Nagbabalak ang ilang senador na “pagaanin” ang sitwasyon ng mga dating pangulo ng bansa. Itinutulak nilang maisabatas ang Senate Bill No. 1784 o Former Presidents Benefits Act of 2023 na naglalayong bigyan ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo ang mga dating pangulo.
Ideya ito ni Senador Bong Go na siyang sinuportahan ng mga kaalyado niyang sina Senador Ronald "Bato" dela Rosa, Francis Tolentino at Mark Villar. Ayon kay Go, hindi umano natatapos ang serbisyo ng mga dating pangulo sa kanilang termino dahil patuloy pa rin sila sa pagtulong sa mga tao. Mayroon pa rin silang mga aktibidad gaya ng pagdalo sa mga meeting at pagbibigay ng talumpati.
Batay sa panukalang batas, paiigtingin ang seguridad ng mga dating pangulo. Maaari silang bigyan ng personal na proteksyon mula sa Presidential Security Group, kung ito ay papayagan ng kasalukuyang Pangulo. Magkakaroon din sila ng pribadong opisina at mga staff na tutulong sa kanilang social engagements at iba pang pinagkakaabalahan.
Sa madaling salita, muling lalakas ang kapangyarihan at impluwensya nila sa politika ng bansa.
Sa kasalukuyan, may tatlong tao ang magbebenipisyo sa panukalang batas na ito. Una, si Joseph “Erap” Estrada na may pinakamaikling termino sa lahat ng naging pangulo. Nagsimula siyang manungkulan taong 1998 at na-impeach noong taong 2000 matapos sampahan ng kasong plunder. Taong 2001 nang magbitiw siya sa pwesto bunsod ng isinagawang “people power” ng mga Pilipino. Makalipas ang anim na taon na pagdinig sa kaso habang sumasailalim sa house arrest, napatunayang guilty si Estrada sa dalawang counts ng korapsyon kung saan tumanggap siya ng suhol mula sa ilegal na pagsusugal at komisyon sa government pension funds. Hinatulan siya ng habambuhay na pagkakakulong ngunit pinalaya rin agad dahil sa utos ni Gloria Macapagal Arroyo, ang kaniyang bise presidente na pumalit sa kanyang pwesto bilang pangulo.
Ikalawang magbebenepisyo, si Gloria Macapagal Arroyo na nanungkulan sa loob ng 10 taon mula 2001 hanggang 2010. Sangkot sa “Hello Garci” scandal na isa sa nagpatunay kung gaano karumi ang politika sa bansa. Nagsimula ito nang kumalat ang kopya ng wired tape audio kung saan maririnig ang usapan nina Arroyo at ni dating Election Commissioner Virgilio Garcillano tungkol sa naganap na vote counting. Tinanong ni Arroyo kung mananatili bang sigurado ang mahigit isang milyong botong kalamangan kontra sa kandidatong si Fernando Poe Jr. Iginiit niyang hindi ito nangangahulugan ng pandaraya, nais niya lamang umanong protektahan ang kaniyang mga boto, bagay na sinang-ayunan ng korte. Tinanggi niya ito gaya ng pagtanggi sa kontrobersya tungkol sa korapsyon sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Bukod dito, inakusahan din si Arroyo at ang iba niya pang opisyal ng kaduda-dudang paggamit sa Malampaya fund.
Sa kabila ng lahat ng ito, tagumpay siyang nakabalik sa politika bilang kasalukuyang congresswoman ng Pampanga province.
Ang ikatlo at huling makikinabang ay si Rodrigo “Digong” Duterte na nagsimulang manungkulan noong taong 2016 hanggang taong 2022. Kilala sa mala-berdugo at kamay na bakal na imahe. Utak ng madugong giyera kontra droga na kumitil sa buhay ng libo-libong tao. Ayon sa datos na inilabas ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), umabot sa 30,000 ang bilang ng namatay sa ilalim ng drug war ng Duterte administration. Taliwas ito sa inilabas na numero ng Philippine National Police (PNP) na nasa 6,000 lamang. Sa kasalukuyan, siya ay susubukang imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) at papanagutin kapag mapatunayang nilabag niya ang batas.
Sina Estrada, Arroyo, at Duterte—silang tatlo ang makatatanggap ng benepisyo at pribilehiyo kung maisabatas ang Senate Bill No. 1784 o Former Presidents Benefits Act of 2023. Isang napatunayang kurakot. Isang akusadong mandaraya. At isang berdugong utak ng madugong programa. Karapat-dapat pa rin ba silang bumakas sa kaban ng bayan? Tapos na ang termino ng kanilang panunungkulan. Hindi na dapat sila makinabang sa pondong nanggagaling sa mga buwis ng mamamayan. Marami pang ibang sektor ang lubos na nangangailangan ng suportang pinansyal mula sa gobyerno gaya ng edukasyon at kalusugan.
Artikulo: Glen Kerby U. Dalumpines
Dibuho ni: Rinoa Osnaznara
Comments