top of page
Writer's pictureThe Communicator

OPINYON | Cha-cha: Pagbabago o Panggagatso?

Sa panahon ng pandemya kung kailan ang mga Pilipino ay naghihirap dahil sa sobrang mahal ng mga bilihin, palpak na pampublikong transportasyon, hindi sapat na pasahod, at sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao, mas itinutulak pa ngayon ng mga opisyal ng gobyerno ang usapin tungkol sa pagbabago ng Saligang Batas. Matatandaang sinimulan ng House of Representatives Committee on Constitutional Amendments ang pagdinig noong Enero 26 sa mga panukalang batas na naghahangad ng charter change o Cha-Cha.


Sa mga talakayan sa charter change, marahil ang isa sa pinakamaingay nitong kontrobersiya ay ang panukala hinggil sa termino ng mga opisyal ng pamahalaan tulad ng Presidente, Bise Presidente, mga mambabatas sa House of Representatives, at mga lokal na opisyal.

Sa kasalukuyang Saligang Batas na sinusunod, may anim na taon lamang upang mamuno ang Presidente at Bise Presidente. Ngunit sa panukalang iminumungkahi ng cha-cha ay bibigyan ng parehong limang taon ang dalawang pinakamataas na opisyal upang mamuno kasabay ang pagsasabatas na maaari silang maluklok sa dalawang magkasunod na termino. Inihahain din ng mga mambabatas ang sistemang tandem voting na kikilala ng boto sa Presidente bilang boto rin para sa kaniyang katambal na Bise Presidente.

Gayundin, itinutulak ang pagbabago sa bilang ng taon ng pamumuno para sa mga kongresista at mga bahagi ng lokal na pamahalaan maliban sa mga barangay officials. Mula sa tatlong taong pamumuno ay gagawing limang taon nang may pagkakataon upang maluklok ng dalawang magkasunod na termino.


Hindi na bago sa mga Pilipino ang mga apelyidong nabubuhay lamang tuwing halalan at mga magkakamag-anak na nagpapalitan lamang ng pwesto upang manatili sa kapangyarihan. Ang pagtulak sa cha-cha ay tila isang hakbang upang mas lalo pa nilang maangkin ang posisyong tila ba anting-anting na mag-iiwas sa kanila upang makulong, mabulilyaso, at maghirap.

Sino nga ba ang makikinabang kung ipatutupad ang mga polisiyang pampulitika na ito? Walang iba kung hindi sila-sila ring mga politikong bahagi ng mayorya. Mababawasan ang pagkakataon upang itulak ang mga polisiyang naglalayong tulungan ang mga manggagawang Pilipino, mga mag-aaral, mga taong may kapansanan, mga matanda, at mga mahirap dahil mas uunahin pa nilang pangalagaan ang negosyong nagpapayaman sa kanila kaysa sa bansa.

Sa usaping pang-ekonomiya, ang iminumungkahing panukala sa cha-cha ay ang pagbibigay sa Kongreso ng kapangyarihang magpasa ng batas na magpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari, magpatakbo, at magpalaganap ng kanilang mga negosyo. Nakalulungkot isipin na bukas ang gobyerno sa pagpapatupad ng ganitong mga polisiya na maaaring kumitil sa industriyang lokal na pangunahing hanapbuhay ng mga Pilipino. Kung sakaling maipatupad, mas lalong maghihirap ang buhay ng mga magsasaka, mangingisda, at mga manggagawa, at hindi uunlad ang kulturang Pilipino dahil magiging malaki ang epekto nito sa gawi ng pamumuhay.


Sa halip na itulak ang hindi makatwirang mga probisyon, dapat tulungan ng gobyerno ang mga lokal na mga magsasaka sa pagpapatupad ng repormang agraryo na nakasandig sa kanilang pangangailangan at magpapanatili ng kanilang hanapbuhay. Bukod pa rito, dapat na bigyan nila ng prayoridad ang pagpapatupad ng mga batas na naglalayong maisakatuparan ang sahod na naaayon upang makabuhay ng pamilya at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Dapat tayong matuto sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng mga libro, artikulo, at mga video na nagbibigay-aral patungkol sa usapin. Dapat tayong makialam dahil ito ay bagong hamon sa ating pagka-Pilipino — ang pagkikibit-balikat sa usaping ito ay maaaring magdulot ng kapahamakan hindi lamang ng isa kung hindi ng buong bansa. At dapat tayong maghayag, gamitin ang lakas ng social media at pakikipagkapwa tao upang pag-usapan at tutulan ang pagtutulak ng cha-cha.


Bilang Pilipino, may gampanin ka rin sa usapin ng cha-cha lalo na't sa Saligang Batas nakabatay ang ating mga karapatan. Matuto, makialam, at maghayag!


Artikulo: James I. Lanquino

Dibuho ni: Darren Waminal


Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.
bottom of page