nakinabang si Duterte sa mga ulat sa pambansang midya na ginawa niya ang Davao na isa sa mga pinakaligtas na lungsod sa mundo, at ginamit niya itong katwiran para ipatupad ang kanyang kampanya laban sa droga. Bagama't ipinapakita ng datos ng pambansang pulisya na ang lungsod ang may pinakamataas na mga kaso ng pagpatay at pangalawa sa pinakamataas na mga kaso ng panggagahasa sa Pilipinas. Ang pag-upo ng buwayang maniniil na ito ay ang simula rin ng impyerno sa buhay ng mga Pilipino sa loob ng anim na taon.


Naninilbihan pa lamang bilang alkalde ng Davao City, binabatikos na si Duterte ng mga grupo tulad ng Human Rights Watch dahil sa extrajudicial killings sa daan-daang batang lansangan, maliliit na kriminal, at mga gumagamit ng droga na isinagawa ng Davao Death Squad, isang vigilante group kung saan siya umano ay kasangkot. Salit-salit na kinumpirma at itinanggi ni Duterte ang kanyang pagkakasangkot sa umano'y Davao Death Squad killings. Magulo at paiba-iba ang sinasabi ni Duterte pagdating sa mga isyung gaya nito. Ngunit sa mga taon ng kaniyang pagsisilbi bilang pangulo ng bansa, marami pa rin ang nanatiling bingi’t bulag.


Panahon pa lamang ng kampanya ay matalas at paulit-ulit nang ibinibida ni Duterte ang malakihang extrajudicial violence bilang solusyon sa krimen. At nakuha nito ang loob ng sambayanan dahil ito ang gusto ng karamihan sa mga botanteng Pilipino — matapang na lider at handang gamitin ang kapangyarihan upang puksain ang kriminalidad sa ano mang paraan.


Extrajudicial Killings


Matagal nang problema sa Pilipinas ang mga kaso ng extrajudicial killings bago pa man ang administrasyong Duterte. Sa ulat ng pananaliksik para sa The Asia Foundation na isinagawa ni Atty. Al A. Parreno sa malagim na tradisyon ng pagkitil ng pulisya, mayroong kabuuang 305 insidente ng extrajudicial killings na may 390 biktima mula 2001 hanggang 2010, na mayroon lamang kabuuang 161 na kaso o 56% ng mga insidente ang naisampa sa piskalya. Sinabi ni Atty. Parreno na ang bilang ng mga kaso ay maaaring mas mataas pa.


Inamin din ng mga opisyal ng anti-narcotic ng Pilipinas na gumagamit si Duterte ng mga hindi makatotohanang datos para suportahan ang kanyang pahayag na nagiging "narco-state" na ang Pilipinas. Sa katunayan, ang Pilipinas ay may mababang prevalence rate ng mga gumagamit ng droga kumpara sa global average, ayon sa United Nations Office on Drugs and Crime.


Batay naman sa datos ng PNP at PDEA mula Hunyo 2016 hanggang Hulyo 2019, 134,583 anti-drug operations ang isinagawa, 193,086 katao ang inaresto, at 5,526 na suspek ang namatay sa operasyon ng pulisya habang ₱34.75 bilyong halaga ng droga naman ang nasamsam. 421,275 katao ang sumuko sa ilalim ng Recovery and Wellness Program ng PNP (219,979 PNP-initiated, 201,296 community center-supported), at 499 Reformation Centers ang naitatag.


Bilis at epekto ang pangunahing prayoridad ng rehimeng Duterte pagdating sa “drug war” na ayon sa pinakabagong datos, ay kumitil sa 7,884 na buhay. Ngunit batay sa mga human rights watchdogs ay aabot sa 30,000 katao ang tunay na bilang ng mga namatay.


Napag-alaman naman sa pananaliksik ng Human Rights Watch na ang mga pulis ay nangmemeke ng ebidensya upang bigyang-katwiran ang mga labag sa batas na pagpatay. Lalo pang lumakas ang loob ng mga tutang pulis sapagkat kinunsinte rin sila mismo ng dating pangulo; nag-utos ito sa mga opisyal na barilin at patayin ang mga smuggler ng droga. Itinanggi ni Duterte ang pagpapahintulot sa extrajudicial killings ngunit paulit-ulit at lantaran nitong binantaan ng kamatayan ang mga nagbebenta ng droga.


Siya at ang pambansang pulisya, na nanguna sa pagpapatupad ng kanyang kampanya laban sa droga, ay nagsabi na karamihan sa mga suspek na pinatay ng mga pulis noong kampanya ay nanlaban at nagbanta sa buhay ng mga alagad ng batas.


