top of page

OPINYON | Distansya, hapis

Writer's picture: Drex Le JaenaDrex Le Jaena

Wala pang isang araw ang nakalilipas sa malawakang strike ng mga tsuper nang bumanat ang kasalukuyang bise-presidente Sara Duterte at tinaguriang "communist-inspired” ang karapatan na mag-protesta ng taumbayan.








Maraming tagpo sa kasaysayan ang maihahalintulad dito. Lumang tugtugin. Ang pagpro-protesta bilang pagiging “rebelde.” Anumang taliwas sa gobyerno ay kaaway nito.




Matatandaan noon ay binansagan din na komunista ang pagsibol ng mga community pantries sa buong bansa. Kung kaya ay dali-dali ang mga opisyales na bumuo ng naratibo. Na instrumento raw ang mga community pantries para mag-recruit ng mga rebelde. Si Ana Patricia Non bilang Satanas. Napaligiran ang mga pantries ng mga pulis.




Likas ang ganitong retorika sa mga pampublikong opisyal. Ang pagtatangkang may alam sa kung anong nangyayari sa mga mamamayang pilit na ibinabandera ang sarili bilang representante nito.


“This is not red-tagging. This is a statement of fact,” ani Duterte. Hindi kinokonsidera na ang modernisasyon ay isa ring dagok sa mga pamilyang hanapbuhay ang pagiging tsuper, ang kita rito bilang pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Na ito ay dagok sa mga mag-aaral dahil sa magiging taas-pasahe sakaling ma-aprubahan ang mga modernisadong dyip.




Hindi ba matatandaan noon na si Sara ay nilulan ng isang presidential chopper para makasama ang kanyang tatlong mga anak. Hikahos ang buong bansa. Mataas ang presyo ng langis.




Noong pre-pandemic, isa sa mga tinutukan ang challenge kuno ni dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo na mag-komyut patungong Malacañang upang maranasan ang iniindang hirap ng mga komyuter araw-araw. Isa sa mga naging pahayag ni Panelo noon na wala ‘diumanong’ krisis sa transportasyon sa Metro Manila. Mali sa umpisa, sa dulo, at sa pangkalahatan.




May rimarim ang pagtuturing sa pang-araw-araw na karanasan ng ordinaryong Pilipino bilang spectacle. Sa mga tulad ni Panelo at Sara, saglit lamang ang ganitong mga eksena, sa mga Pilipino ito ay pang-araw-araw na danas. Ngunit hindi ba parang iyon na rin ang senyales na ang pagiging opisyal ng gobyerno ay kalakip na ang distansya sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang Pilipino?




Ilang buwan matapos ito, rumagasa ang pandemya. Mababalita na karamihan ng mga tsuper ay napilitang manlimos sa kalye ng pera pangkain at pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.




Iniisip palagi ang konsepto ng buhay bilang walang tigil na kapaguran. Walang tigil na pagsisilbi sa makinarya ng kapitalismo. Buhay bilang walang humpay na survival. Na ito mismong ganitong kamalayan ang wala at 'di kailanman mahihinuha ng mga naghaharing uri. Na ang pagkapanalo sa posisyon ay may garantiyang tiyak na sahod sa susunod na tatlo o anim na taon. Seguridad, na siyang hindi danas ng lahat.




Ang karanasan ng ordinaryong Pilipino ay kawalan ng katiyakan. Palaging hindi sigurado. Kawalan ng katiyakan kung may kakainin kinabukasan. Kawalan ng katiyakan kung maipagkakasya ang sahod. Kawalan ng katiyakan kung makababawi pa sa kumunoy ng kahirapan sakaling magkasakit.




Kaya may bigat palagi ang salitang pakikipagsapalaran. Buhay na parang sugal. Hilahang lubid kung buhay pa kinabukasan. Halos lahat ng daing ng mga tsuper sa nakaambang modernisasyon ay ang milyones na utang na ihahatid nito sa kanila. Gobyerno mismo ang pilit na gumugupo sa anumang natitirang katatagan ng pamilyang Pilipino.




May isang tagpong napanood kamakailan sa pagitan ng dalawang tsuper. Tanong ng isa kung bakit bumibiyahe gayong may strike nga. Pinaglalaban natin, jeep natin, ani nito. Halatang dismayado. Mataas ang boses. Gagarahe na ‘ko. Nagdi-delihensya lang ako pang-almusal, ganti ng isa. May tono ng hiya sa paghingi ng tawad. May pagkilala na may kailangang ipaglaban ngunit mahirap ding balewalain ang kalam ng sikmura.




Mababaw ang luha sa mga gantong eksena.




Ang hindi maintindihan ni Sara, ng mga opisyales ng gobyerno, sa kanilang makitid na pagtanaw sa kalagayan ng ordinaryong Pilipino ay ang dagundong ng paghihirap na ihahatid nito sa masa. Ang pagtaas ng pasahe upang mabayaran ang loan sa bagong dyip, pagtaas ng presyo ng bilihin, at sa kabuuan ang cost of living sa bansa.




Kung kaya’y lalong nakagagalit ang mga gantong pahayag. Na tila ang pagtulong sa kapwa, sa komunidad, at paglaban sa karapatan ay masama.




Kung komunismo pala ang pagtulong sa kapwa, pagtanaw sa sarili bilang bahagi ng lipunan, ang pagkilala sa mamamayan bilang tao, anong sinasabi nito tungkol sa komunismo? Kung ang pagsulong sa karapatang pantao, reporma sa lupa, sapat na kita, paglaya ng mga bilanggong politikal, pagsugpo sa mga krisis pangklima, ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa komunismo?




May kasaysayang pilit na itinatago. Ang komunismo bilang isang abstrak na kaaway. Ahistorikal na pagtingin. Nga naman, igugupo ng komunismo ang naghaharing uri, mawawalan ng lugar sa lipunan. Totoo. Walang malalagot sa mga manggagawa kundi ang tanikala.




Artikulo: Drex Le B. Jaena

Dibuho ni: Randzmar Longcop


Comments


bottom of page