top of page

OPINYON | Edukasyong Patuloy na Binabansot

Writer's picture: Mark Joseph SanchezMark Joseph Sanchez

“Ang pagkahubog ng kaisipan ang pinakamabisang paraan ng pananakop. Kaya, ang edukasyon ay nagsilbing sandata sa mga digmaan para sa pagsakop ng mga bansa," ani Renato Constantino sa kaniyang akdang "Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino" na nananatiling napapanahon hanggang sa kasalukuyan dahil sa umiiral na neo-kolonyal na sistema ng edukasyon sa ating bansa.


Nananatiling nakatali sa kumpas ng mga kanluraning bansa ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, na siya ring nagpapatuloy sa pag-iral ng binubulok na sistema at bumabansot sa pagkatuto ng mga mag-aaral na Pilipino. Nito lamang nakaraang linggo, naglabas ng panukala ang Department of Education (DepEd) hinggil sa layong pagbabago ng kasalukuyang kurikulum para sa kindergarten hanggang Grade 10, at isa sa mga nilalaman ng panukala ay ang bagong learning area na tatawaging Sibika, Kultura, Kasaysayan, at Kagalingang Pangkatawan (SiKaP). Sa ilalim ng bagong learning area na ito, pagsasama-samahin ang mga asignaturang Araling Panlipunan (AP) at Music, Arts, PE, and Health (MAPEH), na siya namang sasabayan ng tuluyang pagbuwag sa asignaturang Mother Tongue. Ayon sa panukalang papel ng kagawaran, kabilang sa mga layon ng SiKaP ay i-decongest ang crowded K-12 curriculum kung saan marami raw ang explicitly articulated na mga rekisito, ngunit ang iba nama’y implicit o misplaced. Ngunit ang pagsasama-sama ng Araling Panlipunan, Sining, at Pisikal na Edukasyon na tatlong magkakaibang asignatura bilang SiKaP ay magdudulot lamang ng kabawasan sa oras at pokus na mailalaan sa bawat isa na magiging sagka sa tunay na pagkatuto ng mga mag-aaral. Kabilang din sa mga layong isulong ng panukala ay ang pagpapaunlad ng foundational literacy skills ng mga mag-aaral mula kinder hanggang ikatlong baitang o kilala rin bilang Key Stage 1. Mahalagang mapaunlad ang foundational literacy skills sa mga primaryang baitang pa lamang ng mga mag-aaral, ngunit ang panukalang pagtanggal sa asignaturang Mother Tongue ay kontraryo lamang sa layon ng kagawaran. Higit na mahalaga ang pagpapanatili ng inang-wika sa kurikulum ng mga primaryang baitang dahil nagsisilbi ito bilang pundasyon sa paghubog ng kasanayan sa pagbasa at pagsulat gamit ang wikang kanilang pinakanaiintindihan at sinasalita araw-araw. Magiging malaking sagka rin sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa lalawigan at kanayunan ang pagtatanggal ng inang-wika, dahil mawawalan sila ng asignaturang nakatuon lamang sa pagpapakilala at pagpapaunlad ng kanilang sariling wikang panlalawigan. Sa gayong sabi, palalabnawin lamang ng mungkahi ng kagawaran na tanggalin ang asignaturang Mother Tongue sa kurikulum ang pagtingin at pagkilala ng batang kaisipan ng mga mag-aaral sa kanilang kultural na pagkakakilanlan. Kung ating matatandaan, binanggit ni Marcos Jr. sa kaniyang inagurasyon ang kagustuhang gamitin ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa bansa para mas paigtingin ang kasanayan ng mga Pilipino sa paggamit ng banyagang wika na aniya’y “which we had and lost.” Magbibigay raw ito ng mga karagdagang benepisyo sa mga overseas Filipino worker (OFW) na kanilang kinakailangan para mamuhay at umunlad sa ibang mga bayan.