Nakagagalit at nakasasakit ng loob na parang istatistika lamang ang tingin ng administrasyong Duterte sa mga tao at pamilyang naapektuhan ng palpak na kampanya nito laban sa droga. Karamihan sa bilang ng mga napaslang sa ilalim ng war on drugs ay mga maralita at maliliit na tao. Walang habas na binaluktot ang istorya at tinanggalan ng dangal ang mga biktima’t pamilya ng mga ito.


Kung nais talagang tuldukan ang problema sa droga ng bansa, hindi ang mga maliliit na tao ang dapat na pinupunterya. Dapat ang ugat ang pinuputol at hindi lamang ang sanga kung ang layunin ay puksain ang problema. Ang mga mayayaman at makapangyarihang drug lords ang dapat na tinutukang hanapin at binigyan ng karampatang parusa.


ICC vs Duterte


Natapos na lang ang termino ni Duterte, ang problema ng bansa sa droga ay narito pa rin. Ito ay patunay sa inkompetensiya ng administrasyong Duterte. Abusado at walang-hiya ang nagdaang rehimen. Sakit sa ulo, problemang pang-ekonomiya, krisis-pangkalusugan, at puro paghihirap lamang ang iniwan ng taksil at diktador na si Duterte sa bansang Pilipinas.


Sa kabilang dako, noong Oktubre 13, 2016, sinabi ni Fatou Bensouda, dating International Criminal Court (ICC) prosecutor, na binabantayan ng kanyang tanggapan ang mga insidente sa Pilipinas habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga namamatay sa operasyon ng war on drugs sa halos apat na buwan pa lamang ng pagsisimula ng administrasyong Duterte. Higit isang buwan pagkatapos ng pahayag na ito, nagbanta si Duterte na aalisin ang Pilipinas sa pagiging member-state ng ICC. Tinawag niyang inutil ang international court at sinabing hindi talaga nito kayang tumulong sa maliliit na bansa.


Noong Pebrero 2018, inihayag ng ICC sa The Hague ang isang "preliminary examination" sa mga pagpatay na nauugnay sa war on drugs sa Pilipinas mula noong Hulyo 1, 2016.


Noong Enero 22, 2021 naman ay nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war sa ICC na panagutin si Duterte sa umano'y paghadlang sa hustisya, kabilang ang mga pagkakataong paulit-ulit nitong binantaan si Bensouda at ang korte. Binigyang-diin ng pre-trial chamber ng ICC ang imbestigasyon sa giyera laban sa droga at pagpatay ni Duterte sa Davao City sa pagitan ng 2011 at 2016.


Inanunsyo naman ng kasalukuyang ICC Prosecutor na si Karim Khan noong November 19, 2021, na pansamantalang sususpindihin ng kanyang tanggapan ang imbestigasyon nito sa mga pagpatay sa war on drugs sa Pilipinas ngunit tinitiyak sa publiko na ipagpapatuloy nila ang pagsusuri sa mga impormasyong hawak na nito pati na rin ang mga bagong impormasyong maaaring matanggap ng kanilang tanggapan. Ang desisyong ito ay nag-ugat sa paghahain ng Maynila ng deferral request noong Nobyembre 10, 2021, kung saan binanggit na magkakaroon ng sariling pag-iimbestiga ang bansa sa mga pagpatay sa war on drugs ni Duterte.


Matapos ang halos isang taon, si Khan ay naghain ng kahilingan sa harap ng ICC pre-trial chamber na naglalayong ipagpatuloy ang imbestigasyon ng kanyang tanggapan sa mga pamamaslang sa ilalim ng war on drugs ni Duterte at sa mga ginawa sa Davao City sa pagitan ng 2011 at 2016. Sinabi ni Khan na ang gobyerno ng Pilipinas ay nabigong magpakita ng mga pruweba na iniimbestigahan ng mga lokal na awtoridad ang mga pagpatay sa war on drugs.


At nito nga lang Huwebes, Enero 26, binuksan muli ng pre-trial chamber ng ICC ang imbestigasyon sa mga pagpatay sa drug war. Isang napakagandang balita na paniguradong bumuhay sa loob sa mga pamilya ng mga biktima ng palpak at mapang-abusong war on drugs ni Duterte. Panahon na upang mabigyan ng tamang hustisya ang napakaraming bilang ng mga inosenteng buhay na winakasan nang basta-basta ngunit hindi naimbestigahan nang maayos.


Malagim na kahinatnan ng EJK


Sa libo-libong mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs, isang kaso lamang — ang pagpatay sa 17 taong-gulang na si Kian delos Santos ng tatlong opisyal ng pulisya noong Agosto 2017, na nagkataong nakunan ng video — ang nauwi sa isang paglilitis at paghatol.


