top of page

Mula Sayo, Para sa Bayan: Liham ng Isang Martir

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa ika-161 na pagdiriwang ng kaarawan ng isang martir, hindi natin makakalimutan ang sakripisyo at kadakilaan na ipinamalas ng bayaning si Gat. Andres Bonifacio—bayaning nagbuwis ng buhay at nagsulong ng kalayaan ng mga Pilipino mula sa matinik na tanikala ng kolonyalismong Espanyol.



Musmos pa lamang ay masasalamin na ang alab niyang magsilbi; sa edad na 14 taong gulang, naulila at tumayong nanay at tatay sa kanyang mga kapatid—hindi ito naging hadlang upang magkaroon ng pusong makibaka at isulong ang isang organisasyong nagtanggol sa Pilipinas mula sa mapang-aping pamamahala ng mga dayuhang mananakop. 


Siya si Supremo, ang nagtatag ng organisasyong KKK o Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, isang lihim na samahang nagpanganak ng mga Pilipinong rebolusyonaryo; mga taong ipinakita ang totoong depinisyon ng pagiging “aktibista” at matatapang na lumaban mula sa naghaharing-lahi. 


Sa kaniyang kaarawan, ating alalahanin ang dugong dumanak sa bayan na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa makabago at matinding pakikibaka. Bagaman hindi mahihigitan ang mga salitang nagmula sa marangal na bayani, sa isang liham na isinulat ko mula sa kanyang pananaw, nais kong bigyang-hustisya ang mensahe para sa bayan at ihayag ang mga aral at adhikain na kaniyang ipinamulat sa atin.


2024 Nobyembre 30 


Sa Aking Lupang Tinubuan, 


Para sa mga bayani sa kasalukuyan. Batid ko ang dugo’t pawis na nananalaytay sa bawat sigaw at martsa na inaalay sa bawat pakikibaka. Ang mga hakbang na tinatahak sa kabila ng pag-uusig ng mga naghaharing opisyal, at ang mga kamay na patuloy na sumusulat ng kalayaan kahit dugo’y dumadaloy sa kaparangan ng papel. Alalahanin niyo ang sakripisyo ng ilang libong bayaning nagdaan, na bagama’t salat sa pagpapangalan, ay nagbigay naman ng buhay sa tinatamasang karapatan sa kasalukuyan.


Hindi ako lumaban nang sa huli ay maging isang alaala na lamang. At kapag lumaon ay maging isang aparisyon ng kabayanihan. Ako’y tumayo at nag-aklas mula sa matuling agos ng kamatayan, at upang sa huli’y makita ang kasadlakan sa lupang tinubuan. 


Sa panahon ng inyong laban, kung saan ang mga armas ay hindi lamang gulong at sundang, kundi mga salita, mga hakbang ng pagkakaisa, at mga uring hindi nagpapatalo sa takot—nakikita ko ang inyong pagpupunyagi. Ang inyong pakikibaka ay hindi lamang para sa mga panandaliang tagumpay, kundi para sa pagkakaroon ng tunay na kalayaan, ang uri ng kalayaan na hinangad ng bawat bayani mula sa ating nakaraan.


Pinipilit ng ilan na itago ang ating kasaysayan, pinipigilan ang inyong tinig na umaabot sa mga hangganan ng ating bayan. Subalit ang mga kabataan ngayon—tulad ng mga kababayang naglakbay upang makamtan ang ating kalayaan—ay nagtataglay ng di-mabilang na sigasig at tapang upang magsalita at lumaban para sa mga karapatan at katarungan. Walang kakulangan sa tapang, walang kakulangan sa lakas, at higit sa lahat, walang kakulangan sa mga dahilan upang ipaglaban ang ating pinagmulan.


Dahil sa inyo, ang mga lansangan ay puno ng buhay at lakas. Ngunit tandaan, hindi ito darating nang mag-isa; ang bawat hakbang na inyong tinatahak ay nagmula sa alingawngaw ng nakaraan. 


Ako’y nanumpa noon, at patuloy na nanunumpa sa inyo na ang laban ay hindi nagtatapos sa kamatayan, kundi sa pagtataguyod ng mga layuning hindi maglalaho. Ang mga digmaang isinusulong sa ngalan ng demokrasya, karapatan, at hustisya ay hindi matitinag ng takot o pananakot; at ang mga saligang ideyal na inyong ipinaglalaban ay magtatagal hangga’t ang mga prinsipyo ng bayan ay nananatiling matatag.


Ang mga sagupaan ngayon ay tinatahak sa bawat martsa, bawat pagtitipon, at bawat pagsasalita sa harap ng mga mata ng mga hindi nakakakita ng ating mga pinagmulan. Ang mga kabataan ay nagsusulong ng kanilang sariling laban, may malasakit sa kapwa, at may malasakit sa bayan. Ang teknolohiya ay isang bagong sandata, at sa bawat paglilimbag, makikita ninyo ang apoy ng di-mabilang na kalaban ng kasaysayan—mga tinig na hindi kayang patahimikin.


Kaya't ipagpatuloy ang inyong paglaban, mga kasama sa pakikibaka. Tulad ko, tulad namin, ang inyong kabayanihan ay hindi maglalaho. Magsalita nang malakas, magsanib-puwersa, at huwag hayaan na ang inyong sakripisyo at ang aming mga pangarap ay mabaon na lamang sa limot. Kung kaya ko sumulong laban sa mga puwersa ng karahasan, kaya niyo ring itaguyod ang isang bukas na mas makatarungan at mas malaya para sa lahat.


Sa inyong mga kamay, mga bayani ng kasalukuyan, ipinagkatiwala ko ang aming mga pangarap.


Mula sa’yo, para sa bayan,

Andres Bonifacio


Artikulo: Andrea Cheryl Bautista

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page