Sa loob ng mahigit isang daang araw sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., hindi lamang pandemya ang iniinda ng mga Pilipino, kung hindi pati na rin ang epekto ng mataas na inflation rate. Mas lalo pang lumakas at luminaw ang panawagan ng publiko matapos magsitaasan ang presyo ng mga bilihin at pamasahe na sinabayan naman ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa naitalang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot ng 7.7% ang inflation rate nitong Oktubre na dinaig ang 6.9% na rekord noong Setyembre. Ang naturang datos ay halos katumbas na ng naitalang rekord noong 2008 sa kalagitnaan ng global financial crisis.
Bagaman pasok sa itinakdang pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang inflation rate noong nakaraang buwan na sumasaklaw mula 7.1% hanggang 7.9%, hindi pa rin ito sapat na batayan upang maging kampante at ipagsawalang-bahala ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan na kapos at lubos pa rin na umaaray sa mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado.
Dagdag pa rito, sinabi rin ni PSA Chief Dennis Mapa na posibleng hindi pa ito ang pinakamataas na inflation rate na ating masasaksihan gayong malaki ang naging epekto ng mga nakaraang bagyo sa ating bansa. Kung kaya nama’y nararapat lamang na magkaroon ng mas konkretong mga solusyon at programa galing sa gobyerno na magsisigurong magiging maayos ang kalagayan ng minoryang naghihikahos sa gitna ng mga nagtataasang bilihin, pasahe, at petrolyo.
Kaugnay nito, bagamat mayroong nakalaan na 206 bilyong pisong ayuda at diskwento sa petrolyo para sa mga lubos na apektadong bahagi ng lipunan, hindi pa rin ito matatawag na permanenteng solusyon gayong halos lahat ng sektor ay iniinda ang implasyon. Hindi sapat ang planong ayuda para sa gumagaod na masa, lalo na’t nananatili pa ring buhay ang kasaysayan ng pandaraya at korapsyon sa bansa.
Totoo na ang problema sa implasyon ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari, at hindi kontrolado ng gobyerno ang mga sakunang tatama sa bansa. Subalit, ang kaibahan sa atin ng ibang bansa ay mas agaran, konkreto, at makamasa ang kanilang pagtugon sa problemang dulot ng implasyon. Katulad na lamang ng kung paano kinokontrol ng estado ng Japan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kanilang bansa, at kung paano sinuspinde ng California sa Amerika ang kanilang sales tax sa diesel.
Ayon sa huling survey ng Pulse Asia tungkol sa performance rating ng kasalukuyang administrasyon sa labintatlong piling isyu, ang pagtugon sa implasyon ang nakakuha ng pinakamababang satisfaction rating matapos itong magtala ng 31%. Ang datos na ito ay tanda na dapat lang magkaroon ng pagbabago sa kung paano solusyunan ng gobyerno ang hinaing ng publiko. Magsisimula lamang ang maayos at epektibong pagtugon na ito kung tatanggapin ng pamahalaan na mataas ang implasyon at ititigil ang pagtanggi sa mga datos; taliwas sa sinabi ng pangulo na ang 6.1% na inflation rate noong Hunyo ay ‘not that high.’
Masa ang unang nakararamdam at nagdurusa sa epekto ng mataas na inflation rate. Kung mamalaging walang permanenteng solusyon ang gobyerno at mananatiling mababa ang minimum wage ng mga Pilipino, mananatili pa ring kalaban ng masa ang kagutuman, kahirapan, at ang implasyon.
Ngayong tapos na ang eleksyon at nahalal na si Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa, walang puwang sa panahong ito ang kapalpakan at ka-iresponsablehan ng administrasyon gayong buong bansa ang nasa balikat niya. Ito na ang pagkakataon upang mapatunayan niya ang kanyang sarili at mapanagutan niya ang kanyang mga magiging desisyon.
Hangga’t iba ang prayoridad ng gobyerno, mananatili tayong lugmok sa matinding krisis pang-ekonomiya. Ang datos na 7.7% ay sapat nang i-konsidera bilang mataas gayong kayang-kaya nitong simutin ang bulsa ng mga karaniwang mamamayan. Kung hindi sakit o sakuna, implasyon, kagutuman, at kahirapan ang papatay sa mga Pilipino.
Dibuho ni: Jeohan Samuel Aquino
Kommentare