Paano na lamang kung walang CCTV sa lugar kung saan walang-awang ninakaw ang buhay ni Kian? Sa ilalim ng mapang-abuso’t walang saysay na rehimen, paniguradong ang kaso niya ay mananatili lamang na numero o istatiska — isa lang sa bilang ng mga biktima na walang awang pinaslang at sinira ang kinabukasan.


Maraming mga balita noon tungkol sa kung paanong ang mga pulis ay nagsagawa ng mga pagsalakay tuwing hatinggabi sa mga tahanan ng mahihirap na ‘di umano’y gumagamit at/o nagtutulak ng droga. Isinasagawa nila ang operasyon at kinikitil ang buhay ng mga biktima sa harap ng pamilya nito. Tinrato ng mga berdugong pulis ang mga biktima nang mas malala pa sa hayop. Hindi sila nagpakita ng pakialam sa kung ano ang magiging epekto ng madugong pagpatay nila sa pamilya ng mga inosente lalo na sa mga bata. Sa maraming kaso ng pagsalakay, may mga pagkakataong nasaksihan mismo ng mga bata ang pagpatay sa kanilang magulang, o naroroon sila habang ang kanilang magulang ay kinakaladkad at pinutukan ng baril.


Kung may nararapat man na mangyari sa mapang-api at malupit na si Duterte, iyon ay ang pagkakakulong. Bukod sa napakaraming dugo sa kaniyang mga kamay, dapat din niyang pagbayaran ang mga mapaminsalang kinahinatnan o resulta para sa mga bata ng malupit na war on drugs nito. Maaaring hanggang ngayon ay dumaranas ng sikolohikal na pagkabalisa ang mga bata o iba pang miyembro ng pamilya matapos na masaksihan mismo ang walang pusong pagpatay sa isang mahal nila sa buhay. Dagdag pa sa papasanin ng mga ito ang pangangailangan na lisanin ang kanilang mga tahanan at komunidad, ang pagtatago o paglipat ng tirahan dahil bukod sa trauma at masasakit na alaala, ay may takot din silang nararamdaman para sa kanilang buhay.


Dagdag pa sa masakit na bungang ito ang pagkawala ng isang magulang na pangunahing naghahanapbuhay sa pamilya ay maaaring maglubog pa lalo sa isang naghihirap na pamilya sa mas matinding kahirapan. Maraming mga batang namatayan ng magulang sa kamay ng mga abusadong pulis ang walang pagpipilian kundi magtrabaho sa murang edad.


Mga Inaasahan


Taksil din ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtanggi nitong epektibo at walang kinikilingan na imbestigahan ang mga pagpatay. Wala ring aksyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang direktang naapektuhan ng kampanya laban sa droga. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pangunahing ahensya ng gobyerno na responsable para sa kapakanan ng mga bata, ay walang partikular na programa na direktang naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng mga batang apektado ng drug war. Anuman ang tulong na ibibigay ng departamento sa mga bata at pamilya ay hango lang din sa mga kasalukuyang programa, tulad ng tulong na pera para sa mga gastusin sa burial o ang conditional cash transfer program nito.


Hindi rin naman makalapit ang mga pamilya sa gobyerno para humingi ng tulong sapagkat sila at ang pulisya ang nakikitang responsable sa pagkawalang kanilang nararanasan.


Bilang mga opisyal na pinagkatiwalaan ng tao at binigyan ng kapangyarihang mamuno, dapat tiyakin ng mga nakaupo sa pamahalaan ang paggalang sa mga karapatang pantao sa paggawa ng mga patakaran at plano. Dapat tugunan ng mga ahensya ng gobyerno ang matinding pangangailangan ng mga bata na namatayan, lalo na ang mga naninirahan sa mahihirap na komunidad sa buong Pilipinas kung saan karaniwang nangyayari ang mga pagpatay, at tiyakin na ang gobyerno ay gagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga apektadong bata mula sa pang-aabuso.


Kasama ako ng mga bata at pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa ilalim ng war on drugs sa panawagang itigil na ang mapang-abusong kampanyang ito at imbestigahan at usigin ang mga responsable sa mga pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Hangad ko ang isang malinis, maayos, at makataong imbestigasyon ng ICC ukol sa madugong war on drugs ni Duterte. Nawa’y maparusahan ang sinomang mga mapatutunayang responsable sa mga labag sa batas na pagpatay at mabayaran nila nang nararapat ang lahat ng buhay na kanilang winasak. Tama na ang pang-aabuso ng kamay na bakal. Panahon na para ang kamay naman ng hustisya ang manaig.



Dibuho ni: Timothy Andrei Milambiling


Comments


bottom of page