top of page
Writer's pictureThe Communicator

OPINYON | Ang Lipad Patungo sa Nangigipit na Bukas

Kasabay ng pagsalubong sa taong 2023 ay ang pagsiklab ng balitang halos 65,000 na ating mga kababayan ang naabutan ng pagpapalit ng taon sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ito ay epekto ng flights na na-kansela, na-antala, at nailipat sa iba't ibang regional airports dahil sa power outage at technical issues sa air traffic control ng naturang paliparan.



Sa pagputok ng balita na ito ay ang pagkabuhay ng usapin tungkol sa plano na ilipat sa pribadong sektor ang pagmamay-ari sa NAIA. Ayon kay Senador Grace Poe, ang namumuno sa Senate Committee on Public Services, napapanahon na para sa gobyerno na isa-pribado ang operasyon at maintenance ng NAIA dahil makatutulong ito na mapabuti ang efficiency at safety ng paliparan.


Sa nagtataasang bilihin ng mga kasangkapan, pamasahe sa pang-araw-araw na transportasyon, at kakarampot na kitang pinagkakasya ng mga ordinaryong Pilipino sa kanilang pamilya, makatao pa ba na ilipat ang isa sa mga assets ng gobyerno sa pribadong sektor na maaaring maging indikasyon ng panggigipit pa sa naghihirap na masang Pilipino?


Ang mga bansang gaya ng Canada, United Kingdom, Germany, Australia, at New Zealand, ay ilan sa mga bansang nagpatupad ng privatization sa kanilang air traffic systems. Kung titingnan, naging matagumpay ang implementasyon nito sa kanila sapagkat ang mga bansang ito ay ilan sa mga mauunlad nang bansa sa mundo. Hindi katulad ng ating bansang hanggang ngayon ay third world o kabilang sa mga papaunlad pa lamang, na sinabayan pa ng 8.1% na inflation rate. Ayon sa Florida Tech, 20% hanggang 29% ang maaaring itaas ng pamasahe sa eroplano kung sakaling matuloy ang planong ito. Isang malaking dagok sa mga mamamayang Pilipino, lalo na sa mga OFW na umaasa sa mga paliparan upang mabilis na makapiling ang kanilang mga pamilya.


Ilang empleyado rin ba ang maaaring mawalan ng trabaho kung maganap ang pagpapalit na ito? Mga empleyadong inaasahang mag-uwi ng makakain sa mesa at panustos sa pag-aaral ng kanilang mga kapamilya. Ang paglilipat ng pagmamay-ari ay isang indikasyon ng malakihang pagbabago sa sistema ng mga paliparan; kasama na rito ang mga tauhang walang kasiguraduhan kung sila ba ay mananatili sa serbisyo o tuluyan nang magpapaalam sa kanilang tungkulin.


Sa usapin na ito, bakit tila mas prayoridad na iriin ang pagsasapribado ng air traffic control systems kaysa subukan muna ng gobyerno na i-resolba ito sa loob ng pamamahala nila? Patunay ba ito na mga maling tao ang nasa kinauukulan, gayong ang gobyerno ay nakatakdang magbigay ng serbisyo sa taong kanyang nasasakupan? Ang pagsasapribado ng NAIA ay isang hudyat ng pagpapasa ng responsibilidad ng pamahalaan at tila isang signo na hindi nila kayang ayusin ang sistema sa kanilang sariling pamamaraan.


Iniimpake na ng gobyerno ang bagahe ng delubyong bitbit ng mamamayan sa mga paliparan sa pamamagitan ng pagsakay sa flight ng pagsasapribado ng air traffic control systems. Ngunit, kung gigipitin naman nito ang masang Pilipino sa pamamagitan ng mas mataas pa na pamasahe sa eroplano, pagkawala ng trabaho ng mga kasalukuyang nagsisilbi sa paliparan, at ang pagpapasa ng responsibilidad sa pribadong sektor na maaaring magdulot ng mas mahinang seguridad sapagkat wala nang akses ang gobyerno rito; mabuting suriin muna kung ito nga ba ang nararapat na hakbang upang matuldukan ang paulit-ulit na delubyo ng ating mga mamamayan sa mga delayed at cancelled flights. Suriin rin kung may iba pang maaaring paraan upang maisaayos ang problemang ito na hindi makapanggigipit sa mga Pilipinong tumatangkilik sa mga paliparan.


Ang birtud ay nasa gitna ng sobra at kulang—pilosopiyang pinanghahawakan ni Aristotle. Kung mahahanap natin ang gitna sa nanggigipit na pagsasapribado ng air traffic control systems at delubyong dinaranas ng mga Pilipino, makakamit ang birtud na siyang tunay na makatutulong sa mamamayang Pilipino.


Ang problema'y wala sa alapaap; ito ay nasa lupang nilalakaran ng bawat Pilipino. Kung nangigipit ang bukas, sasama ka pa ba sa lipad nito hanggang wakas?


Artikulo: Alexa S. Franco

Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy


Comments


bottom of page