Kung ating sisinsinin, hindi ba’t ang sistema ng hindi patas na oportunidad at sapat na pasahod para sa mga manggagawa ang dapat na baguhin nang sa gayon ay wala nang mga Pilipinong mas pipiliing lumayo sa pamilya para lang kumita ng pera habang nagsisilbi sa mga dayuhan, at hindi kailanman ang pagpapalabnaw sa wikang Filipino at lalong pagpapayaman sa wikang Ingles? Bilang bansa na pumailalim sa imperyalismong linggwistiko ng mga Amerikano, naging malaking salik ang wikang Ingles sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon, kung saan umiiral ang huwad na pamantayan na mas mahusay ang isang indibidwal na matatas sa pananalita ng Ingles kaysa sa Filipino. Ngunit sa usapin ng edukasyon, taliwas sa kagustuhan ni Marcos Jr. na balikwasin ang kasalukuyang wikang panturo sa mga paaralan, kinakailangan munang ituro ang inang-wika para maituro nang epektibo ang wikang Ingles. Ang kasalukuyang sistemang panturo sa bansa ay nakaangkla sa programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), kung saan nakabatay ito sa prinsipyo na mas epektibong matututo ang isang bata kung ang pagtuturo ay magsisimula sa mga konseptong kaniyang alam at naiintindihan. Mula rito, mas matututuhan na niya ang iba pang mga konsepto at ideya na labas sa kaniyang inang-wika, at hindi ito limitado sa wikang Ingles lamang, ngunit pati na rin sa iba pang mga lokal at global na diyalekto at lenggwahe. Kung kaya naman isa lamang malinaw na manipestasyon ng pagpapanatili ng reaksyonaryong porma ng gobyerno ang kagustuhan ni Marcos Jr. na patuloy na bansutin ang pagtingin at pagkilala ng mismong mga Pilipino sa ating sariling wika at mas pagyamanin ang wikang dayuhan sa ating sariling bayan. Sa usapin ng hungkag na panukalang ito ng Kagawaran ng Edukasyon at ng tambalang Marcos-Duterte, hindi lamang pagkatuto ng mga mag-aaral ang inilalagay sa panganib, ngunit pati na rin ang kalagayan ng mga guro. Dagdag pasanin lamang ito sa ating kaguruan na maghahalo-halo ang kakailanganing pagdalubhasaang asignatura, ngunit bigo pa ring makuha ang nararapat na dagdag na pasahod. Ang pangunahing hakbang para tugunan ang lumalalang krisis sa sektor ng edukasyon sa bansa ay kilalanin ng estado na tunay at mapaminsala ang krisis na patuloy bumabansot sa karunungan ng mga mag-aaral na Pilipino. Ngunit paano kikilalanin ng estado ang krisis na ito, kung sila mismo’y patuloy ang pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan sa mga panawagan at tunay na pangangailangan ng sektor ng edukasyon sa ating bansa gaya na lamang ng karagdagang mga guro; ang pagsasabatas ng House Bill No. 203 o ang karagdagang pasahod para sa kaguruan kasabay ng patuloy na pagmamahal ng presyo ng pamumuhay na dulot ng implasyon at pagbibigay ng kanilang overly-delayed na performance-based bonus (PBB) na dapat ay noon pang 2021 ipinamahagi; karagdagang mga silid-aralan; at karagdagang badyet para sa edukasyon at hindi sa militarisasyon. Malaya man mula sa pananakop ng mga dayuhan ang ating bansa, ngunit hindi ito malaya mula sa mga bakas ng mga tanikalang daan-taong gumapos sa mga Pilipino. Nariyan pa rin ang mga polisiya at mga pamantayang nakasandig sa kanluraning interes na patuloy na gumigipit sa masa, at perpekto itong ipinapakita ng tunay na layon ng kagawaran at ng mismong estado sa pagpapanukalang baguhin ang kurikulum at tuluyang buwagin ang Mother Tongue sa mga paaralan—upang mas maging mabenta sa mga banyagang negosyante at korporasyon ang mga mapoprodyus na mga gradweyt ng bansa sa hinaharap, at hindi kailanman para matutuhan ng mga ito ang krusyal na mga leksyong kinakailangan para sa pang-araw-araw na pamumuhay. Artikulo: Mark Joseph M. Sanchez Dibuho ni: Timothy Andrei Milambilin

Comments


bottom of page